Sa isang malayong bayan ay may dalawang pangkat na matagal nang may alitan. Ang dalawang pangkat ay ang pangkat ng Waisabi at pangkat ng Urugda. Mga katutubong pangkat na naninirahan sa bayan ng Ompasa sa kasuluk-sulukan ng kagubatan.
Itinuturing na isang karangalan ang makap*slang ng kalaban kaya sadyang naghahanda at nagpapalakas ang mga mandirigma ng bawat pangkat para sa laban kung magkaroon man ng sagupaan.
Ang namumuno sa pangkat ng Waisabi ay ang matapang na mandirigmang si Kobito. Mayroon itong anak na isa ring mahusay na mandirigma, si Kufasa.
Isang araw si Kufasa ay naisipang mangaso sa kagubatan. Nang magawi siya sa isang talon upang magpahinga ay nakakita siya ng isang magandang dalaga na naliligo sa talon.
“Napakagandang babae. Tila nakakita ako ng anghel na bumaba sa lupa,” mangha niyang bulong sa sarili.
Naakit siya sa kagandahan ng babae ngunit napansin niyang ito ay isang dayuhan at walang karapatang maligo sa lupaing nasasakupan ng kanilang pangkat.
“Ngunit hindi ito maaari. Isa siyang dayo at hindi maaaring maglagi rito,” sabi pa niya sa isip.
Kik*tlin na sana ni Kufasa ang buhay ng dalaga nang pigilan siya ng isang diwata.
“Huwag mong itutuloy ang binabalak mo!” wika ng diwata. “Ako si Lamian, ang diwata ng kagubatang ito,” pagpapakilala nito.
“Huwag mo siyang sasaktan, lalaking matapang, dahil ang babaeng iyan na nasa iyong harapan ay ang babaeng nakatadhana para sa iyo,” hayag pa ng diwata.
Pinakinggan naman ni Kufasa ang diwata. Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak ay nilapitan niya ang dalaga at nakipagkilala.
“Magandang umaga, magandang binibini. Ako nga pala si Kufasa ang pinuno ng pangkat ng Waisabi na nagmamay-ari ng lupaing ito. Sino ka at ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya rito.
“Ipagpaumanhin mo, ginoo. Ako nga pala si Riway. ‘Di sinasadyang naligaw ako rito sa inyong lupain at hindi ko alam kung saan ang daan pabalik. Habang naglalakad-lakad ay nakita ko ang napakagandang talon na iyan at ako ay naligo,” paliwanag ng kausap ni Kufasa.
Nalaman din ni Kufasa na ang babae ay ang nag-iisang anak ng pinuno ng pangkat Urugda na si Galim ngunit kahit nagmula ito sa kalabang grupo ay hindi naiwasan ng binata na mahulog rito. Sa katunayan ay sa unang pagkikita pa lamang ng dalawa ay nakaramdam na sila agad ng kakaibang pakiramdam sa isa’t isa.
Pagdating sa lupain ng pangkat Urugda ay agad na dinakip ng mga mandirigma si Kufasa nang makita siya ng mga ito na kasama si Riway. Siya na ngayon ang dayuhan sa lupain ng babae.
Nakiusap si Riway sa kaniyang amang si Galim. Isinalaysay niya ang mga pangyayari kung bakit niya kasama si Kufasa.
“Maaaring kin*til niya ang buhay ko nang mahuli niya akong naliligo sa kanilang lupain ngunit siya ay nahabag. Sa halip ay sinamahan pa niya ako pauwi na ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kaniya, ama, tulad ng pagkahabag niya sa akin,” nagmamakaawang sabi ni Riway.
Nag-isip si Galim. Ang kahilingan ng kaniyang anak ay taliwas sa nais ng mga mamamayan ng Urugda. “Siya ay babawian ng buhay kung hindi niya kayang ipagtanggol ang kaniyang sarili,” pahayag ng pinuno.
“Mga mamamayan ng Urugda, piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang makatunggali ng binatang mula sa pangkat ng Waisabi. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak,” saad ni Galim.
Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Urugda. Pinili nila ang pinakamagiting nilang mandirigma upang makalaban ni Kufasa.
Nagsimula na ang paghaharap ng dalawa.
Mula naman sa Waisabi ay dumating ang isang daang mandirigma na naghahanap sa anak ng kanilang pinuno. Nakita nila si Kufasa na nakikipaglaban. Humanda silang maipaghiganti ito kung sakaling magapi ito.
Sa kabutihang palad ay nanalo si Kufasa at naiwasan ang sana’y madugong pagtutuos ng mga mandirigma ng Waisabi at Urugda.
“Dahil ikaw ang nagwagi ay ibinibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak. Mayroon akong isang salita,” wika ni Galim.
“Ngunit bukod sa iyong anak ay may nais sana akong hilingin sa iyo, Pinunong Galim. Sana ay pagbigyan mo ako,” seryosong sabi ni Kufasa.
“Ano iyon?” tanong ni Galim. “Hiling ko sana na itigil na ang matagal nang alitan sa pagitan ng ating mga pangkat. Nais ko na kalimutan na natin ang labanan at mamuhay ng tahimik at mapayapa,” wika ng binata.
Napatingin kay Kufasa ang kaniyang amang si Kobito maging ang mga mandirigma ng kaniyang pangkat.
Nagkatinginan at nagbulungan din ang pangkat ng Urugda.
“Maaari mo bang pagbigyan ang kahilingan niya, ama? Sana ay maging magkakaibigan na ang pangkat ng Waisabi at ang ating pangkat. At saka iniibig ko po si Kufasa. Siya po ang lalaking gusto kong makasama habang ako’y nabubuhay,” pakiusap ni Riway.
Mayamaya ay bumuntong-hininga si Galim bago sumagot.
“Siguro nga ay tama kayo. Kailangan na nating putulin ang matagal nang alitan ng ating mga pangkat. Itigil na natin ang gulo at sagupaan. Pinunong Kobito, simula sa araw na ito ay tinatapos ko na ang hidwaan sa pagitan ng ating mga pangkat at bukas na ang pangkat Urugda sa pakikipagkaibigan,” hayag ni Galim.
“Aba, nag-iba yata ang ihip ng hangin. Ang kilala kong Galim ay isang mapagmataas at mahirap kausap. Bakit biglang nagbago ang iyong pananaw?” tanong ni Kobito sa kapwa pinuno. “Iyon ay dahil napagtanto ko na mas mahalaga sa akin ang aking kaisa-isang anak. Mas mahalaga sa akin ang kaniyang kaligayahan,” tugon ni Galim.
Mula noon ay nagkasundo na ang dalawang pangkat at kahit kailan ay hindi na nagkaroon ng alitan. Naging matalik na magkaibigan ang dalawang pinuno na sina Galim at Kobito. ‘Di nagtagal ay nag-isang dibdib sina Rufasa at Riway at biniyayaan sila ng tatlong malulusog na anak.