Napapitlag si Mari nang maramdaman ang pag-vibrate ng kanyang cellphone mula sa pouch na nakapatong sa kanyang kandungan.
Napangiti siya nang mabasa ang text ng kanyang panganay na anak na si Leigh.
“’Ma, nakarating na ba kayo sa Antique?”
Nagtanong muna siya sa kaibigang nagmamaneho na si Jerry bago sumagot sa anak.
“Je, malapit na ba tayo?”
“Medyo, mga trenta minutos na lang siguro,” sagot nito habang diretso ang tingin sa daan.
Nagtipa siya ng mensahe para sa anak. “Hindi pa namin nararating ang guest house ng pamilya nina Tito Jerry mo pero malapit na raw kami.”
Hinintay niya muna na magreply ang anak bago ibinalik ang kanyang cellphone sa bag.
“Si Leigh ba yung nagtext?” usisa ng kanyang asawa na nakaakbay sa kanya.
“Oo, sabi enjoy raw tayo at ‘wag silang alalahanin dahil ayos lang sila at kaya na raw nila ang mga sarili nila,” nakangiting pagbabalita niya sa asawa.
Panatag naman siya na mabuti ang lagay ng kanilang mga anak. Napaka-responsable ng kanilang panganay na si Leigh at sadyang mababait at hindi sakit ng ulo ang kambal na sumunod sa kanilang panganay.
Hindi naman siya sasama sa kanilang mga kaibigan na magbakasyon kung hindi siya tiwala na kaya nang mag-isa ng mga anak niya.
Ang mga kasama niya ay pawang mga kaibigan nila noong high school pa hanggang sa magkaroon na sila ng sari-sariling pamilya. Nang magsilakihan na ang kanilang mga anak ay may isang nagbigay ng suhestiyon na magkaroon daw sila ng bakasyon na hindi kasama ang kanilang mga anak.
At ngayon nga ay papunta sila sa Antique, sa guest house ng kanilang kaibigan na si Jerry.
Maya-maya pa ay naramdaman na ni Mari ang pag parada ng sasakyan. Pagsilip niya sa bintana ay namangha kaagad siya sa magandang exterior ng bahay. Mukha itong luma subalit halatang well-maintained.
Mas lalo silang namangha nang maka-pasok sila sa loob ng bahay. Pawang mga lumang kagamitan ang makikita subalit bakas ang rangya sa bawat gamit na nasa loob.
“Wow! Mayaman pala ang pamilya mo, pare!” narinig niyang sabi ng kanyang asawa sa kanilang kaibigan na si Jerry.
“Kung ganito kaganda ang guest house, bakit walang masyadong tao?” nagtatakang tanong ni Irene, isa sa kanilang mga kaibigan.
“Baka kasi hindi naman peak season?” panghuhula ni Eula.
“Anong hindi peak season, eh semestral break? Kaya nga natin nagawang iwanan ang mga anak natin, kasi walang pasok, ‘di ba?” sagot ni JB, asawa ni Eula.
Naghintay sila ng kasagutan mula kay Jerry subalit kibit balikat lamang ang isinagot nito. Hindi naman nila ito masisi dahil alam nilang hindi ito malapit sa pamilya nito.
Matapos nilang puntahan ang kani-kanilang mga silid ay nagsalo sila sa isang magarbong hapunan.
Kita ang saya sa mukha ng bawat isa dahil pansamantala nilang nalimutan ang bigat ng kani-kanilang mga responsibilidad sa trabaho at sa pamilya.
Matapos ang hapunan ay nagsalo-salo sila sa masarap na kapeng inihanda ng tagapangalaga ng bahay na si Aling Narsing.
“Natatandaan niyo pa nung nagalit satin si Mrs. Reyes? Sabi niya ‘Grabe ‘tong klase na ‘to!’ sabay walk out?” natatawang tanong ni Jeremy, asawa ni Irene.
“Oo, masyado kasi tayong maingay kaya nagalit si Ma’am!” segunda naman ni Nia, asawa ni Jerry.
Napangiti nang maluwang si Mari sa itinatakbo ng usapan. Naaalala niya lahat ng pinag-uusapan ng mga kaibigan. Nakakatuwa na tumagal ang kani-kanilang mga relasyon na simula pa noong high school sila nagsimula. Sila sila nina Irene at Jeremy, Eula at JB, Nia at Jerry, at sila ng kanyang asawang si Ram.
