Dalawang taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang ama ni Tinay. Pitong taong gulang pa lamang siya noon pero ‘di naman lingid sa batang isip niya na malaking pagbabago ang magaganap sa pagkawala ng kaniyang tatay. Na siyang nagkatotoo naman kasi ang mahirap nilang buhay dati ay mas lumala pa ngayon.
Dati kasi kahit na paano ay siguradong makakakain sila dahil may regular na trabaho sa pagawaan ng upuan ang kaniyang ama. Ngayon ay wala na silang aasahan kung ‘di ang paglalako ng gulay ng kanilang ina. Tatlo silang magkakapatid. Si Tinay ang panganay.
“Sana makaubos ako ngayon, noh. Mamaya ay bibili na lang ako ng alamang sa palengke, mga anak. Itorta natin,” masayang sabi ng ina ni Tinay.
Abala ang ginang sa paglalagay ng gulay sa kani-kanilang plastik. Natalupan na ang mga iyon at nahati na rin. Pang pakbet. Kada balot ay may ilang piraso ng talong, sitaw at kalabasa. Nagtitinda rin ng bagoong ang nanay ni Tinay.
“Sigurado ka bang sasama ka sa akin, Tinay?” tanong ng ina.
“Opo naman, nay. Mabigat po ang dala ninyo, eh,” sabi ni Tinay. Bukod kasi sa bilao ay may bitbit ring isang timba ng kamoteng kahoy ang kaniyang ina.
“Siya, kilos na. Kailangan nating makapagsimula bago ang tanghalian,” tugon ng ina ng bata.
Ibinilin nila sa kapitbahay ang kaniyang mga kapatid, isang pitong taong gulang at isang limang taon. Mababait naman ang mga ito kaya hindi sila namomroblema na magiging sanhi ang mga ito ng kunsumisyon.
Ganito ang gawain ni Tinay kapag walang pasok sa eskwela, tumutulong siya sa nanay niya na maglako.
Noong una nga ay medyo nahihiya pa siya pero kaysa magutom ang kaniyang pamilya ay nilakasan na ng bata ang kaniyang loob. Bukod doon ang nanay niya kasi ay may pagkamahiyain rin kaya kadalasan ay siya ang naninindigan para rito kapag sobrang binabarat na ng mga bumibili.
Sa awa ng Diyos ay mabilis naman silang nakaubos noong araw na iyon. Nakabalik rin sila sa bahay bago mag-ala una ng hapon.
Kaya lang ganoon na lamang ang gulat nilang mag-ina nang mapansin na may natira pa palang dalawang plastik ng gulay sa mesa.
“Ay naku, sayang naman! Tubo ko na rin sana ito,” malungkot na sabi ng nanay ni Tinay. Nakasalang na ang alamang sa kalan.
Mabilis na nag-isip si Tinay. “Ako na ang bahala, nay. Ilalako ko na. Mabilis lang iyan. Hihiram ako ng bike kina Aling Celia,” sabi niya.
“Ha? Eh, kakain na ng tanghalian anak…”
“Mabilis lang po ito! Pagbalik ko bawi na rin ang puhunan natin,” pagputol ni Tinay sa sasabihin ng ina.
Napabuntong-hininga na lamang ang kaniyang ina. Nagpapasalamat sa Diyos dahil nabiyayaan siya ng isang responsable at mabait na anak.
Samantala, abalang naglalaro ng paper doll si Samantha sa bakuran ng kanilang bahay. Seaman ang kaniyang ama kaya nasusunod ang kaniyang mga luho.
“Samantha, pahiram naman ng Sailor Moon. Dadamitan ko nitong palda,” sabi ng pinsan ng bata na si Mae. “Nakikihiram ka na lang namimili ka pa! Ayoko nga!” mataray namang sagot niya.
Hindi na kumibo pa si Mae na tila sanay na sa kaniyang masamang ugali.
Nagpatuloy sa paglalaro si Samantha at napalingon lang nang matanaw ang kaklaseng si Tinay na nagba-bike.
“Gulay! Pang pakbet! Ate, bili na kayo ng gulay! Pang pakbet!” paulit-ulit na sigaw ni Tinay. Sige rin ang paglingon sa paligid sakaling may bumili.
