“Sir, kailangan niyo po ng tulong?” tanong ni Mylene sa kostumer na mukhang nahihirapan sa pag-order. Maluwang pa rin ang ngiti ng dalaga kahit halos limang minuto nang nakatayo ang matandang lalaki sa kaniyang harap.
“A-ah, eh.. hija. Hindi kasi ako marunong magbasa, pwede mo bang pakibasa ito para sa akin?” tanong ng matanda at saka nahihiyang inurong sa kaniya ang menu.
“Hay naku ano ba ‘yan, napakatagal umorder! Talaga namang nakakaperwisyo ang kamangmangan,” paismid na reklamo naman ng babaeng kostumer sa likod nito.
Tila lalong nahiya ang matanda kaya agad mas pinalawak pa ni Mylene ang ngiti upang palubagin ang loob nito. Binasa niya isa-isa ang nasa menu kaya naman nakapili na ito ng bibilhin. Pag-abot niya ng order ay muli niya itong nginitian.
“Heto na po ang order niyo, sir. At hindi naman ho nakakahiyang magtanong o manghingi ng tulong kung hindi po kayo marunong magbasa,” sabi ni Mylene na ikinangiti ng matanda. Nagpasalamat ito at umupo na sa isang lamesa malapit sa pintuan. Pinagsilbihan naman ni Mylene ang sunod na kostumer. Ngunit panay reklamo ang babae tungkol sa kanilang menu. Nang sabihin niyang wala sila ng hinahanap nitong pagkain ay talaga namang sinigawan siya nito.
“Wala naman palang kwenta itong restaurant niyo eh. Napakamahal na nga, mabagal pa ang serbisyo, ngayon ay wala pa kayo ng hinahanap ng kostumer. Magsara na nga kayo!” eskandalo ng babae. Magalang naman na humingi ng pasensya si Mylene kahit na naiinis na siya sa kabastusan ng kostumer. Ilang masasakit na salita pa ang ibinato nito sa kaniya at idinamay pa nito ang pagtulong niya kanina sa matandang kostumer na hindi marunong magbasa. Hindi na lang umimik ang dalaga, mabuti na lang at napagod na ata ito sa pagtatatalak kaya padabog itong lumabas ng restaurant.
Lahat ng ito ay nasaksihan ng matandang tinulungan ng dalaga, kaya naman bago siya umalis ay binigyan niya ng malaking tip ang pasensyosang silbidora.
“Ay naku sir, napakalaki naman ho nitong tip niyo. Maraming salamat po!” sabi ni Mylene nang ito ang lumapit para ihatid ang bill ng matandang lalaki.
“Aba hija, sa haba ng iyong pasensya ay kulang pa iyan bilang pasasalamat sa iyo.” Sabi ng matanda dito.
Simula nang pakitaan ng kabutihan ni Mylene ang matanda ay palagi na itong pumupunta sa kanilang kainan. Isang araw ay tinawag siya ng matanda upang kausapin.
“Alam mo hija, ang dahilan kaya hindi ako natututong magbasa ay dahil noong kabataan ko ay ipinadala na kami sa giyera. Nagkakagulo ang bansa kaya walang maayos na sistema ng edukasyon. Madalas akong nahihiya tuwing magpapatulong akong magbasa, kaya salamat talaga sa iyo,” sabi ng matanda.
“Naku, wala ho iyon! At bakit ho hindi niyo na lamang pag-aralan? Sure ako na kaya niyo pa ring matutunan iyon kahit na medyo may edad na kayo,” suhestiyon pa ng dalaga.
Natawa naman ang matanda sa pagiging madaldal ng dalaga at sa pagpapalakas nito ng loob niya. Dahil dito ay napagdesisyunan ng matanda na mag-aral bumasa at sumulat kahit nahihiya pa siya noong una. Napapangiti naman si Mylene tuwing makikita ito sa kanilang restaurant na may dala-dalang papel at lapis. Mukhang seryoso talaga itong matuto. Paminsan-minsan, kapag hindi masyadong abala ay nilalapitan ito ni Mylene at tinutulungan ito sa pag-aaral. Makalipas lamang ang isang buwan ay marunong na ito. Hindi pa mabilis bumigkas ngunit kahit papaano ay nakakabasa na sa Filipino.
“Aba! Ang galing niyo na ho ah! Mukhang kayang-kaya niyo ng umorder ng walang tulong ko!” sabi ni Mylene na lubos na natutuwa sa pagkatuto ng matanda.
“Naku nakakahiya man at ngayon ko lang ito natutunan ay salamat pa rin, hija. Kung hindi dahil sa iyo ay hinding-hindi ako ay maaaring hindi ko na ito natutunan kailanman.”
Sa mga nakalipas na araw ay nagtataka si Mylene dahil hindi na doon nagagawi ang matanda. Nalulungkot man ay may tuwa pa rin naman sa puso niya dahil alam niyang kahit papaano ay may kabutihan siyang naidulot dito. Kahit papaano ay hindi na ito mapapahiya sa ibang tao kahit saan man ito pumunta.
Normal na araw sa kaniyang trabaho ay pinatawag siya ng kaniyang boss sa opisina nito.
“Mylene, mayroong nagpapaabot ng sulat sa iyo. Hindi ko alam bakit sa restaurant iniwan, pero sa susunod ay huwag mong gamitin ang address ng trabaho sa pampersonal mong buhay,” mataray na sabi ng kaniyang boss. Nagtaka naman si Mylene dahil wala naman siyang inaasahang sulat mula kanino.
“A-ah okay po. Pasensya na po,” sabi niya at saka kinuha ang sulat na inabot nito. Ang unang pangalan niya lang ang nakalagay at naka-address iyon sa kanilang restaurant. Nagulantang siya nang mabasa ang laman ng sulat. Galing iyon sa matandang lalaki na tinulungan niyang matutong bumasa at sumulat.
“Mylene, maraming salamat ulit hija sa kabutihan ng iyong puso. Sa halos araw-araw na pagpunta ko sa restaurant ay nasasaksihan ko kung gaano ka magmalasakit sa iba pang kostumer, kahit na hindi na iyon parte ng iyong trabaho. At maswerte ako dahil isa ako sa mga nabiyayaan ng iyong kabutihan. Kaya naman ngayong mahina na ang aking katawan dahil sa katandaan, huling hiling ko na ipamana sa iyo lahat ng ari-ariang mayroon ako oras na mawala ako sa mundo. Tutal wala rin naman akong pamilya at kamag-anak sa Pilipinas. Kakausapin ka ng aking abogado tungkol dito. Maraming salamat muli at pagpalain ka pa sana ng Diyos.”
Hindi makapaniwala si Mylene sa mga nabasa. Nang araw ding iyon ay kinausap siya ng abogado ng matanda na ang pangalan pala ay Coronel Antonio De Jesus. Malungkot nitong ibinalita na pumanaw na nga ang matanda dahil sa katandaan. Parang nananaginip ang pakiramdam niya mula pa lang sa pirmahan hanggang tuluyan nang malipat sa kaniyang pangalan ang sandamakmak na pera at ari-arian ng matanda.
Hindi man niya hiniling sa Diyos ay lubos ang kaniyang pasasalamat dahil biniyayaan siya nito ng sobra-sobra. Tunay nga na kung ano ang itinanim ay iyon din ang aanihin.