Inday TrendingInday Trending
For Sale: Asawang Abusada

For Sale: Asawang Abusada

Madalas ay babae ang martyr pagdating sa pag-ibig. Madalang lang kasi sa isang lalaki ang magpaka-martyr. Isa sa mga natatanging martyr na iyon si Brandon.

Kahit ilang beses na siyang iniputan sa ulo ng kaniyang asawa na si Darlene ay paulit-ulit niya pa rin itong tinatanggap at mahal na mahal niya pa rin ito. Katulad na lang ngayon. Nakarating na naman sa pandinig niya na may nakakakita sa asawa niyang may ibang kasamang lalaki.

“Totoo ba ang naririnig ko, Darlene? Sabi ni Pareng Gerald, nakita ka raw niyang may lalaking kasama sa mall. Sino na naman ba ang lalaking kinalolokohan mo ngayon?” tanong ni Brandon sa asawa.

“Ano ka ba?! Mukha lang namang lalaki ‘yon pero beki iyong kasama ko. Kasama ko siya sa trabaho nagkataon lang na may bibilhin din siya sa mall kaya sumabay na siya sa’kin. Masyado kang naniniwala sa chismis! Kahit kailan wala ka talagang tiwala sa’kin,” pasinghal na tugon ni Darlene.

“Hindi mo ako masisisi Darlene, kung bakit wala na akong tiwala sa’yo. Ilang beses mo ba naman akong iniputan sa ulo,” galit na wika ni Brandon.

“Ayan ka na naman! ‘Di ba napag-usapan na natin iyan? Pinatawad mo na ako sa bagay na ‘yan kaya bakit binabalik-balik mo na naman. Nakakasawa na!” naiinis na wika ni Darlene. Siya pa ang galit!

“Bumabalik sa’kin lahat kapag may naririnig na naman akong hindi maganda tungkol sa’yo,” pilit pinapahinahon ni Brandon ang boses kahit ang totoo ay nag-iinit na talaga ang ulo niya. “Tatlong beses mo na kasi akong niloko, Darlene kaya hindi ko mapigilang hindi manumbat at magduda kapag may nagsabi sa’kin na nagloloko ka na naman,” paliwanag niya sa mahinahong boses.

“Ganun naman pala. Bakit pinatawad mo pa ako? Kung hindi mo naman pala kayang kalimutan ang mga kasalanan ko?” mangiyak-iyak na wika ni Darlene.

“Dahil mahal kita. Kaya pinapatawad kita, pero nahihirapan akong kalimutan ang lahat ng kasalanan mo. Ngunit ginagawa ko ang lahat para maging maayos ang pagsasama natin. Kaya isa lang ang pakiusap ko sa’yo, Darlene. Sana ngayon magtino ka na,” pag-amin ni Brandon. Mabilis lang magpatawad pero ang hirap lumimot. Paulit-ulit iyong bumabalik sa isipan niya na parang video na naka-record at nasasaktan siya.

Pauwi na si Brandon nang maisip na sunduin si Darlene sa trabaho nito. Tutal maaga pa naman kaya susunduin na lang niya ang asawa. Ilang minuto rin siyang naghintay sa labas nang makita niyang palabas na sa may pinto ang asawa. Sasalubungin niya na sana ito ng may malawak na ngiti sa labi ng biglang may lumapit na lalaki rito at agad na hinawakan ang kaliwang kamay sabay halik sa pisngi ng asawa.

“Ihahatid na kita mahal. Mas masarap maglakad na may kasama at kausap,” wika ng lalaki.

Rinig na rinig ni Brandon ang sinabi ng lalaking kahawak kamay ng kaniyang asawa. Hindi siya napapansin ni Darlene dahil abala ang mga mata nito sa pagtitig sa mukha ng lalaki.

“Basta hanggang sa kanto ka lang ah. Baka kasi may makakita na naman sa’tin,” nakangiting sagot ni Darlene na animo’y naghuhugis puso ang mga matang nakatitig sa lalaki.

“Hindi niyo na kailangang magtago, dahil kitang-kita na kayo ng dalawang mata ko,” wika ni Brandon upang kunin ang atensyon ng dalawang taksil. Bakas sa mukha ni Darlene ang pagkabigla at takot nang makita siya. “Akala ko ba binabae siya? Iba ba ang pagkaintindi ko sa sinabi mo? Bakit mo ginagawa mo sa’kin ‘to Darlene? Ano ba talaga ang kasalanan ko sa’yo? Bakit paulit-ulit mo na lang akong gina-g*go at sinasaktan? Ganun ba ka-martyr ang tingin mo sa’kin?” nasasaktang wika ni Brandon.

“Hindi na kasi kita mahal Brandon,” umiiyak na wika ni Darlene.

