Inday TrendingInday Trending
Lupain Ni Lolo

Lupain Ni Lolo

“Mahal na mahal ka ni lolo, apo. Ikaw ang pinakamamahal ko sa buong mundo, lahat ay gagawin ko para sa’yo. Lahat ay ibibigay sa’yo ni lolo.”

Nanariwa sa isip ni Jonathan ang mga salitang iyon na sinabi sa kanya ng kanyang lolo Lorenzo noong bata pa siya nang makita ang litrato nila. Kuha iyon noong araw na sinabi iyon sa kanya ng kanyang lolo. Isang mapayapa at masayang araw kung saan namasyal silang dalawa sa lupain nito.

Tatlong araw na rin ang nakalilipas simula nang ilibing ang kanyang lolo. Nagluluksa pa rin ang lahat. Ito kasi ang nagsilbing pundasyon sa kanilang lugar sa probinsya. Ito ang batas dahil ito ang nagmamay-ari ng buong lupain sa kanilang probinsya, kaya lahat ay tumitingala sa kanilang lolo hanggang sa huling hininga nito.

Isang inspirasyon sa nakararami ang kanyang lolo. Galing kasi siya sa isang mahirap na pamilya. Bata pa ito nang naulila nguni’t kumayod at nagsikap upang makaahon sa hirap. Matalino at madiskarte sa buhay kaya naman narating nito ang kasaganahan gamit ang angking talino at galing sa negosyo.

“Sir, may mga magsasaka pong nag-aalsa na naman sa labas ng mansyon niyo,” napatingin si Jonathan sa kanyang sekretarya at sumunod sa dalaga palabas ng mansyon para harapin ang mga magsasakang nagtratrabaho sa kanilang lupain.

“Huwag niyo pong ibenta ang lupaing ito! Dugo at pawis ng mga ninuno pa ng mga pamilya namin ang inialay at ibinuwis namin para sa lupaing ito,” panimulang bati sa kanya ng tumatayong pinuno ng mga magsasaka.

“Kung nabubuhay pa po ang lolo Don Lorenzo ay paniguradong hindi niya ito gagawin, mahal niya ang lupain at kami na kanyang mga manggagawa. Ito lang ang pinagkukunan namin ng hanapbuhay, maawa ka naman sa amin at sa aming mga pamilya,” dugtong pa ng isa pang magsasaka.

Lumapit siya sa mga ito at nagsalita, “Pasensya na kayo mga kabayan pero hindi ko magagawa ang inyong hinihiling. Alam ko kung gaano kamahal ng lolo ang lupaing ito at kayo dahil halos pamilya na ang turing niya sa inyo, nguni’t hindi ako ang lolo ko. Wala akong alam sa pagsasaka o sa mga kung ano mang mga gawain ninyo dito kaya mas mainam na ibenta ko na lamang ang lupaing ito kaysa naman malugi lamang,

“Huwag kayong mag-alala at bibigyan ko naman kayo ng nararapat na halaga para sa lahat ng panahong inyong ginugol sa pagtratrabaho rito upang mapalago ang aming lupain, at malay niyo, mapaki-usapan ko pa ang bagong may-ari na panatilihin kayo rito bilang mga magsasaka niya.”

Nagkatinginan naman ang mga magsasaka kaya napangiti si Jonathan at tahimik na tumalikod sa kanila at bumalik sa loob ng mansyon. Alam niya ang dapat sabihin at gawin para lamang mapatahimik ang mga taong iyon. Alam niya naman kasi ang habol ng mga ito… pera.

Dalawa nalang sila ng kanyang lolo na magkadugo sa mundong ito. Pumanaw ang kanyang lola sa panganganak sa kanyang ama na siyang nag-iisang anak naman ng kanyang lolo. Hindi na ulit nag-asawa ang kanyang lolo dahil labis nitong mahal ang kanyang lola at sapat na raw ang kanyang ama para maging masaya ito sa buhay.

Itinuon na lamang ng kanyang lolo ang kanyang oras at atensyon sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo at lupain. Hindi naman ito nabigo dahil sobrang naging matagumpay ang lahat ng negosyong pinasukan nito.

Nguni’t sabi nga nila, hindi pwedeng mapunta sa iyo ang lahat ng bagay, kapalit ng karangyaan at patuloy na paglago ng kanilang mga lupain at negosyo ay ang pagkawala ng kanyang mga magulang. Bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng mga ito nang pumunta sa Amerika para sa isang bagong negosyong nais sanang itayo ng kanyang ama, dahil na rin sa walang tigil na pangkukumbinsi ng kanyang lolo.

Simula noon ay naging malayo na ang loob niya sa kanyang lolo, “Kung sana hindi mo pinilit si papa na umalis para sa letseng negosyo na ‘yan ay sana buhay pa ang mga magulang ko ngayon at hindi ako mag-isa!” galit na galit niyang sigaw sa kanyang lolo.

Lumaki siya sa ibang bansa. Halos hindi siya umuwi sa Pilipinas dahil ayaw niyang makita ang kanyang lolo, ito kasi ang sinisisi niya sa pagkawala ng kanyang mga magulang.

Hanggang sa isang araw, nakatanggap na lamang siya ng tawag mula sa Pilipinas na nagsasabing naghihingalo na daw ang kanyang lolo. Agad siyang umuwi, nagsisisi sa mga oras na nasuklam siya sa kanyang lolo at hinayaan itong mag-isa.

“Wala na siya,” malungkot na bungad sa kanya ng doctor ng kanilang pamilya pagkarating niya sa kanilang mansyon.

Nahuli na siya, binawian na ng buhay ang kanyang lolo. Wala na siyang nagawa kundi lumuha at magsisi.

Pagkabalik niya sa kanyang kwarto ay napatitig muli siya sa litrato nila ng kanyang lolo. Kinuha niya ito at tatanggalin sana ang litrato sa lalagyan ng mapansin niyang may nakasulat sa likod ng litrato.

“Ang pinakamamahal kong apo. Siya ang aking pinaka iingatang yaman. Wala ng mas mahalaga pa sa’kin sa mundong ito, sana ay palagi siyang ligtas at masaya.”

Tumulo ang kanyang mga luha sa kanyang nabasa. Hindi na itinuloy ni Jonathan ang pagbebenta ng lupain ng kanyang lolo. Pinag-aralan niya na lamang kung paano ito palalakarin, ipinagpatuloy niya rin ang lahat ng negosyong naiwan ng kanyang lolo. Nahirapan man ay hindi siya sumuko dahil alam niyang ito ang gusto ng kanyang lolo na gawin niya.

Napagtanto niyang hindi naman pala talaga siya nag-iisa ng mawala ang kanyang mga magulang dahil parating nandyan lang ang kanyang lolo at ang mga taong nagtratrabaho sa kanila. Gaya ng kanyang lolo at itinuring din ni Jonathan na pamilya ang kanilang mga trabahador at mga magsasaka. Nanatili siya sa lupain ng kanyang lolo kung saan ginugol at inialay niya ang buong buhay para dito.

Advertisement