Mula nang magkaisip si Jasmin ay hindi na niya nakagisnan ang kaniyang ama na nakilala niya sa pangalang Alejandro Santiago. Tanging litrato lang nito ang nakita niya at ang kwento ng ina kung paano silang nagmahalan bago pa man ito umalis at hindi na nagpakita pa sa kanila.
“Anak malapit na ang debut mo. Anong gusto mong gawin sa debut mo? Eighteen roses at bonggang party? Sino-sino ba sa mga kaklase mo ang na-imbitahan mo na?” nakangiting wika ng mama niyang si Dianne.
“Nasabihan ko na po sila mama,” walang ganang tugon ni Jasmin.
“Oh? Bakit ka malungkot? Hindi ka ba masaya na magiging tunay na dalaga ka na? Ako nung nag-eig–”
“Mas sasaya siguro ako mama kung pupunta si papa sa birthday ko,” singit ni Jasmin dahilan upang matigilan ang ina. “Mula noong nagkaisip ako, hindi ko pa nakikita kung ano nga ba ang itsura ni papa. Nakailang birthday na rin ako pero ni minsan hindi ko narinig na binati niya ako kahit isang simpleng happy birthday lang. Kaya ko pong ipagpalit ang bonggang kaarawan ma, mabati lang ako ni papa sa debut ko,” umiiyak na wika ni Jasmin at ganun din si Dianne.
“Hindi ko alam kung paano siya hahanapin anak,” umiiyak na wika ni Dianne.
“Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng pag-alis ni papa. Pero kahit anuman ang dahilan niya’y ama ko pa rin siya. Kaya hindi ko mapigilang hindi asamin na sana makilala ko man lang siya ng personal. Maranasan ko man lang magkaroon ng isang tunay na ama. Kahit isang minuto lang ma,” pakiusap niya sa ina.
“Susubukan ni mama, anak,” wika ni Dianne sabay yakap sa anak ng mahigpit.
Hindi mawari ni Jasmin kung isa iyong pangako, pero gusto niyang panghawakan iyon. Gusto niyang umasa kahit may posibilidad na pwede siyang mabigo. Mabilis na lumipas ang mga araw. Dumating na nga ang kaarawan ni Jasmin. Nakahanda na ang lahat, bongga ang bawat ganap. Habang ang puso niya’y patuloy na umaasa na sana’y matupad ang matagal na niyang hiling, kahit ngayon lang. Ang makilala ang tunay na ama. Hangga’t hindi natatapos ang araw na ito ay hinding-hindi niya bibitawan ang pag-asang baka makilala niya ang ama at batiin man lang siya nito.
Masaya ang lahat na nakatingin sa gitna ng bulwagan habang sinasayaw si Jasmin ng kaniyang disi-otsong rosas. Sa pang-labing-limang bulaklak ay nakaramdam na ng kaunting pagod si Jasmin at gusto na niyang umupo saglit. Ngunit alam niyang hindi iyon pwede kaya nanatili siya sa bulwagan. Tatlong rosas na lang din naman at matatapos na ang kaniyang sayaw. Last rose na at matatapos na ang kaniyang sayaw ng biglang sumulpot ang lalaking pamilyar sa kaniya. Ngumiti ang lalaki sabay abot sa kaniya ng pang-huling rosas.
“Happy birthday, anak,” nakangiting wika nito sabay hawak sa kaniya upang isayaw siya.
“Papa?” agad na namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Nananaginip lang ba siya o totoo ang nangyayari? Nakikita nga ba niya ang lalaking tanging sa litrato lamang niya nakikita.
“Patawarin mo si papa kung ilang taon ako nawala,” bigkas nito habang marahan siyang sinasayaw.
Hindi niya kayang sumagot dahil bumabara ang lalamunan niya. Basta iyak siya nang iyak. Natupad ang hiling niya. Nangyari ang matagal na niyang pinapangarap. “Salamat papa,” wika niya sa pamamagitan ng pag-iyak. Hindi na niya kaya pa ang sariling tuhod kaya tumigil sila sa pagsayaw at nanatiling magkayakap sa gitna.
“Happy birthday Jasmin, hindi ka na baby. Ang daming na-miss ni papa, hindi ko man lang nakita kung paano kang lumaki,” wika nito na nakayakap na rin sa kaniya. “Galit ka ba sa’kin?” pumipiyok na rin ang boses nito.
Agad siyang umiling. “Hindi po ako kailanman nagalit sa’yo papa. Pinaunawa po sa’kin ni mama ang naging sitwasyon niyo. Kaya lubos-lubos po akong nagpapasalamat ngayon dahil nakapunta ka. Sapat na sa’kin ang makilala ka at makita ka ng personal. Thank you po talaga papa, feeling ko ngayon ako si Cinderella, dahil pinagbigyan ni fairy godmother ang aking munting hiling. Salamat po talaga,” umiiyak niyang wika.
Ang ilang taong lumipas na wala ang kaniyang ama’y natabunan sa saglit na minuto ng gabing iyon. Hindi siya kailanman humiwalay sa tabi ng papa niya nung gabing iyon. Walang kapantay ang sayang naramdaman niya. Nang magpaalam ito ay nalungkot siya, pero nang mangako itong babalik sa susunod na araw ay muli siyang nabuhayan ng loob. Malaki na siya pero pakiramdam niya’y nagiging baby siya kapag kaharap ang papa niya. May ibang pamilya na rin ito ngayon pero hindi naging hadlang iyon para magkasundo silang ama. Mula nung nagkita sila hanggang sa lumipas ang maraming taon ay lagi na itong nasa tabi niya kapag kailangan niya ito. Kuntento siya sa atensyong binibigay ng papa niya. Katulad na lang ngayong magkasama silang kumain sa paborito nilang tambayan kapag magkasama sila.
“Alam mo ba anak, nagpapasalamat ako dahil pinalaki ka ng maayos ni Dianne. Kung tutuusin ay ang laki ng pagkukulang ko sa’yo. Ang tagal kong nawala sa buhay mo, pero ni minsan hindi mo pinaramdam sa’kin ang pagkukulang ko bilang ama. Bagkus ay niyakap mo ako agad at walang tanong-tanong na tinanggap muli sa buhay mo,” emosyonal na wika ni Alejandro.
“Pinalaki po ako ni mama na walang galit sa puso. Minsan man ay hindi niya sinabing magalit ako sa’yo, bagkus ay lagi niyang sinasabi na mahalin kita dahil nabuo ako sa pagmamahalan niyong dalawa. Ilang taon ka mang nawala pero lagi ka namang nasa puso ko papa. Kaya nung nakita kita ay wala na akong sinayang na pagkakataon. Maiksi lang ang buhay ng tao para magtampo at magalit. At tsaka bayad na ang lahat ng utang mo sa’kin kasi pumunta ka sa debut ko at binati ako. Kaya wala ka ng utang sa’kin ngayon,” magiliw na wika ni Jasmin tsaka niyakap ang ama ng mahigpit.
“Maraming-maraming salamat anak,” nakangiting wika naman ni Cardo.
Kahit gaano pa kalaki ang pagkukulang ng mga magulang sa kanilang mga anak. Wala pa ring papantay sa buong katotohanan na mas malaki ang utang na loob ng isang anak sa magulang nila. Tama si Jasmin, maiksi lang ang buhay kaya huwag itong sayangin sa pamamagitan ng galit at pagkasuklam. Matutong magpatawad para makamit ang tunay na kaligayahan sa puso.