Inday TrendingInday Trending
Tunay na Kulay ng Boyfriend Mo

Tunay na Kulay ng Boyfriend Mo

Ilang beses na sinulyapan ni Kent ang sarili sa salamin bago nagpasyang lumabas sa kaniyang condo. Bitbit niya ang isang kahong cake at isang bungkos ng mga rosas.

Napakahalaga ng araw na ito sa kaniyang buhay. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay ipakikilala na siya ng nobya niyang si Scarlett sa pamilya nito.

Mahal niya ang babae. Sa katunayan ay ito na nga ang nais niyang makasama sa pagharap sa dambana. Isang taon na rin ang kanilang relasyon.

Ayon kay Scarlett ay mahigpit raw ang daddy niya. Kaya nga raw walang nagtatagal na manligaw sa kaniya. At sa edad na 24 ay siya pa lang ang nagiging nobyo niya dahil lagi raw hinaharang ng ama ang sino mang magtangka. Nagkataon lang na talagang minahal na rin siya ni Scarlett kaya nang ligawan niya ito ay sinagot na siya kaagad.

‘Di na sumubok pa ang babae na dalhin siya sa bahay nila dahil baka nga naman umatras pa siya. Napapangiti si Kent kapag naaalala niya ang katwirang iyon ng nobya.

Tapos ngayon ito na. Hindi naman siya dapat na matakot, ‘di ba?

Nasa tamang edad na naman sila. Isa naman siyang engineer. Gwapo rin naman at may respeto. Isa pa, malinis naman ang hangarin niya kaya pilit niyang itinatatak sa utak niya na wala siyang dapat na ikakaba. Ang kailangan lang ay maipakita niya sa magulang ng iniibig na nararapat siya.

Sinulyapan ni Kent ang suot niyang relo tapos sumakay na sa kotse. Ingat na ingat pa siya dahil ayaw niyang magusot ang kaniyang polo.

Tinawagan niya muna ang nobya. “Baby, on my way na. See you.”

“You better be. Ayaw ni daddy ng late,” paalala ng nobya. Ramdam ni Kent na nakangiti ito sa kabilang linya.

Nang matapos na ang tawag ay bumalik na si Kent sa mapayapang pagmamaneho.

Ilang kilometro na lamang ang layo niya sa subdivision kung saan nakatira ang nobya nang mapahinto siya dahil may komosyon sa kalsada. “Okay. What the hell?” wika niya.

Nakakainis naman. Kung kailan nagmamadali siya ay tsaka pa nagkaroon ng aberya. Wala siyang nagawa kung ‘di ang bumaba sa kotse.

“Ikaw ang may kasalanan, pare. Nakita mo nang paparating ako tuloy ka pa rin sa pagtawid!” bulyaw ng isang lalaking namumula na sa galit. Dinuduro-duro nito ang matandang lalaki na nakaupo sa kalsada.

Naalarma si Kent dahil napansin niyang may dugo ang binti ng matandang lalaki.

Halatang katatapos lamang ng banggaan dahil ni wala pang pulis na dumarating. Kahit tanod wala. Pawang mga usisero at usisera lang na wala namang balak na tumulong. May nagbi-video pa.

“Pedestrian lane iyan, eh,” sagot naman ng matanda. Halatang hirap na hirap dahil sa masakit na binti.

“Eh, put*ngina mo. Huwag mo akong dadalihan ng ganiyan! Ikaw ‘tong tat*nga-t*nga, perwisyo!” galit na galit na sabi ulit ng lalaki.

“Pare, naka-aksidente na nga tayo, eh. Huwag naman masyadong mainit ang ulo,” ‘di na napigilang pag-awat ni Kent.

Tinapunan siya ng lalaki ng matalim na tingin. “Sino ka? Bakit ka nakikialam?” galit na wika nito.

Mabilis na nag-isip si Kent. “Ang mahirap sa’yo ikaw na ang may kasalanan dinadaan mo pa sa galit ang lahat. Marami akong kilalang abogado. Kaya kitang pakasuhan. ‘Yun. ‘Yun ang perwisyo,” banta ni Kent.

Pagkarinig naman noon ay kumalma ang lalaki. Hindi nakapagsalita.

Napapailing na tinulungan ni Kent na tumayo ang matanda. Siya na ang magdadala rito sa ospital kasi kung hihintayin niya pa ang mga pulis ay aabutin na sila ng siyam-siyam. Hindi niya na inobliga pa ang galit na lalaki na sumama sa kanila dahil halata naman sa itsura nito na wala itong balak na magbayad.

“Salamat, ha,” sabi ng matandang lalaki na sa kabila ng sakit na nadarama ay napilitan pa ring ngumiti.

Napangiwi naman si Kent nang makita ang binti nito.

