Inday TrendingInday Trending
Pangmamaliit Ng Baguhang Empleyado

Pangmamaliit Ng Baguhang Empleyado

Sa silid ng bente dos anyos na dalaga maamoy ang halimuyak ng pabango na kasalukuyan niyang ini-spray sa sarili. Nakatingin sa sariling mukha sa salamin, habang naglalagay ng make-up at panghuli ay ang mapulang lipstick. Tumayo siya upang palitan ang tugtog na naka-play sa kaniyang cellphone. Maya-maya pa ay pumili na siya ng sapatos na bagay sa kaniyang kasuotan sa araw na iyon.

Iyan si Jenna, araw-araw ay halos hindi magkanda-ugaga kung ano ang susuotin at magiging hitsura. Kahit na wala siyang pupuntahan, aliw na aliw siya sa kaniyang taglay na kagandahan at ang pag-aayos sa sarili ang tanging libangan. Animo’y anak mayaman kung manamit mula ulo hanggang paa.

“Ang ganda ganda mo talaga! Swerte ang mapapangasawa mo. Ipakita mo ngayong araw sa mga katrabaho mong hindi ka basta-basta,” puri niya sa kaniyang sarili.

Ito ang kaniyang unang araw sa trabaho bilang isang manunulat sa isang pahayagan. Pero kahit na ganoon, parang lalabas siya sa telebisyon at maghahatid ng isang balita kung manamit. Pitis ang bistida nito at nakalabas ang mga balikat.

Pagkarating sa gusali na kaniyang pagtatrabahuhan, isang matandang babae na parang hindi naliligo ang nakasabay nito sa tapat ng elevator. Hindi kaakit-akit ang itsura pati na ang amoy nito. Kaya naman naisip niyang tawagin ang guwardiya upang i-report at palabasin ang babae. Ngumingisi lamang siya habang pinapanood ang nag-uusap na babae at guwardiya matapos sumakay ng elevator.

“Panira ng araw!” sabi ni Jenna sa sarili.

Nang marating ang opisina, nagliliparang papel ang sumalubong sa kaniya dahil sa dami ng taong abalana parito’t paroon.

“Ano ba itong napasukan ko? Napaka-haggard! Nagkamali ata ako ah,” sabi ng dalaga sa sarili habang dahan-dahan siyang lumalakad papasok.

Mabagal siyang naglalakad at humahakbang sa mga papel na nakakalat. Bawat taong masasalubong ay akma niya sanang babatiin ngunit para siyang hangin na hindi napapansin ng mga ito.

Dahil dito, hindi na maipinta ang mukha ni Jenna dahil sa inis at siguro’y pandidiri sa itsura ng tao sa opisina. Bukod kasi sa mga naglipanang mga papel, ay ang mga makakalat na lamesa ng mga empleyado, basurahang tambak ng mga papel, ganoon din ang mga basyo ng lalagyan ng mga pagkain at tubig.

Binalak niyang lumabas na lamang ng opisina nang bigla naman siyang hawakan ng isang ginang.

“Ikaw ba si Ms. Jenna Villanueva?” tanong nito.

“O-opo,” mariing tugon naman niya.

“Sumunod ka sakin,” sabi naman nito.

Sinundan ni Jenna ang ginang habang nagpapagpag ng kaniyang damit na suot. Diring-diri si Jenna sa itsura ng opisina. Para sa kanya, hindi iyon isang tunay na opisina, kung hindi isa lamang hamak na tambayan o di kaya’y tambakan ng basura. Habang nakasambakol ang mukha, pumasok si Jenna sa isang silid kung saan maraming taong nakapalibot sa isang malaking mesa.

Natigilan ang lahat nang makita siya. Ang mga kalalakihan ay nakatingin sa kaniya habang ang mga kababaihan ay parang nakataas ang kilay sa kaniya.

“Pamilyar ito sa akin. Siyempre, ang mga lalaki ay malamang nagagandahan at naaakit lamang sila sa kagandahan ko, ang mga babae naman ay naiinggit” isip-isip ni Jenna.

Tumayo siya ng tuwid at hinawi ang mga buhok. Wari bang may kamera na nakatapat sa kaniya. Nais niyang mas maging maganda sa harapan ng lahat.

“Mahalina kayong lahat sa ganda ko,” bulong niya sa sarili.

Patuloy ang paghawak ni Jenna sa kaniyang buhok at pagtindig nito na parang isang modelo. Kasabay nito ay ang iba’t ibang ekspresyon ng kaniyang mukha. May ngisi, may seryoso, mayroon din parang natatawa. Napatigil siya ng umubo ang babaeng sinundan niya.

“Pwede ka ng maupo, Ms. Villanueva,” sabi nito sa kaniya.

Nagsalubong naman ang kaniyang mga kilay dahil dito. Muli, naisip niyang naiinggit lamang iyon sa kaniya. Habang umuupo, napansin niya na ang lahat ay nakatingin pa rin sa kaniya. Kaya naman ginagandahan niya ang bawat galaw. Isa pa rito ay ang pagbati na parang mahinhin sa mga kalalakihan.

Ngunit pansin niya na hindi rin naman kaakit-akit ang kasuotan ng mga ito. Pagkaara’y ibinaling niya ang tingin sa presentation na kasalukuyang ipinapakita sa harapan.

Nanlaki ang nga mata ni Jenna nang makita ang litrato niya rito ganoon din ang cctv footage ng nangyari kanina sa tapat ng elevator. Ang mas lalong kinakaba ng dalaga ay ang ginang na ipinataboy niya kanina sa elevator ay ang parehong babae na nasa harapan na siyang senior editor pala ng kanilang kompanya.

“Ito ang ating istorya sa araw na ito,” sabi ng babae.

“Sana alam ng lahat na ang mga istorya natin ay ukol sa mga kagandahan at masasamang asal ng mga tao. At kanina lamang ay nakaranas ako ng pangungutya mula sa isang tao na mababa lang naman ang posisyon, wala pang nararating ngunit kung makapangmata sa iba ay ganoon na lamang. Gusto ko rin na si Jenna Villanueva ang gumawa ng istorya na ito,” pagpapaliwanag ng babae sa harapan.

Hiyang-hiya si Jenna sa unang araw ng kaniyang trabaho. Akala niya’y nakatingin ang lahat dahil nahahalina sa kagandahan niya ngunit hindi pala. Lahat sila ay pangit na agad ang impresyon sa dalaga dahil sa ginawa nitong masama.

“Tandaan niyo, hindi mahalaga kung ano ang itsura ninyo sa panlabas, mas importante pa rin kung mas maganda ang inyong panloob na itsura,” dagdag pa ng among babae.

Advertisement