Prinsesa at Palaka

Masayang tumalon sa kama ang batang si Sofia. Sinundan siya ng kakambal na si Sabrina. Naghahagikgikan pa sila at nag-aagawan ng kumot.

“Naku, ‘di ba sabi ko huwag tatalon sa kama?” paalala ng kanilang ina bagama’t hindi naman mukhang galit ang babae.

Nagkatinginan ang pitong taong gulang na kambal. “Sorry po, mommy,” sabay pa nilang sabi.

Umupo ang ginang sa gilid at hinalikan silang pareho sa noo. Akmang papatayin na nito ang ilaw sa lampshade nang magsalita si Sofia.

“Mommy, kanina po ay nagkuwento si teacher sa school tungkol sa prinsesa na minahal ang palaka. Kasi mabuti raw ang heart ng prinsesa kaya hinalikan niya ang nagsasalitang palaka. Tapos nagulat na lang po siya kasi prince pala!” kuwento ng bata.

“Alam ko rin ang kuwentong iyon, anak,” nakangiting sabi ng ina.

“Puwede po bang… Puwede po bang ikuwento ninyo ulit habang nagpapaantok kami ni Sofia?” hiling naman ni Sabrina.

Ngumiti muna ang ginang. Bumuntong-hininga tapos ay nagsimula nang magkuwento.

Advertisement

Matagal nang ulila sa magulang si Katarina. Siguro ay pitong taong gulang pa lamang siya nang mawala ang kaniyang ama. Isa itong mangingisda at dahil sa kahirapan ng buhay ay naglakas pa rin ito ng loob na mamangka kahit na naibalita nang may paparating na bagyo. Lumubog ang bangka nito at kailanman ay ‘di na nila nabawi pa ang katawan ng lalaki.

Mag-isang binuhay si Katarina ng kaniyang ina hanggang magkasakit ito sa baga noong labing anim na taong gulang pa lamang siya. ‘Di nagtagal ay sumuko ang katawan ng ginang. Naiwan si Katarina sa pangangalaga ng kaniyang Tiyo Arman at Tiya Marita na kapwa masama ang ugali.

Hindi pa nakuntento ang mga ito na angkinin ang maliit na bahay ng kaniyang mga magulang sa tabing dagat. Ipinagbili pa ito sa ibang tao.

Ngayon ay labing siyam na taong gulang na si Katarina. High school lang ang kaniyang tinapos dahil ayaw siyang pag-aralin ng dalawa. Kahit may mga scholarship na siyang in-applyan ay ayaw pumayag ng mga ito. Masyado raw siyang ambisyosa. Makuntento na lamang raw siya sa kaniyang buhay ngayon. Maigi na ito upang may pakinabang siya.

Nagising si Katarina sa pagkakatulala nang malakas na sumara ang pinto ng kanilang bahay. Feeling niya nga ay natanggal ang kahoy na dingding dahil sa kalabog.

“Tiyong! Tiyang! Kain na ho,” nagmamadaling sabi niya. Naghain na siya ng pagkain.

Mainit ang ulo ng mag-asawa dahil mahina ang kita sa pangingisda.

“Tanggalin mo iyang mga pinggan diyan, g*ga ka. Ito ang asikasuhin mo,” mataray na sabi ng kaniyang Tiya Marita. Inilapag nito sa mesa ang isang sako.

Advertisement

Hindi naman puno iyon at nakabuhol ang dulo. Sigurado si Katarina na hindi bigas ang laman dahil gumagalaw ito. “Ano ho iyan?”

“Buksan mo nang malaman mo!” bulyaw ng kaniyang tiyo. Pagod na naghubad ito ng baro at isinampay ang damit sa upuan.

Dahan-dahang binuksan ng dalaga ang sako. Hindi maganda ang kaniyang pakiramdam. Tumambad sa kaniya ang siguro ay nasa trenta pirasong palaka! Diyos ko po! “Mga palaka? Ano ho ang gagawin natin sa kanila?”

“Aba, hirap na hirap kami ng tiyo mo na hulihin ang mga l*ntik na iyan. Makisama ka naman. Ikaw ang magputol ng ulo. Isasahog ko sa afritada,” sabi ng kaniyang tiya.

“Ho?” naguguluhang tanong ni Katarina.

“Bingi ka? Ang sabi ko ganito.” Marahas na sabi ng tiya niya. Kumuha ito ng isang palaka at hinawakan iyon ng mahigpit sa mesa. Nakatihaya. “Kumuha ka ng kutsilyo. Banda rito mo putulin. Iiglip lang kami ng tiyo mo at napagod kami. Paggising ko dapat tapos ka na.”

“Pero, tiya, bakit ho hindi na lang mga isda?” malakas ang kabog ng dibdib na sabi ni Katarina. “T*nga ka. Mahina nga ang kita sa tilapia. Hindi naman kami makanakaw sa palaisdaan dahil may bantay. Ang arte mo, ah! Mayaman ka? Kumilos ka na! Tont*ng ‘to,” tugon ng kaniyang tiyahin.

Naiwang mag-isa sa kusina si Katarina. Sanay naman siyang maglinis ng isda. Hindi niya lang kaya talaga ang mga palaka. Pakiramdam niya kriminal siya lalo pa nang makita niya ang mga ito na umiiyak.