“Naku, pasensiya ka na at nadumihan ko pa ang sasakyan mo,” nahihiyang sabi ng matanda. May ilang patak kasi ng dugo sa sahig ng kotse ni Kent.

“Hindi naman po iyon ang iniisip ko. Naaawa ako sa inyo kasi tiyak na masakit ‘yan,” paliwanag ng binata.

Nagsalita pa ang matanda pero ‘di na masyadong naintindihan ni Kent kasi nag-ring ang kaniyang cell phone.

Tumatawag si Scarlett, shit.

Hindi niya na sinagot. Mamaya na lamang siya magpapaliwanag sa nobya. Mabuti naman ang puso nito at tiyak na mauunawaan siya. Diyos ko, hindi naman kaya ng konsensya niya na iwan na lamang ang matanda sa ganoong sitwasyon.

“Mukhang may date ka, ah,” bati ng matanda. Napansin kasi nito ang bulaklak at cake na nasa likod ng kaniyang sasakyan.

Napangiti si Kent. “Hindi ho. Ipakikilala ako sa pamilya ng nobya ko. Medyo late na nga ako, eh.”

“Pasensiya ka na talaga, totoy. Ang laking abala itong ginawa ko sa iyo,” tugon ng matanda.

“Huwag niyo na hong alalahanin. Mauunawaan naman siguro ng pamilya niya. Hindi naman ako nagpapogi lang kaya ako na-late. Tumulong naman ako sa kapwa,” tatawa-tawang sabi ng binata.

Napansin ni Kent na bumunot ng cell phone ang matanda at tumawag. “Hello? Honey, ano, papunta ako sa ospital, eh,” napangiwi pa ito dahil kumirot ang binti.

“Nabangga ako, eh. Oo. Hindi… Huy! Ayos lang ako. Huwag kayong mag-panic. Ano, puntahan niyo na lang ako sa Our Holy Saviour. Hindi ako makalakad, eh. May mabait lang na tumulong sa akin. Sabihin mo sa anak mo dalhin ang kotse. Tatahiin lang ito. Sige na,” wika ng matanda.

Pagkatapos noon ay kinindatan siya ng matanda. “Naku, nag-panic na ang pamilya ko. Palibhasa ay puro babae. Nag-iyakan agad. Buhay na buhay naman ako!” biro nito.

Pagkarating nila sa ospital ay tinahi ang sugat sa binti ng matanda. Nang mabayaran ni Kent ang bill ay nagpaalam na rin siya.

“Good luck sa’yo, totoy, ha!” nakangiting sabi ng matanda kay Kent. Sumaludo naman siya rito.

Hahakbang na sana palayo si Kent nang makita niya ang humahangos na nobya na papasok sa emergency room. “Scarlett?” tawag niya rito.

Halatang nagulat rin ang babae.

“Babe! Oh, my God, babe. Hindi mo binabasa ang texts ko!” umiiyak na sabi nito. Yumakap ang nobya sa dibdib niya.

“What happened?” nag-aalalang tanong ni Kent.

“Tumawag si papa! Na-ospital raw siya. Akala ko nga magkakasalisi tayo kasi pinadadala niya ang kotse, eh. Tapos sabi mo pa malapit ka na. Sabi naman ng papa okay raw siya pero kinakabahan talaga ako,” hagulgol ni Scarlett.

Nanlaki ang mata ng dalaga nang mapasulyap sa likuran ng nobyo. “Papa!”

Tumakbo si Scarlett sa matandang tinulungan ni Kent kani-kanina lang at nagyakap ang dalawa. Ganoon rin ang ginawa ng ina ng babae at ng isa pang kapatid.

Gulat na gulat naman si Kent. ‘Di siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan. Nang humupa ang pag-uusap ng pamilya ay lumingon ang mga ito sa kaniya. “Sir,” tanging nasabi niya lang.

Seryoso ang mukha ng matanda. “Ikaw pala ang nobyo ng Scarlett ko. Alam mo bang lumabas ako kanina kasi bibili dapat ako ng pekeng baril na ipapanakot ko sana sa iyo? Lumapit ka rito.”

Humakbang naman palapit si Kent. ‘Di niya alam ang mararamdaman.

Pero humupa ang lahat ng kaniyang agam-agam nang bigla siyang akbayan ng matanda. “Welcome to the family, anak!”

Nagtawanan silang lahat.

Nagpapasalamat si Kent sa aksidente. Hindi dahil nasaktan ang kaniyang biyenan kung ‘di dahil nabigyan siya ng pagkakataon na ipakita rito ang mabuti niyang puso.

Oo, biyenan. Dahil makalipas ang isa pang taon ay hiningi niya na sa matanda ang kamay ni Scarlett na masayang-masaya naman nitong ibinigay.

Advertisement