“Ate, baka naman pwede kaming makitira dito sa inyo kahit isang linggo lang habang naghahanap pa ng bahay ang asawa ko. Walang-wala na kaming mapuntahan, ate. Ilang gabi na kaming natutulog sa kalsada,” pagmamakaawa ni Sasa sa kaniyang kapatid.
“Naku, Sasa, tigilan mo. Nakita mo ba kung gaano kaliit itong bahay ko tapos ipagsisiksikan mo ‘yang pamilya mo rito?” tugon naman ni Celine, bakas sa mukha nito ang pagkainis dahil naabala ang kanilang pagtulog.
“Isang linggo lang, ate, kahit ano gagawin ko. Ako na mag-aasikaso sa mga anak mo, maglalaba ng damit niyo, LAHAT!” mangiyakngiyak niyang pangungumbinsi, lumuhod na rin siya sa harapan nito upang makuha ang awa nito ngunit tila hindi ito pinansin ng kaniyang kapatid.
“Ayoko pa rin, hindi ako baldado para hindi magawa ang mga ‘yon! Saka hindi mo ba naisip, kung dito kayo makikitira, dadagdag pa kayo sa tubig at kuryente namin! Aba naman, Sasa, mahiya ka naman sa asawa ko! Sige na, umalis na kayo’t magpapahinga na kami,” tugon pa nito saka padabog na sinarhan ang kanilang pintuan.
Nagsimula namang umiyak ang mga anak niya dahil sa pagkatakot dito. Mangiyakngiyak siyang umalis sa bahay ng kapatid at nagpalipas na naman ng gabi sa kalsada gamit-gamit ang mga kartong nahingi niya sa tindahan.
Malapit ang dalawang kapatid sa isa’t-isa noong nabubuhay pa ang kanilang mga magulang. Ngunit noong mawala ang mga ito at nagsimula na silang magkaedad, unti-unting tila nalayo ang loob nila sa isa’t-isa.
Lalo pang nagkaroon ng lamat ang kanilang pagkakapatid noong hindi sadyang mabuntis si Sasa dahilan upang hindi na siya makapagpatuloy sa pag-aaral at umasa na lamang sa ate niyang buntis rin noon at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang bangko.
Ito ang siyang nagtustos sa lahat ng pangangailangan niya noon. Labis na lamang ang kaniyang pasasalamat dito ngunit pagkatapos noon, tila ganoon na tuluyang lumayo ang loob ng ate niya sa kaniya. ‘Ika nito, “Hindi ako nagsunog ng kilay sa pag-aaral at naghirap sa pagtatrabaho upang kumita ng pera para lamang ipamudmod sa’yo na inuna ang landi kaysa kinabukasan!”
Lahat ng mga salitang ‘yon, bumaon sa kaniyang puso’t isip dahilan upang mahiya na siyang lumapit dito kada nahihirapan siya sa kaniyang buhay. Wala kasing trabaho permanenteng trabaho ang kaniyang asawa at tila ganoon na siya nahihirapan dito.
Sumabay pa ang pagpapaalis sa kanila sa bahay na inuupahan nila dahil nga wala na silang pambayad. Noong una’y ayos sa kaniya ang manirahan muna sa kalsada ngunit nang magkasakit ang kaniyang anak, doon na niya nilaksan ang kaniyang loob at lumapit muli sa kaniyang kapatid. Ngunit katulad ng dati, puro bulyaw at pagtanggi ang kaniyang nakuha rito.
Nagising na lamang dahil sa ingay ng mga sasakyan si Sasa kinabukasan. Agad niyang kinapa ang anak niyang kagabi lamang ay may lagnat. Tila nabunutan siya ng tinik nang malamang mababa na ang lagnat nito.
Habang tulog ang kaniyang mga anak, sumaglit siya sa katapat na tindahan upang nakitawag sa asawa niya. Ganoon na lamang siya nanlambot nang marinig ang mga sinabi nito, “Pasensya ka na, Sasa, hindi ko na kayo kayang itaguyod, gusto ko na lang mawala dahil sa hirap na nararanasan ko sa’yo.”
Ganoon na lamang bumuhos ang luha niya pagkababa ng tawag ng kaniyang asawa. Hindi na niya alam ang gagawin ngayon, ni hindi niya alam kung saan o paano magsisimula. Agad niyang niyakap ang kaniyang mga anak saka humagulgol.
Nagulat naman siyang may isang babaeng lumapit at nagbigay sa kaniya ng panyo. “Hindi bagay sa isang magandang babaeng tulad mo ang umiyak dahil sa paghihirap,” sambit nito saka umupo sa kaniyang tabi.
Nilabas nito ang mga pinamiling pagkain sa tindahan saka siya inalok kumain, “Bahagya kong narinig ang usapan niyo kanina sa tindahan, ako yung bumibili doon kanina, dito ako nakatira,” dagdag pa nito saka itinuro ang bahay na nasa kanilang likuran, “Kagabi ko pa napapansing tila hirap na hirap ka na sa buhay, kaya hayaan mo akong tulungan ka, Pero bago ‘yon, kwentuhan mo muna ako,” ‘ika pa nito habang kumakain.
Mangiyakngiyak na kinuwento ni Sasa ang kaniyang hirap na kaniyang nararanasan. Masinsin na nakikinig ang babae sa kaniya habang kumakain pa rin. Katulad nga ng sinabi ng babae, tinulungan siya nitong makaahon. Isa pala itong direktor sa isang nag-uumpisang kumpanya. Kinuha siya nitong artista. Noong una’y tumanggi siya dahil hindi nga naman siya marunong umarte ngunit nang sabihin nitong, “Tingin ko, ito na lamang ang tanging paraan mo para makabangon. Gamitin mo lahat ng hirap na naranasan mo upang maging isang mahusay na aktres. Dito mo ilabas lahat ng hinanakit mo sa mundo,” saka siya nagdesisyong ituloy na ito.
Wala pang isang linggo nang iere ang kanilang likhang pelikulang pinamagatang, “Malalamig Na Gabi Sa Kalsada” agad na itong sumikat dahil sa tagos sa pusong kwento at pag-arte ng ginang.
Ginamit kasi ng direktor ang kaniyang sariling kwento dito na talaga nga namang pumatok sa masa.
Doon na nagsimulang makabagon ang ginang. Unti-unti siyang nakaipon hanggang sa nakabili ng sariling bahay. Ganon na lamang ang kaniyang pasasalamat sa direktor na nagpatira sa kanilang noong nag-uumpisa pa lamang siya.
Laking gulat niya naman noong minsan siyang dalawin ng kaniyang kapatid. Nanghihingi ito ng kapatawaran sa lahat ng masasamang inasal. Dahil nga labis ang kabaitang mayroon siya at pagmamahal sa kapatid, ganoon niya ito pinatawad.
Muli naman siyang binabalikan ng kaniyang asawa ngunit ‘ika niya, “Hindi ko kailangan ng lalaking para lamang sa saya, ang kailangan kong lalaki, yung makakasama ko sa hirap at ginhawa.”
Maayos niyang napalaki ang kaniyang mga anak kahit pa patuloy siyang nagtatrabaho bilang artista ng direktor na iyon. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya dahil sa bukod sa may bahay na siya at patuloy na nakakaipon, naayos na muli ang relasyon nilang magkapatid.
Minsan talaga itinadha tayong maghirap para maghanda sa pagdating ng tagumpay. Matuto tayong maghintay, darating rin ang ginhawa.