Inday TrendingInday Trending
Natatanging Biyaya para sa Natatanging Puso

Natatanging Biyaya para sa Natatanging Puso

“Dre, uwi na ako, hindi raw ako pasado, eh. Mukhang negatibo ako sa trabahong ito,” malungkot na ‘ika ni Bong sa kaniyang kaibigan habang niluluwagan ang kaniyang neck tie.

“Sayang naman, ang ganda pa naman ng pasweldo rito. O, sige, mag-ingat ka, ha? May huling interbyu pa kami, eh. Baka matagalan pa. Sayang talaga, hindi ka nakapasok,” tugon ni Ron, bakas sa mukha nito ang panghihinayang para sa kaibigan.

“Oo nga, eh, hindi ko rin alam kung bakit,” buntong hininga niya, “Sige, galingan niyo. Maghahanap na lang ulit ako ng ibang pwedeng pasukang trabaho,” dagdag niya saka tuluyang lumisan na gusaling ‘yon.

Panganay sa tatlong magkakapatid si Bong. Isang buwan lamang matapos siyang makapagtapos sa kolehiyo at bilang panganay, sa kaniya na kaagad naka-angkla ang kaniyang buong pamilya.

Ito ang naging dahilan upang ganoon siya magpursiging makapasok sa trabahong inaapply-an niya ngayon. Kinompleto niya ang lahat ng hinihinging papeles, nangutang siya pampamasahe para makaluwas ng Maynila at sa katunayan, naisangla niya pa ang kaniyang selpon para lamang may makain siya sa kaniyang pag-aapply.

Ngunit sa kasaamang palad, hindi pa rin siya natanggap habang ang mga kaibigan niyang niyakag niya lang, nandoon at nakapila para sa huling interbyu, sigurado nang makakapasok sa trabaho.

Kaya naman ganoon na lamang ang pagka-dismaya ng binata sa kaniyang sarili. Halos makailang buntong hininga siya maibsan lamang ang bigat na kaniyang nararamdaman.

Dahil nga kapos na ang kaniyang pera, minabuti niyang maglakad na lamang papunta sa terminal ng bus kahit pa umuulan. Buti na lamang at may dala siyang payong dahilan upang hindi siya ganoon mabasa. ‘Ika niya, “Mukhang naikikiayon pa ang panahon sa kalungkutan ko, ha?”

Kung anu-ano ang pumapasok sa isip ng binata, baka hindi na siya tuluyang makakuha ng trabaho, baka madismaya ang kaniyang mga magulang at marami pang iba. Natigil lamang sa pag-iisip ang binata nang may makita siyang isang matandang walang pang-itaas na nakaupo sa kalsada at nanginginig sa lamig.

Agad niya itong nilapitan at pinayungan. Kinausap niya ito ngunit kung ano-ano ang mga sinasabi nito ngunit alam niyang labis na itong nilalamig. Kaya naman agad niyang hinubad ang kaniyang polo saka ito isinaklob sa matanda. Pinatayo niya ito saka dinala sa pwede nilang masilungan.

Hindi pa rin natigil sa panginginig ang matanda at wala na siyang pwedeng ibigay rito upang maibsan ang lamig na nararamdaman nito. Nabigay niya na rin ang kaniyang panloob na t-shirt dito ngunit patuloy pa rin ang matinding panginginig nito. Kaya naman, naisipan niyang yakapin na lamang ang matanda, sakto namang wala na siyang damit pang-itaas dahilan upang ganoon niya mabigyan ng init ang matanda.

Tila nagtagumpay naman ang binata dito, natigil ang panginginig ng matanda at tila nakaidlip ito. “Naku naman, ano kaya ang gagawin ko dito kay lolo, kapag minamalas ka naman talaga, o,” sambit niya nang minsang tumigil ang ulan at nagsimula na siyang pagtinginan ng mga tao.

Ngunit maya-maya, biglang may isang magarang kotse ang tumigil sa kanilang harapan. Agad na may lumabas na lalaki dito at lumapit sa kanila, “Daddy! Salamat sa Diyos!” mangiyakngiyak na sigaw nito.

Agad nitong niyakap ang matandang nakayakap sa kaniya dahilan upang bitawan niya ito. Kitang-kita niya ang pag-aalala sa mukha ng lalaking kaharap niya ngayon dahilan upang himas-himasin niya ang likod nito.

“Ayos lang po siya, huwag na po kayo mag-alala,” sambit niya.

At doon na nga labis na nagpasalamat sa kaniya ang lalaki. Pinasakay siya nito sa sasakyan at binilhan siya ng damit pang-itaas.

Nagkakwentuhan na rin sila dahilan upang tanungin siya nito kung paano niya nakita ang ama nito at doon na niya kinuwento ang kaniyang pagkabigo sa inaapply-ang trabaho.

Napangisi naman ang lalaki saka ikinuwento sa kaniyang siya ang may-ari ng kumpanyang pinag-applyan niya.

Kinuwento pa nitong nakatakas pala sa isang ospital ang kaniyang ama na dating may-ari ng kumpanya. Hindi na pala ayos ang pag-iisip nito.

“Siguro kung nasa tamang pag-iisip ang daddy, bibigyan ka niya ng mataas na posisyon sa kumpanya dahil sa ginawa mo sa kaniya,” nakangiting ‘ika nito habang nagmamaneho, napagdesisyunan nitong ihatid na sa bahay ang binata.

“Talaga po? Sobrang bait niya naman po kung ganoon,” tugon ni Bong saka tinignan ang matandang nakabaluktot sa kaniyang tabi at mahimbing na natutulog.

“Oo, sobrang bait niyan ni daddy kaya bilang kabayaran sa kabaitang natanggap niya mula sa’yo, pumasok ka na bukas sa kumpanya ko, bilang kanang kamay ko. Bukas na bukas rin, sumama ka sa akin sa isang hapunan kasama ang buong pamilya namin, siguradong lubos silang magpapasalamat sa kabutihan mo,” tila hindi makapaniwala ang binata sa mga salitang narinig. Halos maiyak siya sa kinauupuan dahil dito. Lubos siyang nagpasalamat sa lalaki, lalo na sa matandang nasa tabi niyang naging daan sa kaniyang magiging tagumpay.

Pumasok nga kinabukasan ang binata. Gulat na gulat ang kaniyang mga kaibigan na tila nakapila pa rin para sa huling interbyu. Nginitian niya lamang ang mga ito dahil mahuhuli na siya sa oras ng kaniyang trabaho. Kinagabihan, sinama nga siya ng lalaki sa isang hapunan. Ganoon na lamang siya pinasalamatan ng buong pamilya nito at binigyan pa siya ng isang matutuluyan sa Maynila malapit lamang sa kanilang kumpanya upang huwag na siyang mahirapan sa pagpasok.

Labis na lamang ang pasasalamat niya sa mga ito. Dito na siya nakapagsimulang mag-ipon. Nakapagbigay na siya sa kaniyang mga magulang ng puhunan pang negosyo at ilang taon ang lumipas, nagawa na niyang mapagtapos ang kaniyang mga kapatid dahilan upang ganoon na lamang makaramdam ng saya ang binata.

Kapag talaga hindi mo nakamit ang kagustuhan mo, siguradong may mas magandang oportunidad ang naghihintay sa’yo. Huwag lang mawalan ng pag-asa dahil mas maganda ang plano ng Diyos kaysa sa plano mo.

Advertisement