Pag-ibig Lang Pala Ang Katapat

“Shoo! Aba’y doon kayo sa mga tapat ng bahay ninyo mag-ingay! Alis kayo riyan, itong mga batang ito, oo!” malakas na saway ni Aling Minda sa mga batang naglalaro sa tapat ng kaniyang bakuran nang hapong iyon.

Agad namang nagsipulasan ang mga bata sa takot na mabuhusan na naman sila ng tubig ng matanda. Kilalang napakasungit sa kanilang barangay ang limampu’t tatlong taong gulang na matanda. Halos lahat kasi ng bagay ay inirereklamo nito sa barangay. Pati tuloy mga bata ay takot na takot na makita pa lamang ang anino sa bakuran nito.

“Naku Minda! Magkasalubong na naman ang iyong mga kilay ha. Sige ka’t lalong tatanda ang hitsura mo niyan,” buska ni Manong Isko na noon ay nagkataong dumaan sa bakuran ni Aling Minda. Matagal na itong naglalako ng daing sa kanilang lugar, kilala ito bilang palabiro at galante din sa mga suki nito.

“Heh! Kay tanda mo na ay bulas ka pa rin,” masungit na sabi ni Minda atsaka padabog na pumasok sa gate ng bakuran nito.

“Hala at anong problema nun? Ako naman ay nagbibiro lamang,” sabi ni Mang Isko at saka tatawa-tawang nagkamot ng ulo.

“Naku, Mang Isko! Parang hindi na ho kayo nasanay eh halos araw-araw ay ganiyan ang eksena ninyo,” pangangantyaw naman ni Marie na noo’y nakatambay sa labas ng tindahan na nakasaksi sa pangyayari.

“Tama ka, hija. Hindi pa rin talaga umaamo ang matandang iyon ano?” sabi ng matanda.

“Eh ano pa ho bang aasahan ninyo. Malamang masungit iyan dahil matandang dalaga,” pabulong na sabi ni Marie.

Advertisement

Tumawa lang ang matandang naglalako at saka tumuloy na sa kaniyang trabaho. Kinabukasan ay dumaan muli siya sa harap ng bakuran ni Aling Minda ngunit nakapagtataka dahil hindi niya ito naabutang nagwawalis sa bakuran o nambubulyaw ng mga bata. Ilang araw na hindi niya nakita ang matanda kaya naman nang hapong iyon, naglakas ng loob si Mang Isko na kumatok sa gate nito.

Nagulat siya nang makita ang hitsura ni Aling Minda pagbukas nito ng pinto. Pawis na pawis ito at namumutla. Halata na may malala itong karamdaman.

“Minda ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Mang Isko. Dahil mukha itong matutumba ay inalalayan ito ng manong hanggang sa loob ng bahay nito. Nasalat niya na mataas nga ang lagnat nito. Kaya kahit na nagprotesta ang ale ay pinilit ni Mang Isko na hayaan siya nitong ipagluto ito kahit mainit na sabaw lamang. Dahil nanghihina ay wala nang nagawa ang matandang ale at hinayaan ito sa kusina.

“Heto at kumain ka, nariyan din ang gamot mo sa tabi. Inumin mo iyon at magpahinga kang mabuti. Sige ka at baka namimiss na ng mga bata sa kalye ang sermon at bulyaw mo sa kanila,” biro pa ni Mang Isko.

Nanghihinang ngumiti si Aleng Minda at saka nagpasalamat dito. Ilang araw na ganoon ang kinagawian ng dalawang matanda. Si Mang Isko ay palaging mag-iiwan ng gamot sa pintuan ni Aling Minda, minsan ay may sulat pa na magpagaling ito.

Nang hapong iyon ay dumaan ulit si Mang Isko sa bakuran ng ale. Laking gulat niya nang madatnan itong nakikipagkwentuhan sa mga kapitbahay. Wala rin itong hawak na pamatpat at malayang naglalaro ang mga bata sa tapat ng bakuran nito.

“Minda, ayos ka lang ba? O mas lumala pa ang sakit mo? O magugunaw na ang mundo kaya parang anghel ka ngayon?” biro ni Mang Isko paglapit sa kumpulan ng mga ito. Nagtawanan naman ang mga kapitbahay habang si Aling Minda ay pinanliitan siya ng mata ngunit may ngiti rin sa labi.

