Inday TrendingInday Trending
May Anak Tayo!

May Anak Tayo!

“Mommy! Mommy! Tingnan mo, perfect ko na naman yung mga exams ko!” masaya at puno ng galak na pagyayabang ng munting batang si Ruiz kanyang inang si Patricia. Kinuha ni Patricia ang hawak nitong mga papel at tiningnan.

“Ay oo nga ano? Ang galing nga naman talaga ng baby ko!” saad ni Patricia at pinaghahalikan sa pisngi ang anak.

“Syempre po! Anak niyo po yata ako!” mayabang na sabi ng batang Ruiz at mahigpit na niyakap ang ina. Mahal na mahal ni Patricia ang kanyang nag-iisang anak na si Ruiz.

Napangiti siya habang tinitingnan ang malusog at napakulit niyang anak, mabuti na lamang at lumaki itong masayahing bata kahit na wala itong ama. Isa siyang dalaga at hindi niya magawang ipakilala ang kanyang anak sa ama nito. Siya lamang ang may alam ng tunay na katauhan ng lalaking nakabuntis sa kanya.

“Ruiz! Ruiz asan ka anak?” tawag ni Patricia sa kanyang anak. Wala siyang sagot na natatanggap kaya naman pinuntahan niya ito sa kwarto ng anak.

Nagimbal ang kanyang mundo ng makitang nakahandusay sa sahig ang anak at may nagkalat na dugo sa may bandang ulunan nito. Kaya pala hindi ito sumasagot sa tawag niya. Nadulas ang kanyang anak at nauntog ang ulo nito sa sahig. Agad siyang tumakbo dito at humingi ng tulong.

“Tulong! Tulong! Yung anak ko po, tulong!” hindi malaman ni Patricai ang kanyang gagawin. Nanginginig ang kanyang mga kamay hawak ang anak.

Maya-maya nagsidatingan ang kanilang mga kapitbahay at tinulungan siyang dalhin ang anak sa pinakamalapit na ospital. Agad niya ring tinawagan ang matalik na kaibigan para puntahan sila sa ospital.

“Misis, kailangan po nating magsagawa ng blood transfusion sa lalong madaling panahon. Masyado pong maraming dugo ang nawala sa anak ninyo,” paliwanag ng doctor sa hindi mapakaling si Patricia.

“Sige po Dok, kuhaan niyo na po ako ng dugo sa lalong madaling panahon,” walang pag-aatubiling sagot niya sa doctor.

“Sige po Misis, AB- din po ba ang iyong blood type?” tanong sa kanyang dugo. Nabigla naman si patricia sa kanyang narinig.

“Po? A+ po ang blood type ko,” naguguluhang tanong niya sa doktor.

“How about yung ama po ng bata Misis? Nasaan po ang asawa niyo? Siguradong siya ang may kaparehong dugo ng inyong anak,” nanghina naman si Patricia sa kanyang narinig. Hindi niya akalaing kakailanganin niya ang tulong ng lalaking pilit niyang kinakalimutan at iniiwasan.

“Bes, alam kong iniiwasan mo ang anumang usapan pagdating sa ama ng anak mo pero buhay na ng anak mo ang nakataya rito,” paalala sa kanya ng kanyang matalik na kaibigan na kasama niya noong araw na iyon.

“Alam ko” sagot niya at napapikit na lamang.

Pumunta siya sa dating kompanya kung saan siya nagtrabaho limang taon na ang nakararaan, “Maari ko po bang makita si Mr. Gonzales?” tanong niya sa front desk ng kompanya. Ang kasalukuhang CEO ng kompanya ang kanyang tinutukoy na lalaking hinahanap.

“Do you have an appointment with him ma’am?” Tanong naman sa kanya ng babae.

“No, but this is an emergency. It’s very important, please nagmamakaawa ako,” paki-usap niya sa babae. Binigyan naman siya nito ng mapaumanhin na tingin.