Napangisi si Samantha. Isang pilyang ideya ang kaniyang naisip. “Psst! Hoy! Tinay!” sigaw niya mula sa mababang bakod.
Napahinto ang bata at hinanap siya ng paningin. Nang makita siya nito ay namula ang pisngi ng kaklase at halatang nahiya. “Samantha.”
“Gulay! Pakbet, pakbet!” pang-aasar ni Samantha.
Hindi naman sumagot si Tinay. Akmang itutuloy na niya ang pagba-bike nang muli itong tawagin ng kaeskwela.
“Kawawa ka naman, noh. Look at me. I’m playing kapag weekends. Samantalang ikaw naglalako. Palibhasa poor kayo,” sabi ni Samantha.
Ibinato niya kay Tinay ang isa sa mga lumang paper doll. “Sure naman akong hindi ka pa nagkakaroon ng ganiyan. Pakbet, pakbet!” Kasunod noon ay tumawa ito.
Lalo tuloy nanliit sa sarili si Tinay. Muli na siyang pumadyak palayo. Hindi alintana ang luha na tuluy-tuloy na dumaloy mula sa kaniyang mga mata sanhi ng matinding pagkapahiya.
Makalipas ang maraming taon.
“Gulay! Pang pakbet!” sigaw ni Tinay. Grabe. Ito siguro ang pangatlo niyang tawag pero talagang parang walang nakarinig sa kaniya.
“Ate! Gulay!” tawag niya muli. Sa pagkakataong iyon ay tila wala nang pagpipilian ang babae kung ‘di ang lumingon sa kaniya.
Doon nanlaki ang mga mata ni Tinay.
Ang tindera ng gulay ay walang iba kung ‘di si Samantha.
“Samantha?” gulat na tanong ni Tinay nang makalapit ito.
“Bibili ka ba?” nakatungo si Samantha. Nangitim ang balat sanhi siguro ng paglalako maghapon. Nangayayat rin at tumanda ang itsura.
“Oo. Dalawang plastik,” sagot ni Tinay.
Sino ang mag-aakala na sa paglipas ng panahon ay magiging baligtad na ang kanilang sitwasyon?
Tandang-tanda pa ni Tinay noong ipahiya siya nito dahil sa kaniyang estado sa buhay.
Masakit pero ginawa niya iyong inspirasyon para magsikap. Nag-aral siyang mabuti. Nag-working student siya at nang sa wakas ay nakahanap ng magandang trabaho ay itinodo niya talaga.
Nadestino siya sa Amerika sa loob ng maraming taon at naipagawa niya na ang kanilang bahay. Ang dating barung-barong ay bato na ngayon.
Sa katunayan ay nagbakasyon lang siya rito sa Pinas dahil nami-miss na raw siya ng kaniyang pamilya. At hiling ng nanay niya ang ulam na pakbet kaya tinawag niya ang maggugulay.
Samantala, inaasahan na ni Samantha na pagtatawanan siya ni Tinay tulad nang ginawa niya noon rito. Hinintay niya ang mga masasakit na salita, ang sampal ng katotohanan.
Maaga rin kasing nawala ang daddy ni Samantha. Naaksidente ito sa barko. Habang ang mommy niya naman ay dinamdam ang pagkawala ng asawa. Napabayaan nito ang sarili. Naging lasengga at sugarol. Itinaya ang lahat ng kanilang ari-arian. Siya naman ay maagang nag-asawa at sa ngayon ay mayroon ng limang anak.
Pero sa halip ay tahimik lamang na pumili ng gulay ang babae at iniabot sa kaniya ang isang libong piso.
“Pasensiya na. Wala akong panukli sa ganiyan…”
“Sa’yo na ‘yan, Samantha. Huwag mo nang suklian. Tulong ko na,” wika ni Tinay at akmang tatalikod na pero tinawag siya ng tindera ng gulay. Lumingon naman ito.
“Tinay, sorry,” parang bulong na lang iyon pero tiyak naman ni Samantha na nakarating ito sa pandinig ng dating kaklase dahil ngumiti ito ng malawak.
Nagsisising naglakad palayo si Samantha.
Huwag na huwag magmamataas sa kapwa dahil hindi naman habang buhay ay nasa tuktok ang bawat tao. Umiikot ang gulong ng buhay.