“Hoy Isko, gusto mo bang tumabingi yang bunganga mo? At oo, ayos lang ako, magaling na ko,” sabi nito saka humalukipkip at nahihiyang idinagdag, “maraming salamat sa iyo.”

Advertisement

“Naku wala iyon, ngayon ba naniniwala ka nang likas akong maginoo?” pang-aasar pa ni Mang Isko na mukhang tuwang-tuwa sa mga nangyayari.

“Ewan ko sa’yo! Sumunod ka sa akin sa loob at bibili ako ng paninda mo para naman hindi mo maisumbat ang pagtulong sa akin,” nagsusungit-sungitang sabi ng ale at saka pumasok sa bahay nito.

Naging tampulan naman ng tukso ang dalawa dahil sa munting eksenang iyon. “Mukhang dumating na ang mainit na kape sa matigas na tinapay ni Aling Minda ha!” kantyaw pa ng isa. Tanging kindat lang ang isinukli ni Mang Isko bago siya sumunod sa ale.

Sa mga sumunod na araw ay kapansin-pansin ang malaking pagbabago kay Aling Minda. Kung noon ay madalas itong bulyawan ang mga nagbibingo, mga naglalaro sa kalasada, kahit mga tambay sa harap ng tindahan, ngayon ay wala itong reklamo sa mga iyon. Paminsan pa ay binati niya ang mga ito at nginitian.

Siyempre pa, alam na sa buong barangay ang dahilan ng tila ba pagiging blooming ng matanda. Napapansin kasi nila na laging mahaba kung mag-usap si Aling Minda at Mang Isko tuwing hapon. Minsan pa nga’y nakikita ang dalawa na nagtatawanan at nagbibiruan. Nasaksihan din ng buong barangay ang pagliligawan ng dalawang matanda.

Isang araw, sa wakas ay lumabas na ang balitang matagal nang hinihintay ng lahat.

“Mga kapitbahay! Mga kapitbahay! Sina Mang Isko at Aling Minda, ikakasal na!” halos mapaos na sigaw ni Marie na narinig ata sa buong barangay. Abot-abot ang tuwa at kilig ng lahat ng mga nakakakilala sa dalawang matanda. Pati ang mga bata ay tuwang-tuwa rin.

“Yes! Hindi na tayo papagalitan ni Aling Minda kasi in-lab na siya kay Mang Isko!” maligayang sigaw ni Totoy na madalas nakakatikim ng patpat at bulyaw sa matanda.

Advertisement

Dahil katwiran ng dalawang matanda ay nauubos na ang kanilang oras, ilang buwan lang ay idinaos na ang kanilang simpleng kasalan sa simbahan. Naroon ang mga kapatid at pamangkin ni Aling Minda gayundin ang mga anak ni Mang Isko sa asawang tatlong dekada na noong pumanaw. Halata ang kasiyahan at pagmamahal sa mukha ng dalawang matanda at pati na rin ng mga taong dumalo.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbukas ang bakuran ni Aling Minda para sa lahat. Ang dating malungkot na bakuran ay napuno ng kainan, tawanan, at kantahan ng hapong iyon.

“Salamat Minda, sa pagtanggap mo sa aking pagmamahal kahit na alam mong kaunting panahon ko na lang maibibigay iyon.” sabi ni Mang Isko sa asawa.

“Ako ang dapat magpasalamat. Noon pa man ay masungit na ako sa’yo ngunit hindi mo ako sinukuan, kahit na nga matanda na ako ay pinili mo pa ring mahalin ako.”

“Asus! Aminin mo na kasing gusto mo na ako noon pa, Minda. Sa ganda ko ba namang lalaki eh,” sabi ni Mang Isko na umani ng tawanan sa mga bisita at kurot sa tagiliran naman mula sa asawa.

Namuhay ang dalawa ng masaya at tahimik. Ang buong barangay ay saksi sa wagas na pagmamahalan ng mga ito. Naging patunay sila na ang pag-ibig ay hindi kailanman nahuhuli, edad man ay hindi hadlang upang ito’y matagpuan.