“Emma, ano ‘tong narinig ko kay lola na galing ka na naman daw sa magaling mong ina?” galit na paninita agad ni Angela sa nakababatang kapatid pagkapasok sa silid ng dalaga.
“Ate, h’wag ka namang magsalita ng ganiyan kay mama. Nanay pa rin natin siya. Oo, galing ako doon kanina. Kinukumusta ka nga niya, eh,” tugon ni Emma. “Ate, kailan mo ba balak makipagkita kay mama?”
“Simula ng iwan tayo ng babaeng ‘yan ay hindi ko na siya itinuring na ina. Tingnan mo na lang ang nangyari kay papa. Paano mo naaatim na puntahan pa ‘yang babaeng ‘yan,” hindi matapos ang galit ng dalaga. “Sa susunod na malaman kong nakipagkita ka na naman d’yan sa nanay mo ay ‘wag ka nang umuwi rito sa bahay. Wala kang galang sa mga nagpalaki sa atin,” dagdag pa ni Emma sabay bagsak ng pinto.
Lumaki ang magkapatid na sina Angela at Emma sa pangangalaga ng kanilang lola. Ang kanila namang tiyahin ang nagbibigay sa kanila ng kanilang panggastos at nagpaaral sa kanila sapagkat hindi na makakapagtrabaho pa ang kanilang ama. Nabaliw kasi ang ama nilang si Mang Boyet nang iwanan ng kanilang ina noong mga bata pa lamang ang magkapatid.
Hindi na maalala pa ni Angela ang mukha ng ina. Habang si Emma naman ay dalawang beses sa isang buwan kung dalawin ang kanilang ina na ngayon ay may asawa at anak na rin. Nang malaman ito ni Angela ay lalong nadagdagan ang galit niya sa kaniyang ina. Ayon kasi sa kaniyang lola at tiyahin ay ipinapalit daw ng kanilang ina ang kanilang ama sa isang mayamang hapon. Iniwan ng ginang si Mang Boyet upang magkaroon ng mas masaganang buhay. Dahil sa lubusang kalungkutan ay nawala sa katinuan ang ginoo.
Kahit na binalaan ni Angela ang kapatid ay patuloy pa rin ito sa pakikipagkita sa kanilang ina.
“Ma, tanggapin n’yo po itong natira sa baon ko,” saad ni Emma sa kaniyang ina. “Huwag na po kayong mahiya, bibigyan pa rin naman po ako ni Ate at ni Tita ng baon bukas,” sambit ng dalaga.
“Anak, ayaw pa rin ba ng ate mong makipagkita sa akin? Pinagsisisihan ko na ang lahat ng nagawa ko noon. Gusto ko lang naman na magpaliwanag sa kanya,” sambit ng ina.
“Galit pa rin po kasi si ate hanggang ngayon. Hayaan n’yo, ma, hindi naman po ako tumitigil na palambutin ang puso niya,” saad ng dalaga.
Ngunit kahit anong gawin ni Emma ay matigas ang puso ni Angela lalo na sa tuwing makikita niya ang sinapit ng kanilang ama. Napapaluha na lamang ang dalaga sapagkat hindi na nagbalik pa sa kanila ang dating si Mang Boyet.
Isang araw ay nagdesisyon na si Emma na pagkitain ang ina at ang kanyang nakatatandang kapatid. Nagpanggap ito na hindi makauwi sapagkat walang masasakyan kaya nagpapasundo ito sa kanyang ateng pauwi na rin mula sa trabaho.
Naghintay ang dalawa sa restawran. Nang dumating si Angela ay agad niyang hinanap sa restawran na iyon ang kanyang kapatid. Nakita niya itong nakatayo at nakikipag-usap sa babae.
“Excuse po sa inyo, Emma, tara na, umuwi na tayo,” aya ng kapatid. “Sino ba ‘yang kausap mo? Isa ba ‘yan sa mga professor mo o nanay ng kaklase mo?” bulong niya kay Emma.
“Ate, huwag kang magagalit sa akin. Ginawa ko lang kasi ito para magkausap kayo,” pahayag ni Emma.
“Anong sinasabi mo d’yan, Emma?” pagtataka ni Angela.
“Ate, siya si mama. Huwag kang magalit kaagad sa kanya. Bigyan mo siya ng pagkakataon na magpaliwanag. A-ako ang nagplano ng lahat ng ito kaya sa akin ka magalit,” giit ng nakababatang kapatid. “Hindi ko na kasi makaya pa na nakikitang nahihirapan si mama,” dagdag pa nito.
“Pakiusap ko sa’yo kahit ngayon lang ay makinig ka,” pakiusap ng kapatid.
Dahil nakita niya ang luha sa mga mata ni Emma, labag man sa kanyang kalooban ay umupo siya at nakipag-usap sa ina.
“Patawarin mo ako sa nagawa kong pang-iiwan sa inyo, mga anak. Hindi ninyo alam kung gaano kasakit sa akin ang nangyari. Walang oras na nawala kayo sa isip ko,” sambit ng ina.
“Akala mo ba ay maniniwala ako sa mga sinasabi mong ‘yan? Kung mahal mo kami, bakit hindi mo na kami binalikan? Bakit sumama ka sa hapon na ‘yon? At ngayon ay may pamilya ka pang iba!” sumbat ni Angela sa ina.
“Hindi ko gustong iwan kayo, mga anak. Ayaw kayong ibigay sa akin ng ama at lola ninyo. Wala akong magawa sapagkat mahirap lang ang pamilya ko. Tama sila, paano ko naman kayo mabubuhay? Pero noong magkatrabaho ako ay binalikan ko kayo. Halos araw-araw akong nasa bahay ng ama niyo para makiusap na ibigay nila kayo sa akin pero ayaw man lamang kayong ipakita sa akin,” umiiyak na kwento ng ina.