“Bakit balik ka nang balik sa’kin kung hindi mo na pala ako mahal? Sana lumayo ka na lang. Sana hindi ka na humihingi ng mga pagkakataon kung balak mo lang namang sayangin iyon!” sigaw ni Brandon. Hindi na niya kayang kontrolin ang sariling emosyon. Kung wala nga lang maraming tao ang nanunuod ay baka kanina pa niya pinagsusuntok ang mukha ng lalaki nito. “Nakakaawa naman pala ako kasi pinagsisiksikan ko ang sarili ko sa taong hindi na ako mahal. Bumabalik lang sa’kin kapag iniwan ng mga lalaking kinakabaliwan niya.

Sabagay kasal ka sa’kin e kaya kapag nagsawa ka sa mga lalaki mo, sa’kin at sa’kin ka talaga babalik. Ako naman itong si tanga ay tanggap ng tanggap sa’yo. Pero hindi na ngayon Darlene, sawa na ako at punong-puno na ako sa mga pinaggagawa mo. Sana mahanap mo na ang totoong kaligayahan sa lalaking ito,” duro niya sa lalaking ngayon ay kalmadong nakatingin sa kaniya.

Nagtitimpi lang talaga siyang huwag saktan ang lalaki. May kasalanan man ito dahil inapakan nito ang pagkalalaki niya. Sa palagay niya’y mas malaki ang kasalanan niya sa sarili. Dahil hinahayaan niya si Darlene, na durugin siya ng paulit-ulit. Kuyom ang kamay na nilisan niya ang pinagtatrabahuan ni Darlene. Kailangan niyang umalis upang hindi niya map*tay ang kabit nito.

Makalipas ang tatlong buwan mula nang mangyari ang tagpong nakita niya si Darlene at ang kabit nito ay biglang sumulpot sa trabaho niya si Darlene. “Ano ba ang pag-uusapan natin?” tanong agad ni Brandon sa dating asawa.

“Patawarin mo na ako Brandon, please tanggapin mo ako ulit. Pinagsisihan ko na ang lahat ng ginawa ko. Pakiusap,” umiiyak na wika ni Darlene habang pilit inaabot ang kamay niyang pilit naman niyang iniiwas.

Ilang beses na bang ginawa iyon ng asawa niya? Ilang beses na ba siyang niloko nito? Hindi lang isa kung ‘di apat na beses na. Kaya parang scripted na ang lahat ng pakiusap nito sa pandinig niya. Nakakasawang pakinggan at nakakaumay na.

“Alam mo Darlene, kung pwede lang kitang ipagbili para mawala na ang ugnayan nating dalawa ay ginawa ko na. May bumili lang sa’yo nang kahit limang piso ay ipagbibili kita. Naisip mo ba kung bakit limang piso lang ang sinasabi kong halaga mo? Kasi ganun lang naman kababa ang presyo mo. Wala kang kwentang asawa, abusada ka pa. Hindi ka marunong tumindig sa sarili mong pangako at wala kang isang salita. Ang mga kagaya mo ay hindi dapat pinapahalagahan.

Pero minahal kita at paulit-ulit akong nagpakatanga dahil sa pagmamahal na iyon. Pero nakakasawa rin pala. Hindi ko na nga mawari kung bakit parang walang dating ang luha at pakiusap mo e. Siguro kasi walang-wala na talaga akong tiwala sa’yo. Ito na lang ang ipapakiusap ko. Mula ngayon ay huwag ka nang magpapakita sa’kin kahit na ang anino mo. Kasi baka magbago ang isip ko at maipakulong kita. May hawak-hawak pa naman akong matibay na ebidensya sa panloloko mo.

Tama na. Tama na ang panloloko mo at tama na rin ang pagpapaloko ko sa’yo. Tapos na tayo, hanapin mo ulit ang halaga mo sa sarili mo dahil sa ngayon. Daig mo pa ang babaeng mababa ang lipad,” mahabang litanya niya sabay tayo at humugot ng pera sa pitaka upang bayaran ang pagkain nila sabay alis.

Hindi na niya hinintay pa ang sasabihin ni Darlene, tapos na siya sa lahat ng kasinungalingan nito. Sa bawat pananakit nito ay nababawasan din ang pagmamahal na nararamdaman niya sa babae. Kasama ng galit at pagkasuklam ay bigla na lang nawala sa pag-ibig niya sa asawa.

Para matahimik ang buhay ay nagdesisyon si Brandon na umuwi ng probinsya. Sa probinsya na lamang niya ipagpapatuloy ang buhay niya. Gagamutin na muna niya ang pusong sugatan sa loob ng siyam na taon bago niya pag-iisipang muli ang pagpasok sa isang relasyon.

Magpasalamat kung sobrang mahal tayo ng taong mahal natin. Dahil hindi lahat ng binibigay nating pagmamahal ay nasusuklian ng tama. Tulad na lang ni Brandon na sobra kung magmahal pero lagi namang niloloko. Matuto rin tayong pahalagahan at mahalin ang ating mga sarili nang sa gayon ay hindi tayo abusuhin ng mga taong minamahal natin.

Advertisement