Inday TrendingInday Trending
Saan Ka Dadalhin ng Paninindigan Mo?

Saan Ka Dadalhin ng Paninindigan Mo?

“Basta, ang mapapayo ko sa’yo para tumagal ka sa trabahong ito ay huwag ka masyadong makialam sa mga transaksyon ng kumpanya. Kung anong inutos sa’yo, ‘yun lang ang gawin mo. ‘Wag masyadong matanong at maghalukay, ayaw ng mga big boss natin ‘yan,” paliwanag sa kaniya ni Carl, bisor sa bagong trabaho ni Jomarie.

“Opo, sir. Salamat po talaga,” sagot naman ni Jomarie sa lalaki. Ngayon ang unang araw sa trabaho ng binata, nakapasok ito bilang warehouse man sa isang sikat na kumpanya sa kanilang lugar. Hindi man ito konektado sa kaniyang natapos ay pinatulan na rin niya, kailangan kasi nito ng pera lalo na ngayon na naggagamot ang kaniyang mahal na nanay.

“Jomarie, ito bilang mo boxes. Tapos kapag may tatak na araw ay ‘wag mo na sama sa taas. Diretso mo ito sa opis, ako na bahala,” utos sa kanya ng lalaking intsik, isa sa mga amo ng lalaki.

Mabilis na tumango at masiglang kumilos si Jomarie kaya naman wala pang tatlong buwan ay regular na kaagad siya sa trabaho. Malinis at maayos kasi ang mga gawa nito, nag-aangkat ng mga alak, pagkain at iba’t-iba pang produkto ang kompanya nila na siyang nagiging supplier ng maliit na grocery store sa kanilang lugar at sa iba pang parte ng bansa.

Ngunit aminado siyang nagkakaroon siya ng malaking tanong sa mga kahong may araw na tatak. Bukod sa hindi niya nabubuksan ay malakas ang pakiramdam niyang may mali roon.

“Anak, kung sa tingin mong may mali at makakaapekto ng buhay ng ibang tao. Kumilos ka, mas gusto ko ang anak na walang trabaho kaysa ang nagbubulag-bulagan sa pera,” pahayag ni Aling Maria, ang nanay ng binata.

“Natatakot kasi ako, ‘ma. Baka kasi mamaya kapag ginalaw ko ‘yun ay masisante ako. Hindi ko kayang mawalan ng trabaho ngayon, lalo na sa kalagayan niyo,” paliwanag naman ng lalaki.

“Anak, hindi tayo pababayaan ng Diyos, Pera lang ang problema mo, kayang-kayang ibigay sa atin ‘yan ng Panginoon,” sagot naman muli ng ale. Hindi na nakipagtalo pa si Jomarie at mas pinili na lamang niyang yakapin ang ina. High blood at may sakit sa puso ang kaniyang nanay, nag-iisang anak lamang siya nito at matagal na ring sumakabilang buhay ang kaniyang ama nang dahil sa parehong sakit.

“Jomarie, magtrabaho ka lang, ‘wag ka nang umisyoso pa! Kailangan mo ng trabaho,” paulit-ulit niyang binubulong sa kaniyang sarili.

Kaya lamang ay masyadong mapaglaro ang tadhana, dahil nabutas ang isang kahon na may tatak na araw at nakita niya ang laman nito.

“I’m sorry, sir,” nanginginig niyang wika sa isang may-ari.

“You keep your mouth shut and you will keep this job,” matapang na sagot ng amo sa kaniya.

Mabilis siyang nilapitan ng kaniyang bisor na si Carl.

“Jomarie, itikom mo lang ‘yang bibig mo at hindi ka mawawalan ng trabaho. Kung hindi mo naman kaya, umalis ka na lang ng walang imik para hindi ka na mapahamak pa,” mabilis na wika ng lalaki.

“Opo, sir,” mahinang sagot naman ni Jomarie rito. Mabilis niyang kinalimutan ang kaniyang nakita at kinukumbinse ang sarili na mas kailangan niya ng trabaho. Tumagal pa siya ng halos dalawang buwan at mas nakikita niya ngayon ang totoong negosyo ng kanilang kumpanya. Tahimik pa rin siya at nakayukong nagtratrabaho sa harap ng mga banyagang amo.

Hanggang sa hindi na siya nakakatulog sa kaniyang nakikita sa kanilang trabaho at napagpasyahan niyang ipagbigay alam na ito sa kinauukulan. Ngunit mas pinili niyang magpunta muna sa simbahan.

“Father, hindi ko na po alam kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ko po kayang mawalan ng trabaho ngayon dahil may sakit ang nanay ko pero hindi ko na rin ho masikmura ang ginagawa ko sa trabaho,” umiiyak na kumpisal ni Jomarie.

“Anak, gawin mo kung ano ang tama at ang Diyos na ang bahala sa iba. Manalig ka sa kaniya, hindi ka niya pababayaan. Huwag kang magpapabulag sa kasalanan ng mundong ito, sa tawag ng pera kapalit ng katotohanan o kaayusan ng mundo. Dahil sa huli, hindi ka naman sa tao haharap kung ‘di sa ating Diyos Ama na makapangyarihan sa lahat. Siya ang huhusga sa atin, hindi ang tao o ang pera. Huwag kang mag-alala sa nanay mo at sa pangangailangan niyo dahil ibibigay iyon ng Panginoon sa oras na gumawa ka ng tama,” paliwanag ng pare sa kaniya.

Hindi na siya nakasagot pa at umiyak na lamang sa simbahan ng halos dalawang oras. Pagkatapos noon ay nagpasya siyang hindi na pumasok sa trabaho at dumiretso sa pulisya.

“Panginoon, ikaw na ang bahala sa amin ng nanay ko,” dasal ng binata at saka niya isiniwalat ang lahat.

Mabilis na naaresto ang dating kumpanya na pinagtratrabahuhan ni Jomarie. Doon lumabas ang katotohanan na hindi inumin o anumang pagkain ang negosyo nito kung ‘di mga pinagbabawal na gamot. Mayroong direktang pagbebenta, nandoon din ang pagawaan nito. Nakita na rin ni Jomarie na hinahalo ito sa ibang produkto na maaring makasama sa kalusugan ng ibang tao. Kaya naman mabigat man ang pinili niyang desisyon ay hindi siya nagsisisi dahil alam niyang nasa tama ang kaniyang ginawa.

Nawalan siya ng trabaho ngunit nabigyan naman siya ng pabuya ng gobyerno. Bukod sa mas maayos ang buhay nila ng kaniyang ina ay natupad din ang kanyang pangarap. Ngayon ay nagtratrabaho na sa isa sa mga sangay ng gobyerno ang lalaki. Mabuti na lamang at ginawa niya ang sa tingin niya ay nararapat at tama.

Advertisement