Inday TrendingInday Trending
Pagitan ay Rehas

Pagitan ay Rehas

Makikitang naglalakad palabas ng bahay na nakabusangot ang mukha ng binatang si Ian. Tulad ng mga nakaraan, malamang ay nabulyawan na naman siya ng kaniyang ina na si Aling Susan dahil sa walang sawang paggagala ng anak.

“Natutulog yung tao, bubulyawan ng ganoon!” galit na sabi ng binata sa habang naglalakad.

Pagkaraan pa ay nakita niya ang mga tropa at may bago itong kasama na dayo. Nakilala niya ito sa pangalang, Lance.

“Oh, p’re bakit parang doble ang sambakol ng mukha mo ngayon?” pang-aasar ng mga kaibigan.

“Naku! Malamang pinalayas na naman ‘yan sa bahay nila!” dagdag pa ng isa habang ang lahat ay nagsitawanan.

Nainis namang lalo si Ian. Lagi na lamang kasi bulyaw ang pinapa-almusal sa kaniya ng ina dahil alas onse na at kakatulog pa lamang niya ng alas sais ng umaga. Binungangaan kasi siya ng kaniyang ina na magtrabaho na at paulit-ulit na sinasabing magbago na siya. Kaya naman upang matapos na ang pagbulyaw nito, lumalabas na lamang siya ng bahay. Ngunit sa pagkakataong ito, naisipan niyang tuluyan nang lumayas.

“Patulog nga ko sa inyo mga p’re. Ayoko na sa bahay. Ayoko na sa nanay ko,” iritableng sabi naman ni Ian.

“Ha? Ian, alam mo namang bawal sa amin eh. Magagalit din sa’kin nanay ko p’re,” sabi ng isa.

“Uy bawal samin p’re, magagalit asawa ko,” wika pa ng isa.

“Oh? Bawal samin ha! Magagalit tatay ko sa’kin, wala rin akong trabaho,” tugon naman ng isa.

Isa na lamang ang hindi pa nagsasalita, si Lance na bago lang sa grupo. Lumingon siya sa lalaki at nakitang nakangiti ito.

“Samin pwede, p’re. Basta masunurin ka lang, ilalakad kita sa boss ko,” alok niya kay Ian.

“Sige p’re. Kahit saan basta malayo sa nanay kong walang ginawa kundi magbunganga sakin!” tugon naman niya.

Noong araw din na iyon, sumama si Ian sa bagong kakilala na si Lance. Wala siyang kaalam-alam kung ano ang naghihintay na kapalaran sa kaniya.

Pagdating nila sa kanilang destinasyon, pumasok sila sa isang pasugalan. At dito ay nakilala niya ang amo at lider ng lahat. Siya ang may-ari ng pasugalan at ang bagong amo ni Ian.

Bumulong si Lance sa boss at tumango lang ito. Habang ang patpating Ian naman ay nag-aalinlangan kung tutuloy ba siya sa pagtatrabaho doon. Ngunit nang maalala ang kaniyang galit sa ina, muli niyang nilaksan ang loob. Aniya, papakita ko sa kaniyang kaya kong mabuhay kahit wala siya, kahit wala ako sa bahay!

“Bantay ka lang tapos kung may mga pulis sabihan mo kaagad ako o kahit sino sa amin kung may paparating, ganun lang at sasahod ka nang maayos dito. Libre din ang pagkain pati na pagtulog,” paliwanag ng amo.

“O-opo!” malakas niyang tugon.

Tumawa lamang ang amo at waring nagustuhan ang iniaasal ni Ian.

Dumaan ang isang buwan, ang dating patpatin na si Ian, ngayon ay siga na kung umasta, laging suot ay malalaking kamiseta na abot hanggang tuhod, malalaking maong na pang-ibaba, at tsinelas na bubuo sa kaniyang porma. Ganoon din ang mga brasong wala nang espasyo dahil puro tattoo, mga hikaw sa tainga, labi, ilong, pati na sa dila. Kahit na mga kaibigan niya ay hindi na siya makilala pa sa laki ng pinagbago niya. Tuluyan nang kinalimutan ni Ian ang mga kaibigan at kaniyang ina sa kanilang lugar.

Isang gabi habang nasa istasyon si Ian na nagbabantay, nagulantang siya nang masulyapan ang ina na pinagtatanong-tanong siya sa ‘di kalayuan. Naramdaman niya ang pangungulila niya sa ina ngunit mas nanaig ang galit sa kaniyang puso. Tumakbo siya papalayo, umalis siya sa kaniyang puwesto nang hindi sinasabi sa kaniyang amo. Maya-maya pa ay ang pagdating ng mga pulis sa lugar. Nagkagulo sa buong pasugalan, lahat ay nagtatakbuhan, lahat ay tumatakas.

Walang kaalam-alam si Ian sa mga nangyayari at maya-maya pa ay bumalik siya sa lugar ngunit hinablot siya ng isang pulis mula sa kaniyang likuran. Takot na takot siya at hindi alam ang gagawin nang dalhin siya sa istasyon ng pulis at ikinulong doon.

Hindi pa man nagtatagal, dumating na ang kaniyang ina na umiiyak. Alalang-alala sa kaniyang anak na nasa bilangguan.

Habang nakikita ang ina sa malayo, nahabag siya rito dahil kitang-kita niya kung paano ito magmakaawa sa mga pulis.

Pagkaraa’y lumapit ang ina sa kaniyang anak.

“Nak, ayos ka lang ba diyan? Ilalabas ka ni mama diyan, ‘nak. Hintay ka lang ha?” wika ng ina habang umiiyak at hinahaplos ang mukha ng anak.

Walang maisagot dito si Ian. Lahat ng galit sa kaniyang puso ay napalitan ng hiya at pagmamahal sa kaniyang ina.

“Ma, sorry. Sorry, ma. Ninais kong mapatunayan sa’yo na kaya ko. Pero hindi, ma. Nagkamali ako. Patawad po, ma. Mama…” paulit-ulit na sambit ni Ian sa inang nakayakap sa kaniya.

“Oo, ‘nak naiintiindihan ko. Patawad din, ‘nak, sa lahat ng mga bulyaw ko sa iyo. Kaya natin ‘to, nak,” wika ng ina habang haplos-haplos ang mukha ng anak.

Matapos ang pakikipag-areglo na isuplong ang may-ari ng pasugalan, tuluyan nang nakalabas si Ian mula sa kulungan. Nang dahil sa nangyaring iyon, sinimulan na niyang ayusin ang kaniyang pamumuhay. Napagtanto niya na rin kasi na kaya lang naman siya binubulyawan ng kaniyang ina ay dahil sa maling mga gawain niya.

Wala naman kasing ina ang gustong mapariwara ang anak nila.

Advertisement