Inday TrendingInday Trending
Higit Pa sa Titulo at Karangalan

Higit Pa sa Titulo at Karangalan

“Ikaw sa likod, tumayo ka!” umalingawngaw ang mataas na boses ng guro sa pagalit nitong tono.

Nagkatinginan at natahimik ang buong klase. Lahat ay takot sa mala-tigreng si Gng. Hermano.

“P- pasensya na po, Ma’am!” tumayo ang kabadong estudyante, si Grace. Labing-pitong taong gulang.

Bakas sa mukha nito ang puyat at pagod sa pagtatrabaho sa lumipas na gabi kaya naman hindi niya mapigilan na maidlip habang nasa klase.

Dahan-dahan ay lumapit ang guro sa kanya, kitang-kita sa mukha nito na naiirita sa kanya. Mas lalo siyang yumuko sa hiya at takot.

“Anong karapatan mo para matulog sa oras ng klase ko ha?”

Umiling si Grace. Alam nito ang kasalanan kaya’t hindi sinubukan na umapela. Pinigilan niya muli ang paghikab. Tinakpan ang bibig.

“S- Sorry po. Hindi na mauulit.”

Napapikit siya ng sumagot ito sa malakas nitong boses, “Hindi na mauulit? Hindi na talaga! Ilang beses na ba kitang nahuli at pinagbigyan ha? Labas na! Umalis ka sa harap ko!” malupit nitong sinabi.

Nangininginig niyang kinipot ang mga gamit at mabilis na lumabas. Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang huling sinabi ng guro.

“Palibhasa pariwara.”

Pinikit niya ng mariin ang kanyang mga mata.

Hindi na bago sa kanya ang mga paratang na iyon. Pariwara, kahihiyan ng magulang, walang direksyon.

Sa buhay, isang kamalian lamang ay huhusgahan ka na ng lahat. Walang lugar ang pagbabago at pagsusumikap na itama ang kamalian.

“Grace, ano? Sama ka ba mamaya? Pupunta kami sa bar!” aya ni Hazel na isang kaklase sa kanya.

Ngumiti siya rito at magalang na tumanggi.

“Hindi na, may trabaho pa ako.”

Tumango naman ito at ngumiti. Binalingan ang mga kaibigang kasama at nagtawanan. Kagaya ng ibang tao, ang masakit na salita ay narinig niya mula sa mga ito.

“Ano kayang trabaho? Malamang magsasayaw na naman sa bar at magpapauwi sa kung sino-sino.”

Nag-iwas siya ng tingin. Isang beses lang iyon nangyari. Isang gabi lang siyang nalasing. Ngunit hindi niya inakala na iyon pala ang babago sa kanyang buhay.

May kumuha ng video ng kanyang kalasingan at ipinadala sa kanyang mga magulang.

“Pinag-aaral ka namin! Pero anong inaatupag mo? Paglalasing? Pagbabarkada?”

Hindi siya pinakinggan ng mga ito. Pinalayas siya ng ama sa kabila ng paghingi niya ng tawad ngunit hindi pinakinggan kahit na isang beses.

Kaya naman nabuhay siya kasama ang kaibigan na si Celine. Kaya nga lang ay nasa ibang bansa ito para magtrabaho.

“Sa bar siya nagtatrabaho? Kadiri! Siguro magaling ‘yan, kaya tinatangkilik ng mga Amerikano!”

Malisyosong sumipol ang isang lalaki na maraming kasama.

Binilisan niya ang paglakad. Pinigilan ang sarili na magsalita at ipagtanggol ang sarili.

“Laban lang, Grace. ‘Wag kang magpapaapekto. Patunayan mong mali sila.”

Iyon ang naging inspirasyon niya. Estudyante sa umaga at maraming trabaho kapag gabi. At higit sa lahat, isang ina.

“Alis na muna si mama, ha? Ingat ka rito.” Hinalikan niya ang noo ni Cassie. Ang dalawang taong gulang na bata.

“Ikaw na muna bahala sa kanya, ha? Sa sweldo ko dodoblehin ko na lang ang bayad,” habilin niya kay Manang Oryang. Ang kanyang landlady na naging malapit na rin sa kanila.

“Oo naman, ingat ka ha, Grace?”

Sandali itong natigilan at agad niyang napansin iyon.

“Bakit po?”

Kinagat nito ang labi. “Eh kasi, alam mo? Nung isang araw ay may nagpunta dito. Hinahanap ka. Tapos sabi ko “Wala ka, nasa trabaho” pero tinanong na lang nila ako kung kaninong anak si… Cassie. Kaibigan mo ba ang mga ‘yun?”

Huminga siya nang malalim.

“Ano hong sabi nyo? Saka ano ho bang itsura?”

“Siyempre sinabi kong, oo. Saka maputi, magaganda tapos kapareho ng uniporme mo.”

Tumango si Grace. Alam niya na agad kung sino ang tinutukoy ng matanda. Si Bridgette na matalik na kaibigan ni Hazel. Ang kalaban niya sa pagiging valedictorian.

At mukhang alam niya na rin kung bakit nito tinanong iyon. Alam niyang hindi ito papayag na matalo sa “kagaya lang niya.”

“Hindi ko ho kaibigan yun. Siguradong naghahanap lang ng paraan para lalo akong masira.”

“Patawad, hija! Hindi ko alam na ganon. Pano ‘yan ngayon?” problemado nitong tanong.

Umiling siya. Wala itong kasalanan.

“Ayos lang, Manang. Hindi ako masisira kasi alam ko ang totoo.”

Mas lalo pang tumindi ang naranasang hirap ni Grace sa eskwelahan dahil sa mga tsismis na ikinakalat ng mga taong itinuturing siyang “kakompentensiya.”

Ngunit, hindi. Hindi niya hahayaang lamunin siya ng mga bagay na hindi naman totoo.

Pumikit si Grace at nang dumilat ay sinalubong siya ng masigabong palakpakan.

“At ang ating valedictorian, Grace Moreno!”

Malaki ang kanyang ngiti ng tumango para sa kanyang speech.

Nagpasalamat sa nakuha, sa inspirasyon: sina Celine at ang anak nitong naiwan sa kanyang pangangalaga na si Cassie. Si Manang Oryang na nagsilbing magulang at ang kanyang mga magulang na natutunan siyang patawarin at humingi ng tawad sa kanya.

Higit sa medalya at sertipiko, alam niyang ang pinakamalaking gantimpala sa kanya ay pagmamahal, pagtanggap at pagpapatawad.

Advertisement