Lumaki sa hirap si Hayme. Nakatira lamang sila ng kanyang pamilya sa isang maliit na bahay-kubo. Tricycle driver lang ang kanyang ama at wala namang trabaho ang kanyang ina.
“Nay, may dala po akong bigas at ulam! Marami-rami din po akong nakalakal ngayong umaga eh,” natutuwang balita ni Hayme sa ina. Kagagaling lang ng binata sa eskwela. Sa umaga kasi, bago pumasok ay nangangalakal muna siya at iniiwan ang kanyang kalakal sa junk shop. Kukunin niya na lamang ang benta niya pagkatapos ng kanyang klase.
“Ay nako anak maraming salamat naman, napaka swerte talaga naming sa’yong bata ka! Gwapo at matalino na nga ay ubod pa ng sipag at bait!” natutuwang salubong sa kanya ng nanay niya at hinalikan siya sa noo. Napangiti naman ang binata. Likas talaga kasing malambing ang nanay niya.
Si Hayme ang panganay sa kanilang walong magkakapatid. Siya din ang pinakapaboritong anak ng kanyang mga magulang at inaasahang magtataguyod sa kanilang pamilya.
Mabuti na nga lang at kahit papaano ay may maliit silang lupain na napagtataniman nila ng mga gulay. Dito nila kinukuha ang kanilang inuulam at kadalasan ay bumibili nalang ng bigas gamit ang perang naiiuwi ng amang si Mang Hector o kapag nakakapangalakal siya. Kulang kasi talaga ang kinikita ng kanyang ama sa araw-araw para sa kanilang mag-anak.
Minsan, kapag hindi nakakapagpasada si Mang Hector at wala din silang maani sa kanilang mga pananim ay nangungutang na lamang sila sa tindahan nila Aling Nina. At dahil nga sa hirap ng buhay nila ay kinakailangan niyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho para makatulong sa kanyang pamilya. Pero kahit papaano ay nakapagtapos din naman siya ng high school.
“Nako sayang naman ang talino mo Hayme kung hindi mo ipagpapatuloy ang pag-aaral mo, kung gusto mo ay tutulungan kitang makahanap ng scholarship sa kolehiyo. Nang sa ganun ay wala ka ng problemahin sa tuition mo, pag-igihan mo lamang ang iyong pag-aaral,” pahayag ng kanyang guro sa high school noong nabalitaan ng ginang na may plano siyang tumigil sa kanyang pag-aaral.
“Talaga po? Nako, maraming salamat po talaga ma’am! Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko para hindi po kayo mabigo ma’am!” nagagalak at walang tigil na pasasalamat ni Hayme sa kanyag guro.
Kumuha ng exam si Hayme at wala namang naging problema sa kanyang scholarship dahil agad niya namang naipasa lahat ng exams na ibinigay sa kanya ng unibersidad na kanyang papasukan. Nagpaalam din siya sa eskwelahan kung maaari ba siyang magtrabaho habang nag-aaaral.
“Usually kasi, hindi namin pinapayagan ang mga estudyante o scholars namin na magtrabaho dahil nakaka-apekto ito sa kanilang performance sa academics. Pero dahil matataas naman ang mga markang nakuha mo sa exam mo at as long as maipapangako mong kaya mong i-maintain ang mga grades mo, ay wala tayong magiging problema,” mahabang paliwanag sa kanya ng presidente ng unibersidad na papasukan. Malugod namang tinanggap ng binata ang mga kondisyon nito at nangakong gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya.
Nag-apply bilang isang security guard sa isang kompanya si Hayme. Malaki ang katawan ni Hayme at malakas din siya dahil sanay sa pagbabanat ng buto kaya naman agad siyang natanggap sa kompanyang ina-applyan.
Sa umaga ay nag-aaral si Hayme, samantalang sa gabi naman ay nagtratrabaho siya. Hindi naging madali ang lahat para kay Hayme. Madaming beses ginusto niya ng sumuko dahil sa hirap na ipagsabay ang trabaho at pag-aaral, halos wala siyang tulog parati. Nguni’t sa tuwing naiisip niya ang kanyang pamilya ay muli siyang nabubuhayan ng loob para magpatuloy at magsikap pang lalo.
Lumipas ang mga taon at nakapagtapos din si Hayme. Nag-resign siya sa kanyang trabaho bilang isang security guard at nag-apply naman sa kompanyang matagal niya nang pinapangarap. Dahil sa taglay na angking galing at talino ay agad namang natanggap ang binata. Ilang buwan lang din ang lumipas bago siya ma promote, mas lalo niya pa kasing ginagalingan at sinisipagan habang paakyat siya ng paakyat na mas lalong ikinatutuwa ng kanyang mga boss.
Unti-unting naka-ahon sa kahirapan ang pamilya ni Hayme. Napagtapos niya rin ang kanyang mga kapatid at tulong-tulong nilang pina-unlad ang pamumuhay nilang pamilya. Naging sobrang hirap man ng kanilang pinagdaan ay hindi pa rin sila sumuko at patuloy na lumaban.
Kailanman ay wala tayong magagawa kung sino o ano tayo paglabas natin dito sa mundo. Hindi natin makokontrol kung ipapanganak tayong mayaman o mahirap. Pero hindi ibig sabihin noon ay wala na tayong magagawa sa kinabukasan natin. Pakakatandaan na hawak natin ang ating kapalaran.
Gaya na lamang ni Hayme na hindi nagpatalo sa pagsubok ng buhay at patuloy na nagpursige para maka-ahon sa hirap para sa kanyang pamilya. Nawa’y huwag tayong panghinaan ng loob at ‘wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Sapagkat habang may buhay, may pag-asa.