Inday TrendingInday Trending
Si Mang Ador at ang Overpass

Si Mang Ador at ang Overpass

Tuwing umaga ay nakasanayan na ni Jenny ang dumaan sa kahabaan ng overpass sa Bicutan na malapit lang sa isang mall. Wala kasi siyang ibang pwedeng daanan kundi doon lang. Kaya nagtitiis siyang akyatin iyon at lakarin.

“Palimos neng, pambiling pagkain,” nanghihinang wika ng matandang lalaki sa kaniya.

Malinis naman ang pananamit nito pero halatang hirap nang maglakad dala ng katandaan. Dahil nagmamadali na talaga siya at kailangan pa niyang abutan ang second trip ng tren ay nilampasan na lang niya ito.

Kinagabihan ay muli siyang dumaan sa overpass at muli niyang nakita ang matandang kanina ay nanghihingi sa kaniya ng pagkain. Napahinto siya sa tapat nito sabay tingin sa dalang pagkain. Siya lang ang mag-isang naninirihan sa kaniyang inuupahang kwarto kaya nagdadala na siya ng pagkain upang hindi na niya kailangang lumabas pa.

“Tatay,” gising niya sa natutulog na matandang lalaki. Nagising naman ito at tumingin sa kaniyang may manipis na ngiti sa labi. “Kumain ka na ba?” tanong niya.

“H-hindi pa po,” alanganing wika ng matanda.

Agad niyang inabot ang pagkain para sana sa kaniya. “Kainin niyo na po ito. Pasensiya ka na kung hindi kita pinansin kanina. Nagmamadali na kasi talaga ako at mahuhuli na po sa trabaho,” nakangiting wika ni Jenny. Hindi naman mahilig si Jenny na pumansin sa mga ganitong nanlilimos pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit para itong may magnet na hinihila siya. Naaawa siya sa matandang lalaki.

“Salamat neng,” wika nito at agad na binuksan ang binigay niya.

Kinabukasan ay muling dumaan si Jenny sa overpass. Nakita niya ulit ang matanda. Ngayon ay handa na siya, dahil nagdala siya ng pagkain upang ibigay rito. Pag-abot niya ng pagkain ay agad na nagpasalamat ang matanda at nagpatuloy ulit siya sa paglalakad. Isang umaga kahit wala siyang trabaho ay pumunta siya sa overpass upang bigyan ng pagkain ang matandang lalaki.

“Maraming-maraming salamat sa’yo neng,” masayang wika nito.

“Ano nga po pala ang pangalan niyo?” tanong ni Jenny sa matanda.

“Ako si Ador, otsyenta’y tres anyos na ako,” nakangiting pakilala nito.

“Dito na po ba kayo nakatira sa overpass na ito? Paano kapag umuulan? Saan ka nagpapasilong?” tanong ni Jenny kay Mang Ador.

Matamis na ngumiti si Mang Ador. “Sa totoo lang dito ako hinatid ng mga paa ko mula nung umalis ako sa Home for the Aged na pinaghatiran ng anak ko sa’kin. Kaya siguro nga dito na ako ngayon nakatira. Kapag umuulan naman ay nakikisilong ako d’yan sa mall,” paliwanag nito.

“Bakit kayo hinatid ng mga anak niyo sa Home for the Aged, tatay?” muling tanong ni Jenny.

“Siguro ayaw ng mga anak kong mag-alaga ng isang alagaing matanda,” malungkot na ngumiti si Mang Ador, habang para namang sinasaksak ang puso ni Jenny dahil sa sinabi nito. “Nung sumakabilang buhay ang asawa ko apatnapu’t limang taon na ang nakakalipas ay hindi ko na naisip na mag-asawa pang muli. Mas inuna kong isipin ang mga anak ko, ayokong mapabayaan sila kapag nag-asawa ako ulit.

Napatapos ko ang tatlo kong mga anak ng koleheyo at nagtupad ang pangarap ko para sa kanila. Ganun talaga ang mga anak, kapag kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa ay nakakalimutan na ang mga magulang nila. Minsan na lamang nila akong inuuwian dahil lagi silang abala sa trabaho. Hanggang sa dumating ang panahon na nagkasakit ako ng malala, hindi nila ako kayang alagaan kaya hinatid na lamang nila ako sa Home for the Aged. Okay naman ako doon kasi may nag-aalaga sa’kin at kumpleto sa pagkain, kaso iba pa rin kapag nakikita mo ang mga anak mo.

Iba pa rin ang sayang hatid sa puso. Isang taon akong nanirahan doon pero kahit isang beses hindi nila ako naalalang dalawin, kaya nakapagdesisyon akong umuwi na lang sa bahay namin. Kaso nalaman kong binenta na pala nila ang bahay kaya wala na akong na uwian. Kaya heto ngayon nandito ako na ang tanging bitbit na kayamanan ay ang bag na ito,” malungkot na ngumiti si Mang Ador sabay tapik ng bag nitong ginagawang unan.

