Inday TrendingInday Trending
Positibo Lang Lagi

Positibo Lang Lagi

Ang magkapatid na sina Donabelle at Jonabelle ay mga estudyante na kapwa mas gustong magtrabaho kaysa ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Para sa kanila ay mas mahalaga ang kumita na ng pera para makatulong sa pamilya.

Silang dalawa ay kapwa gusto na makapagtrabaho agad kaya nag-aral sila ng dressmaking at culinary sa isang vocational school. Pareho silang lumaki sa hirap kaya ganoon na lang ang pagnanais nilang makapagtrabaho na. Nang makatapos sa kinuhang short course ay agad na nagtayo ng negosyo ang dalawa gamit ang tulong ng mga magulang na mga negosyante. Mayroong pinamamahalaang restaurant ang kanilang mga magulang na malakas naman ang kita kaya pinahiram sila ng mga ito ng puhunan para sa kanilang panimula sa itatayo nilang negosyo.

“Sa tingin mo Ate Donabelle… magiging swak ang napili nating negosyo?” tanong ni Jonabelle.

“Oo naman! Maraming tao rito sa barangay natin kaya marami rin tayong magiging kostumer.”

Gamit ang pinahiram sa kanilang pera ng mga magulang ay nakapagpatayo ng dress shop si Donabelle at sariling restaurant naman para kay Jonabelle. Noon pa man kasi ay mahilig na sa pananahi at paggawa ng damit ang panganay na si Donabelle at mahilig naman sa pagluluto ang bunsong si Jonabelle. Kung mga lutuing Intsik ang inihahain sa restaurant ng kanilang mga magulang, pagkaing Pinoy naman ang ihahain niya sa kanyang sariling kainan.

Nang maitayo ang mga negosyo ng dalawa ay dumami ang mga suki nito at malaki rin ang pasok ng pera sa kanila. Magkatabi lang ang dress shop at ang restaurant ng magkapatid.

“Kita mo Jonabelle… sabi ko sa iyo suwerte itong puwesto natin, e! Saka hindi tayo magkalaban sa mga kostumer dahil magkaiba naman tayo ng serbisyo,” wika ng kapatid.

“Tama ka. Hindi tayo nagkamali ng desisyon. Nasa diskarte lang talaga,” sagot ni Jonabelle.

Kaya lamang ay mahaba ang oras ng trabaho nila. Nakaramdam sila ng pagod dahil halos wala na silang pahinga sapagkat kahit Sabado at Linggo ay nagtatrabaho sila. Mas lalong dumami ang nagpapatahi ng damit sa patahian ni Donabelle. Dahil sa maliit pa lang ang kanyang negosyo ay siya lang mag-isa ang nagtatahi, hindi pa kasi niya kayang kumuha ng tao para sa kanyang dress shop. Marami ring kumakain sa restaurant ni Jonabelle. Gaya ng kapatid, dahil nagsisimula pa lamang ang negosyo niya ay siya lamang ang gumagawa rito.

Ang mga hirap na iyon ay balewala kay Donabelle pero malaki ang epekto sa kapatid na si Jonabelle. Madali itong maapektuhan ng mga problema ng kanyang mga kustomer. Hindi kasi mapigilan ang paghinga ng mga ito ng kanya-kanyang problema sa buhay habang nag-iintay ng order sa restaurant.

“Alam mo ba, si Mang Orly na may-ari ng panderya sa kanto na magsisitenta anyos na ay nagmumurang kamatis pa at nakikipagkita sa beinte uno anyos na babae?!” tsismis ni Jonabelle.

“E, biyudo naman yata siya at mapera kaya lapitin ng mga babae,” natatawang sabi ni kapatid.

“Ang kaso ay buhay pa ang asawa ng matanda na naka-confine sa ospital at may sakit. Hindi ba imoral ang ginagawa ni Mang Orly?”

“Si Ricky iyong pinakaguwapong binata dito sa atin, kilala mo?”

“Oo kilala ko. Iyong panganay na anak ni Aling Cunching na tindera sa palengke. ‘Di ba crush mo iyon dati?”

“Hay naku dati iyon pero nang malaman kong nakabuntis ng babaeng mababa ang lipad at nahawa pa ng sakit na nakukuha sa pakikipagniig ay gumuho na ang pagpapantasya ko sa kanya. Sabi ng kasambahay nilang si Aling Vivian na halos palayasin na raw ng mga magulang ang mokong dahil pumatol na nga sa pokp*k ay nagpahawa pa ng sakit. Nakakahiya ‘di ba?” inis na sabi ni Jonabelle.

“Meron pa, si Rose na anak ni Aling Tasya , iyong kaka-debut pa lang ay kumekerengkeng na. Maagang nagpabuntis sa nobyo kaya maagang ikinasal. Ang nakakaloka ay kakakasal pa lang ay gusto na makipaghiwalay sa napangasawa. Nananakit at nambubugbog daw ang mister niya. Sabi ko sa kanya na magsumbong sa barangay. Ayaw naman gawin dahil nagtatalo pa raw ang isip at puso niya kung iniibig pa niya ang mister o hindi na. Aba, e baka mapat*y pa siya ng lalaking iyon sa bugbog kapag hindi pa siya nagdesisyon,” hirit pa ni Jonabelle.

Agad na pinayuhan ni Donabelle ang kapatid.

“Alam mo, Jonabelle, ikaw ang may problema. Pinapasan mo ang problema ng ibang tao. Nagpapaka-stress ka sa problema na hindi naman sa iyo. Dapat ay pasok sa isang tainga at labas sa kabila ang ano mang maririnig mo na hindi mainam.”

“Tama ka naman, ate. Pero ewan ko ba. Hindi ko maialis sa isip ko ang naririnig mula sa mga kustomer ko. Kung bakit ikinukuwento nila sa akin ang kanilang mga problema at ako naman itong si gaga ay sobrang apektado. Tuloy pati ako ay nadadamay,” wika ni Jonabelle na parang nahimasmasan sa sinabi ng nakatatandang kapatid.

“Tama. Kaya sa susunod ay huwag ka nang mai-stress sa mga kustomer mo. Tingnan mo ako kahit pagod sa maghapong trabaho sa dress shop ay maganda pa rin!” nakangiting tugon ni Donabelle.

Mula nang pagsabihan ni Donabelle ang bunsong kapatid, kahit pagod ay nanatiling positibo ang tingin nito sa buhay. Gaya niya, kapag umuuwi ito sa kanilang bahay galing sa trabaho ay baon-baon pa rin ang maaliwalas na mukha at malawak na ngiti sa mga labi.

Advertisement