“Pasensya na Miss but rules are rules,” sagot nito kay Patricia.

Hindi siya umalis ng building na iyon hanggang sa hindi niya nakikita ang ama ng kanyang anak. Pagsapit ng dilim, halos maghahating-gabi nang lumabas na rin sa wakas ang lalaki. Agad niya itong nilapitan.

“Kailangan ko ang tulong mo!” sigaw niya sa lalaki. Tiningnan naman siya ng lalaki mula ulo hanggang paa.

“At bakit naman kita tutulungan? Pagkatapos mo akong iwan at hindi magpakita sa akin ng limang taon?” malamig na patanong na sagot sa kanya ng lalaki.

“Parang awa mo na,” pagmamakaawa niya pa sa lalaki. Hindi nagbago ang walang ekspresyong mukha ng lalaki at magpapatuloy na sa paglalakad ng biglang pumikit si Patricia at sumigaw, “May anak tayo!”

Biglang napatigil ang lalaki at bumalik upang harapin si Patricia. Hinawakan siya nito sa magkabilang braso niya at hindi makapaniwalang tinanong siya,

“Anong ibig mong sabihin?” galit na tanong ng lalaki sa dalaga. Lumambot naman ang ekspresyon ng mukha ng lalaki nang makita ang mga luhang naglalagan sa pisngi ni Patricia, mga luhang kanina niya pa pinipigilan.

“May anak tayo at nanganganib ngayon ang buhay niya. Hindi pareho ang blood type namin kaya ikaw lang ang makapagliligtas sa kanya. Alam kong nasaktan kita at malaki ang kasalanan ko sa inyo ng anak natin pero parang awa mo na, gagawin ko ang lahat, buhayin mo lang ang anak natin,” humagulgol na paki-usap ni Patricia sa lalaki.

Agad din silang nagpunta sa ospital at isinagawa ang pagsasalin ng dugo. Mabuti na lamang at hindi na natagalan pa kaya naman walang naging problema at naging matagumpay ang operasyon.

Dating magkasintahan si Patricia at ang boss niyang si Mr.Gonzales, ngunit dahil galing lamang siya sa isang mahirap na pamilya ay tutol ang pamilya ni Mr. Gonzales sa dalaga at tinakot ito upang lumayo sa binata.

Kusang lumayo naman si Patricia at iniwan ang binata nang malaman niyang nagdadalang tao siya dahil ayaw niyang madamay sa gulo ang kanilang magiging anak. Hindi niya na rin sinabi sa binata na nagdadalang tao siya at kinaya niyang magbuntis at palakihin mag-isa ang kanilang anak.

“Wala kang karapatan na ilayo sa’kin ang anak ko,” galit na asik ng binata kay Patricia. Hindi naman makatingin ang dalaga sa dating kasintahan. Alam niya ang pagkakamali niya at hindi niya maipagkakaila iyon.

Nagulat naman siya nang bigla siyang yakapin ng binata, “Pero kahit na ganun ang ginawa mo ay handa akong patawarin ka. Mahal na mahal pa rin kita Pats. Hindi nagbago iyon sa nakalipas na limang taon, ikaw pa rin. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. Bigyan mo naman ng pagkakataon na mabuo ang pamilya natin at maging masaya,” puno ng emosyong pahayag ng binata sa kanya. Hindi naman napigilan ni Patricia ang mapaiyak dahil sa sinabi ng binata. Tumango na lamang siya habang mahigpit siyang yakap ng binata sa mga bisig nito.

Ikinasal si Patricia at Mr. Gonzales sa lalong madaling panahon, at syempre ang kanilang cute na cute na anak na si Ruiz ang kanilang ring bearer. Mahabang panahon man silang nawalay sa isa’t isa, ngunit sa huli, iisa pa rin talaga ang kanilang puso. Sabay nilang hinalikan ang kanilang anak sa pisngi at niyakap ito ng mahigpit.

Advertisement