Inday TrendingInday Trending
Nang Mangibang Bansa si Mister

Nang Mangibang Bansa si Mister

Lubusan ang pagkainggit ni Carla sa kanilang kapitbahay na si Sanya. Ang asawa kasi ni Sanya ay isang seaman sa ibang bansa. Dahil sa laki ng sahod nito ay nabibili ni Sanya ang lahat ng kanilang gusto. Maganda kasi ang naipatayong bahay ng mga ito. Malaki rin ang perang ipinapadala ng asawa ni Sanya sa kanyang pamilya.

Kahit na isang inhinyero ang asawa ni Carla at kumikita ng disente dito sa Pilipinas ay tila hindi pa sasapat para sa ginang. Isang araw ay nasipat ni Carla ang bagong biling sasakyan ng kanilang kapitbahay.

“Honey, nakita mo ‘yung bagong biling kotse nila kumareng Sanya? Napakaganda. Ganon ang gusto kong kotse ‘yung malaki at kasya ang buong pamilya natin,” sambit ni Carla sa kaniyang asawang si Jomel.

“Hayaan mo, hon, at gagawin ko ang lahat para makaipon at maibigay ko sa’yo ‘yang pangarap mong sasakyan,” nakangiting tugon ng mister.

“Kung tinatanggap mo na kasi ang offer sa iyo na maging isang inhinyero sa ibang bansa, ‘di sana hindi lang ganon ang kaya nating bilhin. Aminin mo na kasi, hon, na sakto lang talaga ang kinikita mo dito sa Pilipinas,” nakaismid na wika ni Carla.

“Pag-isipan mo na kasi ang pagpunta mo sa Dubai, hon. Mas magiging maganda ang buhay natin kapag doon ka nagtrabaho. Lumalaki na rin ang mga bata,” dagdag pa ni Carla.

Pinag-isipang mabuti ni Jomel ang sinabing ito ng asawa. Ayaw man niyang iwanan ang kanyang pamilya ay napilitan siyang magtrabaho sa ibang bansa upang makamtan nila ang buhay na kanilang pinapangarap.

Hindi nga nagkamali ng desisyon ang mag-asawa. Malaki na ang ipinagbago ng kanilang buhay simula ng mangibang bansa si Jomel. Malaki na rin ang naipapadala nito kaya nabibili na ni Carla ang lahat ng kanyang naisin.

Lahat ng sahod ng ginoo ay ipinapadala niya sa kanyang asawa upang ipunin. Nagtitira lamang ito ng pera para sa kanyang panggastos. Buong akala ni Jomel ay maayos ang buhay ng kanyang mag-iina dito sa Pilipinas.

Isang araw ay nakatanggap ng balita si Jomel mula sa kanyang kapatid. Ang hinala raw ng mga ito ay may ibang kinakasama na si Carla. Nang tawagan ni Jomel ang asawa upang itanong ito ay agad itong itinanggi ng ginang.

“Sinisiraan lang ako ng kapatid mong ‘yan kasi nanghihingi sila ng pera sa akin pambili daw ng bagong TV nila. Hindi ko binigyan. Saka paano naman ako magkakaroon ng kinakasama? Nandito ang mga anak mo, tanungin mo sila,” naiinis na sambit ni Carla.

Agad na naniwala si Jomel sa kaniyang asawa. “Bigyan mo na ng pambili ng TV, hon. Magpapadala na lang ako ulit sa’yo. Ibawas mo na lang sa ipon natin,” sambit ng asawa.

“Siya nga pala, kumusta na ‘yung negosyong sinabi mo sa akin? Kung saan mo dinala ‘yung kalahati ng ipon natin,” tanong ng mister.

“Ah, ‘yung mga langis para sa sasakyan? Maayos naman. Maganda ang kita. Kaso nga lang kailangan kong dagdagan ang supply natin, hon. Kaya kung pwede ay magpadala ka pa,” lambing ng asawa.

“Sige, hon. Natutuwa ako sa’yo sapagkat napakagaling mo. Hindi ako nagkamali na ikaw ang pinahawak ko ng ipon natin,” saad ni Jomel.

Akala ni Carla ay hindi na matatapos ang pag-unlad ng kanilang buhay dahil sa trabaho ng asawa. Lingid kasi sa kaalaman ni Jomel na hindi totoo ang lahat ng sinasabi sa kanya ng kanyang misis. Ang totoo ay lulong ito sa pagsusugal, at karelasyon nito ang asawa ni Sanya na isang seaman. Natanggal ang lalaki sapagkat may ginawa itong anumalya sa barko. Nagpapakasasa ang dalawa sa perang pinaghihirapan at ipinapadala ni Jomel.

Nang makakuha ang kapatid ni Jomel ng ebidensya ay agad niya itong pinadala sa kapatid sa ibang bansa. Lubusan ang hinanakit na naramdaman ni Jomel. Lalo na nang malaman niya na napabayaan na ang dalawang anak nito.

Hindi ipinahalata ni Jomel na may alam na siya sa panlolokong ginagawa sa kanya ng asawa. Pinlano mabuti ni jomel ang kanyang mga susunod na hakbang. Kailangang maparusahan ang mga ito sa kanilang mga maling ginagawa.

Hindi alam ni Carla ang pag-uwi ng kanyang asawa. Hindi makapaniwala si Jomel nang makita ang asawa na nasa silid nakahiga sa kama kasama ang kalaguyo nito. Halos mapagsakluban ng langit at lupa ang ginoo. Hindi niya akalain na sa kabila ng kanyang pagsasakripisyo ay ito pa ang igaganti ng kanyang misis.

“Bakit mo nagawa sa akin ‘to, Carla? Ipinagpalit mo ang pamilya natin para sa ganito? Maging ang mga anak natin ay pinabayaan mo. Makasarili ka! Patawarin ako ng Diyos pero sa kulungan ang bagsak ninyong dalawa!” nanggagalaiting sabi ni Jomel.

Hindi alam ni Carla kung ano ang kanyang sasabihin sa mister upang magbago ang isip nito. Ngunit bago pa man siya makapagpaliwanag ay kasama na ni Jomel ang mga pulis upang dakpin si Carla at ang kalaguyo nito. Masakit man kay Jomel na mawalan ng ina ang kanyang mga anak ay kailangan niya itong gawin upang magtanda ang dalawa.

“Parang awa mo na, Jomel. Huwag mo akong ipakulong. Magbabago na ako,” pagmamakaawa ni Carla. Ngunit kahit anong pakiusap niya sa ginoo ay tila wala na itong naririnig.

Kinuha ni Jomel ang kanyang mga anak at ipina-alaga ito sa kaniyang mga magulang at kapatid. Muli siyang nagbalik sa ibang bansa upang makaipong muli. At nang sapat na ang kanyang naipon ay umuwi siya ng Pilipinas upang makasama ang kanyang mga anak.

Naging maayos naman ang buhay ng mag-aama kahit na wala ang kanilang ilaw ng tahanan. Naging aral naman ito kay Carla. Hindi niya pinahalagahan ang mga bagay na kayang isakripisyo ni Jomel para sa kanilang pamilya. Huli na nang siya ay magsisi.

Advertisement