“Walang kikilos nang masama kung hindi, pasasabugin ko ang bungo ng ulo ng babaeng ‘to!” pagbabanta ni Tiban sa mga pulis na nakapalibot sa kanila ng babaeng hawak niya habang nakatutok ang baril sa may ulo nito.
Nanginginig sa takot ang babae at pilit na pinipigilan ang iyak sa takot. Nasa may isang malaking tindahan sila sa may Quiapo.
“Huwag mo siyang sasaktan! Kumalma ka lang pre at mag-isip ka ng mabuti, ito ba talaga ang gusto mo?” pigil sa kanya ng isang mamang pulis. Napatingin naman si Tiban sa pulis na nagsalita.
“Wala na akong ibang alam na paraan kundi ang gawin ito. Madami na akong nilapitan, pero silang lahat pinagtabuyan lang ako,” galit na sagot ni Tiban sa pulis.
“Para niyo na pong awa mama, pakawalan niyo na po ako. May anak at pamilya po ako,” hindi na napigilang mapaiyak ng babaeng hostage niya.
“Tumahimik ka, bakit sila ba naawa sa’kin o sa nanay ko? Halos gumapang na ako sa kaluluhod para lamang tulungan nila ang nanay kong nakaratay na kama, pero ano? Wala! Pati ang gobyerno ay walang silbi at ang dami pang kung anu-anong hinihingi para lamang magbigay ng tulong! Ito nalang ang paraang alam ko para makakuha ng pera para ma-operahan ang nanay ko!” Galit man ay mahahalata ang takot sa mata ni Tiban dahil alam niyang mali ang kanyang ginagawa.
Isang normal na tao lamang si Tiban. Nagtratrabaho siya bilang isang construction worker, nguni’t kinailangan niyang tumigil muna sa pagtratrabaho dahil nagkasakit ang kanyang ina sa atay. Siya na lamang at ang kanyang ina ang natitira sa mundong ito na magkamag-anak. Hindi niya na nakilala ang kanyang ama dahil agad daw itong pumanaw ng ipinadala ito sa giyera. Isang sundalo kasi ang kanyang namayapang ama.
Malaking pera ang kanyang nagastos para sa mga gamot pa lamang ng kanyang ina, at ngayon naman ay kinakailangan niya ng malaking halaga para sa operasyon nito. Lumapit na siya sa iba’t ibang taong pwede niyang mapagka-utangan, pero dahil sa may utang pa siya sa mga ito ay hindi siya napagbigyan.
Hindi niya na malaman ang kanyang gagawin. Lahat ng kanyang nilapitan ay hindi siya nagawang tulungan. Mahal na mahal niya ang kanyang ina dahil ito na lamang ang kanyang natitirang pamilya dito sa mundo. Handa siyang gawin ang lahat masigurado lamang na mabubuhay ito, kahit na makulong pa man siya.
“Ano bang nangyari sa iyong ina?” malumanay na tanong ng isang pulis.
“Nakaratay siya sa ospital ngayon, at sabi ng mga doctor, kapag hindi siya agad ma-operahan sa lalong madaling panahon ay mahuhuli na ang lahat. Siguradong babawian ng buhay ang aking ina! Mahal na mahal ko ang nanay ko,” umiiyak na pahayag ni Tiban. Hindi niya kayang isipin na mawawala na ang kanyang ina.
Nakakita naman ng pagkakataon ang pulis ng makitang umiiyak si Tiban, dahan-dahan itong lumapit habang kinakausap ang binata.
“Sige nga, sa tingin mo ba, kung malalaman ng nanay mo ang ginagawa mo ngayon ay matutuwa siya? Isipin mo ng mabuti kung nanaisin ba ng nanay mo na ang pinakamamahal niyang anak ay gagawa ng isang krimen para sa kanya,” patuloy na saad ng pulis habang papalapit ng papalapit kay Tiban.
Mabait ang kanyang ina. Mahirap man sila ay parati siya nitong pinapangaralan na kahit man mahirap sila, ay napaka-importante na maging marangal sila. Dahil hindi sa pera nasusukat ang kayamanan, kundi sa kabutihan ng loob at karangalan ng isang tao. Biglang bumuhos ang luha ni Tiban at unti-unti niyang nabitawan ang pagkakahawak niya sa babae.
Agad namang tumakbo ang babae papunta sa pulis ng makahanap ng tiyempo at nagtago sa likod nito. Hindi na pinansin ni Tiban ang kanyang paligid at napahagulgol na lamang dahil napagtanto niyang mas nanaisin pa nga ng kanyang ina ang manahimik nalang at umalis sa mundo kaysa sa gumawa siya ng masama sa kanyang kapwa para lamang mailigtas ito, ganun kabuti ang loob ng kanyang ina.
“Nay, patawarin niyo po ako!” paulit-ulit na sabi ni Tiban hanggang sa damputin na siya ng mga pulis at dinala sa prisento.
Nanatili si Tiban sa loob ng selda ng mahigit isang linggo, at pagkatapos ay pinalabas din naman agad siya dahil hindi na itinuloy ng may-ari ng tindahan ang kaso laban sa kanya.
“Anak ko,” umiiyak na niyakap siya ng kanyang ina pagkalabas na pagkalabas niya. Napaluha naman si Tiban ng makita ang kanyang ina. Buhay ito! Napatingin siya sa pulis na kumausap sa kanya ng araw na naganap ang krimeng kanyang ginawa, ngumiti lamang ito sa kanya at tumango.
“Maraming salamat po! Maraming salamat sa Diyos! Mahal na mahal po kita, Nay!” paulit-ulit na pahayag ni Tiban habang walang tigil na lumuluha.
Napag-alaman niya na ang pulis pala ang gumawa ng paraan para matulungan ang kanyang ina. Ito ang naghanap ng mga donors at gumawa ng paraan para makalikom ng sapat na pera para sa operasyon ng kanyang ina. Agad din naman itong na-operahan at sa awa ng Diyos ay nagpapagaling na lamang ito ngayon.
Labis na nagpasalamat si Tiban sa mamang pulis sa ginawa nitong pagtulong sa kanya at sa kanyang ina. Bilang kapalit ay tumutulong minsan si Tiban sa prisento upang maghanap ng mga nawawalang criminal at mas nagsikap na maging mas mabuting mamamayan. Gaya ng pulis na tumulong sa kanya, gusto niya ring makatulong sa iba. Hindi man marami ang kanyang kayang gawin, kahit man lang sa kung ano ang kanyang maibibigay ay nais niyang iaalay para makatulong sa kanyang kapwa.