“Hoy, Deric! Uuwi ka na agad? Punta muna tayo sa amin! Ipagdiwang natin ang pag-angat ng kumpanya natin ngayon! Ako na bahala sa inumin at mga babae!” yakag ni Robert matapos niyang harangin ang kotse ng kaibigang paalis na sana. Tila minomostra niya pa sa isip ang mga alak na kaniyang bibilhin.
“Naku, p’re, alam mo namang nagbago na ako, eh,” sagot ni Deric matapos ibaba ang bintana ng sasakyan. Napangisi naman ang kaniyang mga kaibigan.
“Sino ba kasi ‘yang babaeng nakapagpabago sa’yo? Pakilala mo naman sa amin,” ‘ika pa ng isa niyang kaibigang si Emman.
“O, sige, sakto lalabas kami ngayon. Sama kayo sa amin!” yakag niya nang puno ng galak.
“Sigurado ka? Ayos lang sa’yo?” paninigurado ng kaniyang mga katrabaho, naisip ng mga ito ng baka makaabala sila sa pagkikita ng dalawa.
“Oo, dali, sakay na! Baka maunahan niya ako doon sa restwaran, malalagot ako doon!” nagmamadaling sabi niya dahilan upang mataranta ang dalawa niyang kaibigan at mag-unahan sa pagsakay sa sasakyan. Napatawa naman siya saka hinarurot ang kaniyang sasakyan dahil sa pagmamadali.
Nasa hayskul pa lang ang magkakatrabahong ito nang mabuo ang kanilang pagkakaibigan. Sa katunayan, kilala nga ang tatlo bilang “Naggugwapuhang Playboy” na nadala nila hanggang sila ay magkaroon ng trabaho. Habulin kasi ito ng mga naggagandahang babae na ilang araw lang matapos nilang magalaw, iiwan na nila. Minsan pa nga, mag-iimbita sila ng mga babae sa inuman para lamang may makalandian sila. Tumagal ang ganoong pag-uugali ng tatlo dahilan upang hanggang ngayon, wala silang matinong relasyon pagdating sa pag-ibig.
Ngunit itong si Deric, biglang nagbago kailan lang. Lagi nang nakatanggi sa kanilang mga inuman, pilit lumalayo sa mga tukso’t bisyo. Kaya ganoon na lamang ang pagtataka ng kaniyang mga kaibigan. Ito kasi ang pasimuno noon sa kanilang mga kalokohan, ngunit ngayon, siya ang unang bumitaw at nagbago.
Upang matigil na ang pagtataka ng kaniyang mga kaibigan, minabuti niyang isama ang mga ito sa kanilang paglabas ng babaeng tinutukoy niya. ‘Ika niya sa sarili habang patingin-tingin sa itaas na salamin sa kaniyang sasakyan, “Baka ito na ang panahon para magbago na rin ang mga kaibigan ko. Ako ang nagdala sa kanila sa kalokohan, ako rin ang dapat magdala sa kanila sa pagbabago.”
Maya-maya pa, nakarating na nga sila sa nasabing kainan. Iniwan niya muna ang mga kaibigan sa isang lamesa upang bumili ng bulaklak sa tapat ng restawran.
Manghang-mangha ang kaniyang mga kaibigang dahil ngayon lamang nilang nakitang ganito umasta ang kanilang pinuno sa kalokohan. Maya-maya pa, dumating na nga ang tinutukoy na babae ni Deric. Agad niyang hinila ang isang upuan saka ito pinaupo at binigyan ng bulaklak. Kitang-kita naman ang sayang nararamdaman ng babae sa kaniyang mga ngiti.
Tila hindi naman makapaniwala ang dalawa niyang kaibigan sa mga nakita at lalo na sa babaeng nasa kanilang harapan.
“Diyos ko ka, Deric! Akala ko naman may nobya ka na! Eh, si Lola Martha ‘to, eh!” ‘ika ni Robert sabay mano sa matanda.
“Oo nga, wala naman akong sinabing may nobya na ako, eh! Ang sabi ko lang, may nakapagpabago sa aking babae,” tugon niya sabay yakap sa kaniyang lola.
Si Lola Martha ang tumayong ina ni Deric dati, ngunit kinailangan nitong umalis ng bansa upang magpagamot noong bago siya magtapos ng hayskul. Simula noon, namuhay nang mag-isa ang binata dahilan upang magkanda-balu-baluktot ang kaniyang landas.
Sa kabutihang palad, matapos ang ilang taon, tuluyan nang gumaling ang matanda at umuwi na ng Pilipinas. Doon nito nalaman lahat ng kalokohang ginagawa ng apo dahilan upang labis niya itong pangaralan. ‘Ika nito, “Hindi laruan ang mga babae, kung paglalaruan mo sila, paniguradong magiging laro rin ang buhay mo,” at doon nagising ang binata sa reyalidad ng kaniyang kalokohan.
Habang kumakain sila, ikinuwento ito ni Deric sa kaniyang mga kaibigan. Palagi namang sumisingit ang matanda na kahit saan daw tignan ang kanilang ginagawa, mali talaga ito. Bukod daw sa nakakasakit sila ng iba, naaabuso pa nila ang mga sarili.
“Bago niyo paglaruan ang mga babae, isipin niyo muna, paano kung nanay o kapatid na babae niyo ang nakaranas na paglaruan? Matutuwa ka ba? Hindi ba’t masakit? Eh, paano na lang yung mga naramdaman ng mga babaeng pinarausan niyo lang tapos iniwan?” sambit ng matanda dahilan upang mapayuko sila, “Hindi pa naman huli ang lahat, may pagkakataon pa kayong magbago,” sambit nito saka pinakain ang mga kalalakihan.
Labis labis na lamang ang ngiti ng binata nang matapos magsalita ang kaniyang lola, kitang-kita niya kasi kung paano naapektuhan ang kaniyang mga kaibigan. Kapag kasi siya ang nagsasabi sa mga ito, pasok sa tenga, labas sa kabila.
Matapos ang araw na ‘yon, malaki ang pinagbago ng dalawa. Pagtapos ng kanilang trabaho, diretso uwi na agad sila, walang inuman, walang bisyo at lalong walang babaeng target paglaruan.
Ilang taon ang nakalipas, lubusan nang nagtino ang dalawa kasama pa si Deric dahilan upang ganoon na sila makahanap ng tunay na pagmamahal. Sa katunayan nga, sunod-sunod ang kanilang kasal na labis na ikinatuwa ng matanda. Ito pa ang namili ng mga damit na susuoting ng mga mapapangasawa ng tatlo.
Kapag baluktot ang daan hindi mo kailangang mag-alala, kailangan mo lamang gawin ang lahat upang maituwid ito.