Malayo man ang pagitan ng antas sa buhay nina Trisha at Greg ay hindi naging hadlang ito sa pagmamahalan ng dalawa. Anak si Trisha ng isang mag-asawang nagmamay-ari ng mga gasolinahan at si Greg naman ay nagtatrabaho sa kanila bilang isang gasoline boy. Nagkita ang dalawa isang beses nang dumalaw ang dalaga sa kanilang negosyo. Hindi maialis ni Trisha ang kanyang ingin sa matipunong si Greg. Lalo pang nahulog ang loob ng dalaga nang malaman kung gaano kasipag at katiyaga ang binata.
Pinapaaral kasi ni Greg ang kanyang sarili. Dahil pangarap niyang maging isang arkitekto ay hindi niya inalintana ang hirap na pagsabayin ang pag-aaral sa umaga at pagtatrabaho naman sa gabi. Ang mga magulang ni Greg kasi ay hindi na matutustusan pa ang kanyang pag-aaral sapagkat ang tatay niya ay umeekstra lamang sa isang konstraksyon at ang kanyang ina naman ay isang labandera.
Nang malaman ama ni Trisha ang ginagawang pagkikipagrelasyon ng dalaga sa isa nilang trabahador ay laking galit nito. Ginawa niya ang lahat upang mapaghiwalay ang dalawa ngunit nabigo siya. Binantaan niya ang binata na kung hindi pa lalayo sa kanyang anak ay may gagawin itong hindi niya magugustuhan.
Dahil hindi pa rin lumayo si Greg kay Trisha sa kabila ng pagbabanta nito ay tinuluyan ng ama ni Trisha ang kanyang sinabi. Isang araw ay pinadampot na lamang si Greg sa trabaho. Inakusahan ito ng kanyang boss na kumuha raw ng isang mamahaling relos na naiwan ng ginoo sa kanyang opisina sa gasolinahan.
Kahit na pilit ang pagtanggi ni Greg sa bintang sa kanya ay wala nang nagawa pa ang binata. Mayaman at makapangyarihan ang ama ni Trisha at siniguro nito na mukukulong sa bilangguan ang binata.
Habang nakakulong naman ay hindi tinigilan ni Trisha ang pagdalaw kay Greg.
“Hindi mapipigilan nito ang pagmamahalan natin, Greg. Makakaasa kang hindi ako bibitaw sa pag-ibig ko sa’yo,” wika ni Trisha sa binata. “Araw-araw akong dadalaw sa iyo. Kakausapin ko rin ang papa ko na iatras na ang kaso sa’yo para makalaya ka na. Huwag kang mawawalan ng pag-asa,” dagdag pa ng dalaga.
Sa mga sinabing ito ni Trisha kumuha ng pag-asang lumaban si Greg. Hindi siya pinanghinaan ng loob. Araw-araw ay dinalaw nga siya ni Trisha at nagpatuloy ang kanilang naging relasyon.
Isang araw ay mayroong isang hindi inaasahang bisita. Nagulat siyang makita ang tatay ni Trisha.
“Gusto kitang kausapin, Greg. Walang mapapala ang anak ko sa isang kagaya mo. Kung hindi mo pa titigilan ang anak ko ay hindi lang ito ang mapapala mo. Alam mo kung ano ang kaya kong gawin. Kung hindi ka titigil sa pakikipagrelasyon sa anak ko ay magiging kawawa ang pamilya mo,” saad ng lalaki.
Dito na nakapag-isip si Greg. Napagtanto niya na wala talagang magandang kinabukasan na naghihintay sa kanya si Trisha. At hindi tamang madamay pa sa gulong ito ang kanyang mga magulang. Kaya nang sumunod na pagdalaw ni Trisha ay pilit niyang inilayo ang kanyang sarili.
Hindi na niya sinipot pa ang dalaga. Hindi man huminto ang dalaga sa pagpunta sa kulungan upang makita siya ay nakapagdesisyon na siyang hindi ito siputin upang tuluyan na itong makalimot.
Lumipas ang mga ilang buwan at wala nang Trisha ang dumalaw pa kay Greg sa kulungan. Masakit man sa binata ay kailangan niya itong gawin sapagkat para ito sa magandang kinabukasan ng dalaga.
