Inday TrendingInday Trending
Ang Munting Hiling

Ang Munting Hiling

“’Nak, anong gusto mong regalo sa birthday mo?” Nakangiting tanong ni Minda sa anak na si Toby.

Agad na nagliwanag ang mukha nito nang marinig ang salitang “regalo.”

“Robot! Gusto ko po ‘yung malaki!”

Mas lalong lumawak ang ngiti ni Minda. Mukhang matagal na nakapag-isip ang anak niya ng gusto nito. Nag-aantay na lang na tanungin niya ito.

Hindi sila mayaman. Sa katunayan, wala silang masyadong pera ngayon dahil nagsisimula sila ng isang negosyo ngunit bilang ina, natural lamang na gustuhin niyang maibigay sa anak ang lahat ng bagay na gustuhin ng anak. Kahit pa gaano ito kamahal.

Kaya naman isang linggo bago ang birthday ng anak ay hinahanap na ni Minda ang pinaka-magandang robot na alam niyang magugustuhan ng anak.

“Wow! Ito po yung robot na gustong gusto ko! Salamat po, mama!” Lumapit pa ito sa kanya at matunog na hinalikan siya sa pisngi.

Lumapit din ito sa ama at ganun din ang ginawa. “Salamat po, papa!”

“Walang anuman, anak. Happy birthday!” halos duweto sila ng asawa sa pabati sa anak. Maya maya pa ay magana na nilang pinagsasaluhan ang mumunting handa na inihanda ng ina ng tahanan.

Ganito lamang sila. Simple ang pamumuhay pero lagi silang magkakasama at masaya.

“Minda! Minda! Isang araw ay humahangos na umuwi ang kanyang asawang si Harold.

“O, bakit, may nangyari ba?” kinakabahang usisa ni Minda sa asawa.

“May magandang balita!”

“Ano?” sabik na tanong niya.

“Nagustuhan nila ang presentasyon ko. Madami ang gustong mag-invest sa negosyo natin!” Tuwang tuwa na ibinalita ni Harold ang nangyari sa asawa.

“Talaga? Diyos ko, salamat naman at tila unti unti na nating matutupad ang mga pangarap natin!” Maluha luhang pahayag ni Minda.

Kaya naman naging napaka-abala ni Harold at Minda sa kanilang tinututukang negosyo. Si Harold, bilang sariling CEO at si Minda bilang sekretarya.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Ang mga araw ay naging mga linggo. At ang mga linggo at naging mga buwan.

Unti unting lumago ang negosyo ng mag-asawa kaya naman masayang masaya sila. Sa wakas ay sigurado na silang mas maibibigay nila sa anak ang mga pangangailangan at mga gusto nito.

Dahil nga sa sobrang pagiging abala ay kumuha na sila ng mag-aalaga kay Toby. Hindi na kayang pagsabayin ni Minda ang kanyang responsibilidad bilang ina at bilang sekretarya.

Umaalis sila ng bahay ng tulog si Toby at umuuwi sila nang tulog na ulit ito. At para hindi ito malungkot ay binibilhan niya ito ng maraming laruan. Binibili niya ito ng mga hindi niya naibili dito dati.

Ang pinakahuling naibili niya para sa anak ay isang tablet. Matagal na nitong iniuungot ‘yun. Dati ay hindi niya talaga kayang bilhin ‘yun para sa anak ngunit laking pasasalamat niya at kaya na niyang bilhin iyon ngayon, kahit ilan pa.

“Dianne, kumusta naman si Toby?” Isang araw ay pangungumusta niya sa nag-aalaga sa anak.

“Okay naman po, mabait na bata po si Toby at hindi niya ako pinapahirapan sa pag-aalaga.” May ngiti sa labi ng dalaga, halatang gustong gusto nito ang kanyang anak.

“Talaga? Buti naman. Kadalasan kasi ay talagang napakalikot at napakadaldal niyan.”

Nagtaka nama si Dianne sa sinabi ng ina ng alaga. Napakatahimik na bata kasi ni Toby. Ipinagkibit balikat na lamang ni Dianne iyon.

Sumapit ang buwan ng Disyembre. Mas naging abala ang mag-asawa dahil mas dumami ang oportunidad ng kanilang negosyo sa pagsapit ng Disyembre.

Isang araw ay nakasabay ni Minda kumain ang anak.

Wala ang normal nitong sarili na mapaglaro at makulit.

“Anak, hindi mo ba gusto ang pagkain? Gusto mong bumili tayo ng iba?” Tanong niya nang mapansing hindi kumakain ang anak.

Umiling lamang ito at hindi nagsalita. Nagsimula na din itong kumain.

“Toby, may naisip ka nang gusto mo para sa araw ng pasko?” Muli niyang tanong dito.

Tumango lamang ito.

“Okay anak, gawin mo yung kagaya ng ginagawa natin dati ha? Sumulat ka kay Santa at siya ang tutupad ng wish mo.”

Tila noon lang bumalik ang kislap sa mga mata ni Toby.

Bisperas ng pasko. Kung dati ay abala sila sa pagluluto at pagbabalot ng regalo, ngayon ay iba na. Si Dianne at Toby lamang ang tao sa bahay at ang mag-asawa ay may inaasikaso.

Halos mag-aalas dose na nang dumating ang mag-asawa sa bahay. Nilapag nila ang maraming regalo para sa anak sa ilalim ng nagniningning na Christmas Tree. Agad na hinain ni Minda ang mga dalang pagkain para sa kanilang Noche Buena.

“Minda, bakit napakarami naman yata ng binili mo para kay Toby? Magagamit ba niya lahat ‘yan?” Usisa ng kanyang asawa at inginuso ang mga ragalong minadala niyang bilhin kanina.

“Hindi ko kasi nabasa ang letter niya para kay Santa kaya hindi ko alam kung ano’ng gusto niya.”

“Bakit hindi natin basahin ngayon?” Tanong ng asawa bago sinilip kung mahimbing ang tulog nito.

Nang mabasa ang liham ay matagal na natahimik ang dalawa. Tila pinoproseso ang mga nabasa.

“Dear Santa,

Ang hiling ko po ngayong pasko ay kakaiba, pero sana po ay tuparin niyo. Gusto ko lang pong kumain nang kasama si Mama at Papa kagaya ng dati.”

Natutop ni Minda ang bibig. Tila noon lang napagtanto ang malaking pagkukulang para anak. Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata.

Nang mapasulyap sa asawa ay nakita niya ang pasimpleng pagtingala nito upang pigilan ang pagpatak ng luha.

Maya maya pa ang tumunog ang kanilang orasan, hudyat na alas dose na.

“Merry Christmas!” magkapanabayang bati nila sa isa’t-isa. Tinungo nila ang kwarto ng anak para gisingin ito. Mukhang nalula din ito sa dami ng regalong natanggap nito mula sa kanila.

Tutuparin nila ang hiling ng anak.

Habang kumakain ay pansin ng mag-asawa ang sigla ng anak.

“‘Nak, masaya ka ba?” tanong ni Harold dito.

“Opo.”

“Bakit?”

“Tinupad po ni Santa ang wish ko.”

Advertisement