“Ma, pakiusap, hindi po tama ang ginagawa n’yong ito sa akin,” wika ni Sean sa kanyang ina na si Donya Cielito.
“Hindi porket kayo ang magulang ko ay may karapatan na kayong manghimasok kung sino ang pakaksalan ko. Ni hindi ko nga po kilala ‘yang sinasabi n’yong anak ni Don Ramon kaya bakit ko siya pakakasalan?” giit ng binata.
“Maganda ang pag-iisang dibdib ninyo para sa negosyo ng pamilya natin. Alam mo namang madalas nang humina ang takbo ng ating kumpanya. Kung maikakasal ka sa nag-iisang anak ni Don Ramon ay malaking tulong ito para sa buong angkan natin. Kinabukasan mo lang naman ang iniisip namin ng papa mo,” paliwanag ng kanyang ina.
“Ngunit kahit na po. Gagawin ko naman ang lahat ng makakaya ko para maisalba ang kumpanya. Hindi tama na gamitin natin ang pamilya nila para sa sarili nating intensyon. Hindi ko kayang pakasalan ang Rachel na ‘yan, wala akong alam tungkol sa kanya,” mariing sambit muli ni Sean.
Matagal nang alam ni Sean ang ginawang kasunduang ito ng kanyang mga magulang at ni Don Ramon. Ngunit hindi naman niya inakala na sa tamang panahon ay isasakatuparan pa rin ito ng kanyang mga magulang. Kaya labis na lamang ang pagtutol ng binata. Sa katunayan kasi ay nakita na ni Sean ang kanyang mamahalin.
Noong bata pa kasi siya ay nawala siya sa isang kakahuyan habang nagha-hiking ang kanyang buong pamilya. Isang batang babae ang nagligtas sa kanya at tumulong upang mahanap niya ang daan pauwi. Dahil sa kanyang lubusang takot na nararamdaman ay hindi na naitanong pa ni Sean ang pangalan ng babaeng ito.
Simula noon ay hindi na nawala sa isipan niya ang babae. Ang tanging alaala lamang na naiwan sa kanya ng babae ay ang kwintas nito na kanyang natagpuan ng bumalik siya sa kakahuyan kinabukasan.
Tila isang malaking kalokohan naman para sa kanyang mga magulang ng sabihin niyang ang babaeng ito ang tinitibok ng kanyang puso. Sa tingin nila ay ginagawa lang ito ng binata upang hindi maituloy ang nakatakdang kasal.
“Sa isang Linggo ay ikakasal na kayo ni Rachel, Sean. Hindi ka na pwedeng umatras. Mapapahiya ang pamilya natin,” sambit ng ina ni Sean.
“Pero kung ayos lamang sa’yo na dalhin hanggang pagtanda mo ang malaking intriga at kahihiyan na ito ay huwag kang sumunod sa amin,” pananarkastiko ng kanyang ama.
Habang papalapit ang araw ng kasal ay patuloy sa pagkamuhi si Sean sa kanyang mga magulang. Hindi siya tumigil na umisip ng paraan upang iantala ang nasabing kasal. Ngunit lahat ng ito ay hindi umubra. Alam ng kanyang ina ang ginagawa niya kaya masinsinan itong nakiusap sa binata.
“Anak, pasensya ka na kung kailangan mong gawin ang bagay na ito para sa ating pamilya. Ito na lamang ang tanging paraan para maisalba natin ang natitira nating kayamanan at para na din magkaroon tayo ng pag-asang muling gumanda ang kumpanya. Ito na lamang ang hinihiling ko sa’yo, anak. Pumayag ka na,” pakiusap ni Donya Cielito.
Dahil sa tinuran ng ina ay wala nang nagawa pa si Sean kundi ang pumayag sa kanilang kagustuhan. Sa isip niya ay sa tagal ng paghahanap niya sa batang babae ay siguro’y hindi na sila itinadhana pang muling magkita.
Sa araw ng kanilang kasal ay unang beses niyang masisilayan ang kaisa-isang anak ni Don Ramon na si Rachel. Naghintay si Sean sa harapan ng altar at nang makita niya ang kanyang pakakasalan, hindi niya maitanggi ang kanyang pagkabighani sa nasabing dilag. Ngunit habang ikinakasal ay walang ibang hiniling si Sean kundi sana ay ang babaeng kanyang gusto na lamang ang kanyang pinapakasalan.
Natapos ang kasal at tuluyan nang umuwi ang dalawa sa mansyon na iniregalo sa kanila ng kanilang mga magulang.
“Hindi tama na basta na lang tayo ipinakasal. Ni hindi natin kilala ang isat-isa. Anong buhay ang naghihintay sa atin?” sambit ni Sean sa asawa.
“Alam naman nating pang ekonomikal na interes lamang ang lahat kaya tayo ipinakasal ng mga magulang natin. Wala na akong magagawa pa dahil tali na ako sa’yo. Kahit na hindi ko lubusang kilala ang pagkatao mo ay pumayag na rin ako sapagkat ayaw kong bigyan ng kabiguan ang mga magulang ko,” tugon ni Rachel.