Masayang nagpatuloy ang kanilang kwentuhan hanggang sa bigla na lamang magsalita si Nia. “Naku po! Pasado alas dose na! Matulog na tayo at marami pa tayong papasyalang lugar bukas,” suhestiyon nito.
Nagsitayuan naman sila sa kani-kanilang mga pwesto at nagsipasukan na sa kanilang mga silid.
Maya-maya pa ay binalot na ng nakabibinging katahimikan ang kanina ay maingay na bahay.
Nagising si Mari dahil napakainit ng kaniyang pakiramdam. Para siyang nakapatapat sa sinusunog na kung ano. Nilingon niya ang aircon at nagtaka pa nang makitang nakatodo ito.
Tumayo siya at bumaba upang kumuha ng tubig. Pagbukas niya ng pinto ay nanlaki ang mata niya nang makitang binabalot ng apoy ang paligid.
“Diyos ko!” Iyon ang nasabi nito.
Akmang tatayo siya at gisingin ang mga kaibigan. Ngunit maya-maya ay napalikwas siya ng bangon at nasumpungan ang sarili na nakaupo pa rin sa kama.
Nakakatakot na panaginip.
Akmang babalik na siya sa pagtulog nang makarinig nang tila ungol na nagmumula sa kung saan. Lumabas siya ng pinto, sinusundan pa rin ng tunog. Dinala siya nito sa tapat ng isa sa pintong naka-lock.
Tinalikuran niya na ang pinto nang salubungin siya ng isang nakakatakot na imahe.
May nakita siyang limang babae na nakakatakot ang itsura. Sunog na sunog ang balat ng mga ito kaya halos hindi niya makilala ang mga ito.
Tumili siya ng pagkalakas-lakas bago nawalan ng malay. Nang magmulat siya ng mata ay umaga na, at napapalibutan siya ng mga kaibigan.
“Mari, anong nangyari sa’yo? Alalang-alala kami!” bungad ni Eula.
Kinuwento niya sa mga ito ang nangyari, kilabot na kilabot ang lahat.
“Pero bakit may ganun kang nakita? Ano ang nakaraan ng guest house na ito, Jerry?” tanong ng kaniyang asawa.
“Pare, wala akong ideya,” nahihiyang sabi ni Jerry.
Walang may alam kaya naman binalot ng katahimikan ang buong silid. Hanggang sa basagin ng katiwala na si Aling Narsing ang katahimikan.
“Kinuwento lang din sa akin ito,” babala nito bago nagpatuloy. “Mga 50 taon na ang nakararaan, sikat na sikat ang guest house na ito dahil sa angkin nitong ganda at garbo. Kaya naman madami ang pumupunta ng Antique na dito tumutuloy. Noon.”
“Ang mga magkakaibigang sina Allison, Jessica, Isay, Sheila, at Marie ang mga babaeng nagmumulto.” Sabi ni Aling Narsing.
“Ano po ba ang nangyari?” tanong ni Jerry.
“Nasunog ang guest house. Sa kalagitnaan ng gabi. Kaya naman madami ang nasawi. Kasama ang magkakaibigan.”
“Nang ma-renovate ang guest house ay naging lubhang napakaganda nito subalit ‘di tumagal ay kumonti nang kumonti ang tumatangkilik dito dahil madami ngang kababalaghan ang nararanasan ng mga tumutuloy dito.”
“At kahapon ang anibersaryo ng sunog. Kaya siguro nagparamdam ang magkakaibigan dahil sa inyong magkakaibigan.”
Nalinawan ang lahat sa kahiwagaang naranasan ni Mari nang nagdaang gabi kaya naman imbes na mamasyal ay pumunta sila sa simbahan upang kumausap ng pari ng magbebendisyon ng bahay.
Nag-alay rin sila ng dasal para sa mga kaluluwa na hindi matahi-tahimik.
Sa kabutihang palad, naging matiwasay, tahimik, at masaya na ang kanilang isang linggong bakasyon.
Habang paalis ang sinasakyan nila ay bumulong sa hangin si Mari. “Nawa ay mamahinga na kayo…”