Isang araw ay nabalitaan na lamang niya na nakapag-asawa na pala si Trisha. Lubusang kalungkutan ang kanyang naramdaman. Dahil sa awa na nakita ng kanyang mga kasamahan sa kulungan ay minabuti ng mga ito na ipasok si Greg sa isang programa kung saan nagkakaroon sila ng penpal.
“Para makalimutan mo na si Trisha. Makipagpen pal ka. Mayroong mga kababaihan sa labas na handang maging kaibigan ang mga tulad natin. Malay mo mahulog ang loob niyo sa isa’t-isa. Tuluyan mo nang makalimutan ang babaeng nagdala sa’yo dito,” sambit ng isang preso.
Hindi naglaon ay nagkaroon ng ang penpal si Greg. Nagkaroon siya ng kaibigan sa babaeng kanyang nakakapalitan ng sulat. Napansin ni Greg na gumagaan ang kanyang pakiramdam sa tuwing nailalabas niya sa babae ang kanyang mga saloobin. Unti-unti na rin niyang nakalimutan si Trisha.
Tatlong taon na ang nakalipas at tuluyan nang makakalabas si Greg. Napagkasunduan nila na magkita kung makakalabas na siya. Laking tuwa n’ya dahil sa wakas ay makikita na rin niya ang babaeng muling nagpadama sa kanya ng pag-ibig. Sa kanyang paglabas ay baon niya ang pag-asa ng isang magandang buhay.
Habang hinahanap niya ang kanyang penpal ay laking gulat niya nang makita si Trisha sa labas ng kulungan. Hawak nito ang mga sulat na mula kay Greg.
“Anong ibig sabihin nito, Trisha?” pagtataka ni Greg.
“Hindi ko maatim kasi na malayo sa’yo, Greg. Nang iwasan mo ako ay lubusan ang kalungkutan na naramdaman ko pero hindi ako huminto na mahalin ka. Alam kong kahit anong paglapit ko sa’yo ay hindi mo ako tatanggapin. Kaya naisipan kong magpanggap na maging pen pal mo,” pag-amin ng dalaga.
“Ngunit ang sabi nila ay kinasal ka na raw?” muling tanong ni Greg.
Tumango ang dalaga. “Ikakasal dapat ako. Ngunit ano ang magagawa ko, Greg. Ikaw talaga ang mahal ko,” tugon ng dalaga.
“Kay tagal kong hinintay ang araw na ito, Greg. Masaya ako at magkakasama na tayong muli,” saad ni Trisha.
“Hindi ako huminto na mahalin ka. Nakalimutan lang kita sandali sapagkat ibinaling ko na ang pagtingin ko sa pen pal ko,” wika ni Greg. “Ngunit nangangamba ako Trisha, paano ang papa mo? Ayaw niya sa akin.”
“Kaya ka nakalaya ay iniatras na ng aking ama ang kaso sa’yo. Wala akong ginawa araw-araw kundi patunayan sa kanya ang pagmamahalan natin. Pumayag na siyang mahalin kita kaya wala nang makakapigil pa sa atin,” masaya nitong sambit sa binata.
Walang mapaglagyan ang kaligayahan ng dalawa. Hindi inakala ni Greg na bandang huli ay sila pa rin pala ni Trisha ang magkakatuluyan. Bumalik si Greg sa pag-aaral upang patunayan sa pamilya ni Trisha na karapat-dapat siya sa pag-ibig ng dalaga. Nang makatapos at maging isang ganap na arkitekto ay ginawa niya ang lahat upang maging sagana ang kanilang pamumuhay.
Hindi naglaon ay nagtagumpay si Greg. Napatunayan na rin niya ang wagas na pagmamahal niya kay Trisha. Kaya malugod nang ibinigay ng mga magulang ng dalaga ang kamay ni Trisha upang sila ay magpakasal. Napuno ng pagmamahalan at ligaya ang kanilang pagsasama. Simula noon ay walang kahit ano at sino ang makakapagpahiwalay kina Trisha at Greg.