“Hindi totoo na ipinagpalit ko ang ama ninyo sa isang mayamang hapon. At hindi rin totoo na nabaliw siya dahil sa kalungkutan ng pagkawala ko sa pamilya. Gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot. Madalas niya akong bugbugin at paghinalaan. Kinukuryente rin niya ako kapag ayaw kong tumabi sa kanya sa gabi. Hindi ko na matiis ang ginagawang iyon ng papa ninyo kaya umalis ako,” paliwanag ng ginang.
“Ilang taon akong nagtiis at nangulila sa inyong magkapatid. Pero pinagkait nila kayo sa akin. Sampung taon ang nakalipas at nakapangasawa na rin ako. Hindi marangya ang buhay namin pero aaminin ko mga anak, masaya ako sa kinakasama ko. Kahit kasing laki lamang ng banyo niyo ang bahay namin ay ayos lang sa akin sapagkat hindi niya ako sinasaktan,” dagdag pa nito.
“Patawarin nyo ako kung hindi ko natiis ang mga ginagawa sa akin ng papa nyo,” umiiyak na sambit ng ina.
Laking gulat ni Angela nang malaman niya ang panig ng kanyang ina. Nungit hindi siya nakapagsalita dahil naguguluhan siya kung ano ang katotohanan. Nang makaalis sila ng restawran ay inihatid nilang magkapatid ang kanilang ina. Nagulat si Angela nang makita ang tinitirhan at naging buhay ng ina. Totoo ang sinasbi ng ginang tungkol sa liit ng kaniyang tinitirhan.
Pagkauwi ay agad kinausap ni Angela ang knyang lola upang malaman ang katotohanan.
“E, ano naman kung gumagamit ang ama mo ng dr*ga. Bilang isang asawa ay dapat lawakan pa niya ang utak nya. Dapat kasi ay pumapayag siya sa gusto ng papa nyo para hindi siya nagugulpi tulad ng sinasabi niya. Hirap kasi sa ina nyo puro kalandian ang alam,” sambit ng lola.
“Lola, pwede ba? Kahit ngayon lang magsabi naman kayo ng katotohanan sa akin. Ang tagal niyo kaming inilayo sa mama namin,” sambit ni Angela.
Nang marinig ni Mang Boyet ang sinabi ni Angela ay agad itong nagkaroon ng reaksyon.
“Bumalik na ba ang mama n’yo? Gusto ko kasi humingi ng tawad. Salbahe kasi ang papa nyo,” sambit ng ama. “Hindi mabuti papa n’yo, salbahe papa nyo. Gulpi ko lagi mama n’yo, eh,” patuloy at paulit-ulit na sambit ni Mang Boyet.
Dito na napatunayan ni Angela na nagsasabi ng totoo ang ina.
Agad pinuntahan ni Angela ang kanilang mama sa bahay nito. Sinundan naman siya ni Emma. Nang makapasok siya sa masikip na tahanan ng ina ay nakita niyang nakahiga lamang ito sa isang banig na may karton sa ilalim. Kitang-kita ang panghihina nito.
“Ma, anong nangyari sa inyo? Ayos lang ba kayo?” sambit ni Angela sa pag-aalala sa ina.
Napangiti naman ang ginang ng marinig ang dalaga na tinawag siyang mama.
“Ate, ito ang dahilan kung bakit ko gustong magkaayos na kayo ni mama,” sambit ni Emma sa kapatid. “Malubha na ang kanyang kalagayan. May c*ncer si mama at sandali na lang ang oras niya rito sa mundo. Ito ang dahilan kaya lagi akong nagpupunta sa kanya para bigyan sya ng pambili ng gamot,” paliwanag pa ng dalaga.
Napaluhod si Angela dahil sa kanyang nalaman. “Ma, ngayon pa lang tayo ulit nagkakasama, iiwan nyo na naman kami? H’wag nyo namang gawin sa amin’ to. Patawarin niyo ako kung naging matigas ang puso ko sa inyo,” walang tigil sa pag-iyak si Emma.
“Anak, kahit kailan ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa iyo. Naiintindihan kita. Kahit na hindi kayo sa akin lumaki, palagi ninyong kasama ang puso at isipan ko,” sambit ng ina.
Upang madugtungan ang buhay ng ina ay ipinagamot siya ni Angela. Dahil palagi nilang nakakasama ang ina ay nabawi ang matagal nilang pangungulila sa isat-isa. Dalawang taon ang nakalipas at tuluyan nang natalo ang ginang ng kanyang sakit at binawian na ito ng buhay. Maiksi man ang panahon na muli silang nagkasama ng ina ay alam niyang palagi sila nitong gagabayan.
“Hanggang sa muli nating pagkikita, ma. Baunin nyo naman sa inyong himlayan ang pag-ibig naming magkapatid sa inyo,” sambit ni Angela habang inililibing ang kanilang ina.
Samantala, dahil sa kalagayan ng ama ay pinatawad na nila ito sa nagawa sa kanilang ina at sa pagkakawatak ng kanilang pamilya. Kahit masama ang loob nila sa kanilang lola at tiyahin dahil sa nagawang kasinungalingan ay pinatawad na rin nila ang mga ito. Ipinasok nila ang kanilang ama sa institusyon ng mga may karamdaman sa pag-iisip upang maging tuloy-tuloy ang kaniyang paggaling.