Advertisement

“Panginoon, ano ba ang gagawin ko?” desperadang wika niya. Sinubukan niyang dumampot ng isa pero ‘di niya talaga kaya.

Ilang oras pa siguro ang lumipas. Alas siyete na ng gabi at mayamaya lang ay magigising na ang kaniyang tiyo at tiya.

Nakapagpasya na si Katarina. Pakakawalan niya ang mga palaka! Dinampot niya ang sako at mabilis na lumabas. Dumiretso siya sa palaisdaan. Tumayo siya sa liblib na parte at tinanggal niyang muli ang buhol ng sako.

“Patawarin niyo ako. Takbo kayo ng mabilis, ha? Tapos… Tapos baka naman puwede ninyong hilingin sa Diyos na dahil mabait ako at pinakawalan ko kayo na sana naman ay bigyan ako ng maraming isda o kahit na ano para lang may ulamin kami. Malilintikan ako sa tiyo at tiya ko, eh,” sabi niya sa mga ito.

Nakatingin lang sa kaniya ang mga inosenteng palaka.

“Ay, ‘di niyo ako naiintindihan? Kokak kokak kokak, ayan,” nakanguso pa niyang sabi bago tuluyang pinakawalan ang mga ito.

Ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat nang makarinig siya ng mahinang tawa mula sa kaniyang likuran. Mabilis siyang lumingon at nalaglag ang panga niya nang makita ang isang binata.

Nakadamit ito na katulad sa mga mangingisda. Ganoon rin ang sumbrero. Bagama’t hindi pamilyar sa kaniya ang mukha nito ubod ito ng gwapo!

Advertisement

“Sana isda na lang ako. Hulihin mo ako,” wala sa sariling sabi ni Katarina.

“Miss?” nangingiting wika ng binata. “Ha?” napakurap namang wika niya. Nalintikan na.

Mabilis na umalis ang binata at akala ni Katarina ay guni-guni niya lamang ito pero ganoon na lamang ang kaniyang pagkasindak nang bumalik ito pero ngayon ay may bitbit na itong isang malaking plastik. Puno ito ng isda.

“Wow. Ang bilis namang matupad ng panalangin ko. Sabihin mo. Ikaw ba ang panginoon ng mga palaka?” ‘di naiwasang maitanong ng dalaga. Umiling ang binata. “Sabihin na lang nating ako ang bagong bantay ng palaisdaan. Alex,” pakilala nito.

“Katarina,” nahihiya namang tinanggap ng dalaga ang kamay ng lalaki.

Nakaligtas sa sermon ang dalaga nung gabing iyon dahil natabunan ang galit ng kaniyang tiyo at tiya. Ang laki ng ngiti ng mga ito dahil may mga isda sila na galing sa tubig tabang. Inulam nila ang ilan at ibinenta naman kinabukasan ang natira.

Mula rin noon ay naging magkaibigan na sina Katarina at Alex. Tawang-tawa ang binata sa kaniyang pagiging inosente. Siya naman ay kinikilig sa bawat ngiti nito.

“Mommy, iba naman po ang kuwento ninyo,” nakasimangot na sabi ni Sofia.

Advertisement

Napangiti ang ina. “Aba, at least, anak, iyon ay totoo. Ang binasa ng teacher mo ay kathang-isip lang.”

“Talaga po? Eh, hindi naman naging prinsipe ang isa sa mga palaka,” wika ni Sabrina.

“Ang binata ay hindi lang pala tagabantay ng palaisdaan. Anak pala siya ng may-ari at marami silang negosyo sa Maynila. Nagkataon lang na ninais niyang magbakasyon. Nakatuwaan niya nang matulog sa liblib na parte ng palaisdaan. Pinahiram siya ng damit ng ilang mangingisda,” nakangiting kuwento ng ina.

“At hindi lang iyon. Ang dapat na isang gabing pamamalagi ng binata sa probinsiya ay nadagdagan nang nadagdagan dahil lihim niya na palang iniibig ang dalaga,” sabi naman ng ama na kanina pa pala nakikinig.

“Daddy!” sabay na sabi ng kambal. “Alam mo rin po ang kuwento?”

Nakangiting niyakap ni Alex si Katarina mula sa likod. “Oo naman. At kung sasabihin ninyong hindi naman prinsesa ang babae? Well, tama kasi hindi naman talaga siya prinsesa. Reyna siya dito sa puso ni daddy,” sinserong wika nito.

Oo, dahil kuwento nila ang ibinahagi ni Katarina sa kanilang mga anak.

Ilang taon na ang nakalipas nang aminin ni Alex sa babae ang kaniyang pag-ibig. Isinama niya ito sa Maynila. Pinag-aral.

Advertisement

Bilib na rin siya sa babae dahil kahit pa masama ang pakita ng tiyuhin at tiyahin nito ay hindi pa rin niya natiis ang mga ito. Pinadalhan pa rin niya ito ng tulong at kapital sa negosyo. Lalo niyang inibig si Katarina.

Ilang taon sila naging magnobyo tapos ay inalok niya na rin ito ng kasal.

Tapos ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ng kambal nilang anak.

Nangingiti na lang si Katarina kapag naaalala niya ang kanilang simula. Sa pamamagitan ng mga palaka ay nakilala niya ang kaniyang prinsipe.