Dahil parehas na labag sa kanilang kalooban ang nangyari at wala lamang silang magawa upang mapigilan ito ay napagpasyahan nilang magkaroon ng isang kasunduan. Nagkasundo ang dalawa na sa ika-dalawang taon ng kanilang pagsasama ay gagawin nila ang lahat upang sila ay tuluyan nang maghiwalay.
“Sapat na siguro ang dalawang taon para mapalawig ng pamilya mo ang negosyo nila. Sige, pumapayag ako,” sambit ni Rachel.
Kahit na sila ay kasal ay hindi sila tabing natutulog sa kanilang silid. Binigyan din nila ang isat-isa ng sariling espasyo para hindi nila maramdaman na nakakadena sila. Hindi pa rin nawala sa isipan ni Sean ang babaeng kanyang matagal nang sinisinta.
Ngunit habang tumatagal na nakikilala nila ang ugali ng bawat isa, hindi nila maiwasan na maglapit ang kanilang loob. Natuklasan kasi nila na sa maraming bagay pala sila magkaparehas. At madaming bagay silang masayang ginagawa ng magkasama.
Sa kabila ng kanilang pagka-palagay sa isat-isa ay hindi nila makalimutan ang kasunduan sa pagitan nilang dalawa. Na sa ikalawang taon ng kanilang pagsasama ay maghihiwalay na silang dalawa.
Ito ang matinding pinapangambahan ni Sean. Unti-unti na kasing nahuhulog ang loob niya kay Rachel. Ang inakala kasi nitong babaeng walang halos alam sa maraming bagay dahil laki sa mayamang pamilya ay isang malaking kamalian pala. Mabuti ang kalooban nito at magaling makisama. Mabait at saka pasensyosa. Idagdag mo pa riyan ang pagiging matalino nito at masarap kasama.
Ganoon din naman sa kaniya si Rachel. Nagsimula na rin mahulog ang kanyang loob sa binata kahit na alam niyang may iba itong minamahal. Dahil tunay at wagas ang pag-ibig ni Rachel kay Sean ay nais niyang ibigay ang kalayaang nais nito. Upang sa gayon ay mahanap na rin niya ang kanyang minamahal.
“Maraming salamat, Rachel, hindi ko makakalimutan ang kabaitan mo. Ikaw ang pangalawang babaeng nagparamdam sa akin kung paano magmahal. Salamat at naranasan ko itong muli. Dalangin ko na mahanap mo na rin ang lalaking para sa iyo,” wika ni Sean. “Hindi ko alam kung saan ako magsisimula para hanapin ang babaeng ‘yon. Sapagkat hindi ko alam kung sino siya. Ang tanging mayroon lamang ako ay ang kwintas na naiwan niya sa kakahuyan,” dagdag pa nya.
“Kwintas sa kakahuyan? Maaari ko bang makita ang kwintas na sinasabi mo?” tanong ni Rachel. Malugod naman itong ipinakita sa kanya ni Sean. Nagulat si Rachel nang makita ang kwintas.
“Sean, matagal ko nang hinahanap ang kwintas na iyan. May isang batang lalaki akong tinulungan noon na makita ang kaniyang pamilya sa kakahuyan. Sa pagtulong ko sa kanya ay hindi namalayang sumabit pala ang kwintas ko at napigtas. Regalo ng mommy ko sa akin ang kwintas na iyan,” sambit ni Rachel.
Lubusan ang pagkagulat ni Sean. Ang babaeng kanyang pinakasalan pala ang babaeng matagal na niyang hinahanap. Hindi siya makapaniwala na kusang dinala si Rachel ng tadhana sa kanya. Ang kasal na inaayawan niya noon ay nagsilbing biyaya pa sa kanya ngayon.
“Sean, mahal kita kaya kita pinapalaya. Pero masaya ako na malaman na ako pala ang babaeng matagal mo nang hinahanap,” naiiyak na wika ni Rachel.
“Hindi ako makapaniwala, Rachel, na sa ganitong paraan pa tayo magkikita. Wala akong gustong gawin ngayon kundi ang mahalin ka lamang,” sambit ni Sean.
Isang halik ang nagtapos ng kanilang pag-uusap. Ipinaramdam ni Sean at Rachel ang pagmamahal nila sa isat-isa. Walang mapaglagyan ang kanilang kagalakan na malaman na sila talaga ang tunay na nakatadhana.
Hindi na natuloy pa ang kasunduan nilang maghiwalay. Hindi naglaon ay muling inaya ni Sean si Rachel na magpakasal. Laking pasalamat ng dalawa sa ginawang pakikipagkasundo ng kanilang mga magulang, sapagkat ito ang naging daan ng kanilang pagtatagpo. Napuno ang kanilang pagsasama ng saya at pagmamahalan.