Hindi namalayan ni Jenny na umiiyak na siya dahil sa kwento ni Mang Ador. Ibinigay ang buong buhay sa mga anak at binigyan ng magandang buhay ang mga ito. Pagkatapos ng lahat ay inabandona lang din ng mga ito ang matanda.

“Nasaan na kaya sila ngayon, tatay?” tanong ni Jenny na tanging kibit-balikat lamang ang isinagot nito. “Hayaan niyo po bukas bibili ako ng payong para kapag bumagsak bigla ang ulan ay may magsisilong sa inyo,” naiiyak na wika ni Jenny. Gusto man niyang ampunin ang matanda ay hindi niya magawa. Nangungupahan lang din siya at nakikipagsapalaran dito sa Manila upang may maibigay sa pamilya.

Tuwing umaga ay lagi niyang dinadaanan si Mang Ador upang bigyan ng pagkain at ganun din sa gabi. Nakasanayan na niyang isali ito sa kaniyang budget kada buwan.

“Mang Ador, alam mo may good news ako sa inyo. May nakakita ng picture mo na pinost ko sa Facebook at nakilala ka ng anak mong si Henry, ang sabi niya ay kukunin ka raw niya! Kaso hindi pa agad-agad kasi nandoon na pala silang lahat ngayon sa Taiwan nanirahan. Ang sabi niya’y matagal ka daw nilang hinanap dahil bigla kang nawala sa ampunan na iniwan nila. Kaya nagpapasalamat sila sa’kin,” masayang wika ni Jenny. Tuwing gabi ay sabay silang kumakain ni Mang Ador sa suki nilang karenderya bago siya umuwi sa kaniyang boarding house.

“Masaya ako at nakilala kita Jenny, kung hindi dahil sa’yo baka pumanaw na ako sa gutom at kung hindi din dahil sa’yo’y hindi malalaman ng mga anak ko ang sitwasyon ko ngayon. Biyaya ka talagang hinatid ng langit patungo sa’kin. Hindi naman kita kaano-ano pero hindi ka nag-atubiling tulungan ako. Hangad ko na maging matagumpay ka sa buhay at biyayaan pa ng higit sa naitulong mo sa’kin. Hindi ko na kayang suklian ang kabaitan mo kasi mukhang malapit ng lumubog ang araw ko. Pero sa buhay kong ito’y nagpapasalamat ako dahil may nakilala akong katulad mo,” seryosong wika ni Mang Ador na biglang nagpakaba kay Jenny.

“Makikita mo pa ang mga anak mo ‘tay kaya hindi pa lulubog ang araw mo,” nakangiting niyakap ni Jenny ang matanda.

Kinabukasan ay nagtaka si Jenny kung bakit wala si Mang Ador sa puwesto nito sa may overpass. Wala rin ang laging bitbit nitong bag. Kaya kahit nagmamadali ay naghanap siya ng matatanungan kung nasaan si Mang Ador.

“Ate nakita niyo po ba si Tatay Ador? ‘Yong matandang doon laging naka-puwesto?” tanong ni Jenny sa babaeng naglilinis sa overpass.

“Ahh. Iyong matandang may bitbit na pulang bag? Narinig ko kanina sa usapan ng vendors at ng pulis na kumuha sa kaniya ay wala na raw siya. Inatake yata habang natutulog,” wika nito na labis niyang kinabigla. “Kaano-ano ka niya miss?” tanong ng ale sa kaniya.

“Ah, kaibigan ko po kasi si tatay,” sagot niya.

“Nga pala. Ito ang gamit niya oh,” turo nito sa bag na pula. “At saka itong payong naman ang yakap-yakap niya nung nam*tay siya. Nahirapan ang pulis na kunin ‘to sa dibdib niya kaya mukhang mahalaga ito sa matanda. Ikaw na lang siguro ang kumuha tutal kilala mo naman siya,” bigay ng ale sa kaniya ng mga gamit ni Mang Ador.

Umiiyak na tinitigan ni Jenny ang payong na binigay niya kay Mang Ador. Kagabi pa lang ay kausap niya pa ito at masayang tumatawa tapos ngayon ay malalaman na lang niyang wala na ang matanda. Inabutan niya ang katawan nito sa morgue ng Bicutan Hospital. Agad naman niyang pinagbigay alam ang nangyari sa mga anak nito. Kaya agad na nakauwi ang tatlong anak ni Mang Ador sa ‘Pinas upang asikasuhin ang katawan nito. Hindi muna siya pumasok ng ilang araw upang samahan ang mga ito sa pag-asikaso.

Kung nasaan man ngayon si Mang ador ay alam niyang masaya na ito dahil nakita na rin siguro nito ang mga anak at alam niyang hindi na ito mahihirapan pa.

“Paalam Tatay Ador,” huling paalam ni Jenny sa matanda. Sa saglit na panahon niyang nakasama si Mang Ador ay naging isang mahalagang parte ito ng puso niya. Hinding-hindi niya ito makakalimutan lalong-lalo na ang huling gabing sabay silang kumain na dalawa.

Advertisement