“Anak, halika… ipakikilala ko sa iyo ang bago mong magiging tatay.”
Lumapit ang batang si Lenny sa kaniyang inang si Norma, isang biyuda, at ipinakilala ang boyfriend na si Roger.
“Roger, ang anak ko, si Lenny…” pakilala ni Norma sa anak na babae.
Yumuko si Roger at nilamukos ang buhok ni Lenny. “Hello, Lenny. Nice to meet you!”
Simula noon ay nanirahan na si Roger sa bahay ni Norma at tuluyan na silang nagsama. Sinikap ni Norma na maging maganda ang relasyon ni Roger at Lenny upang tratuhin nitong tunay na anak si Lenny at gayundin si Lenny kay Roger. Naging maganda naman ang takbo ng kanilang pagsasama.
Nakasundo nga ni Lenny si Roger. Lagi itong ipinapasyal ni Roger sa kalapit na parke ng kanilang village.
“Mapalad ka na rin kay Roger,” minsan ay sabi ng kaibigan ni Norma na si Wendy nang sila ay magkita at magkumustahan.
“Oo naman. Responsableng lalaki. Saka, nang mawala si Donnie dahil sa kaniyang sakit sa baga, sinabi ko sa sarili ko na kapag nagmahal ako ulit, pipiliin ko yung taong matatanggap ako. Yung matatanggap ang anak ko,” segunda naman ni Norma sa kaniyang kaibigan.
“Anong plano ninyo? Pakakasalan ka ba niya?” untag ni Wendy.
“Hindi pa namin napag-uusapan eh. Pero papunta na kami roon. Sa ngayon magkasama kami sa iisang bubong. Gusto naman siya ni Lenny kaya okay lang sa akin.”
Sa pagdaan ng mga buwan, nadestino si Roger sa isang malayong lugar. Isang linggo itong mawawala. Napansin ni Norma na may mga sandaling tahimik lamang si Lenny at minsan ay tulala. Minsan, tinanong niya ito habang nagpapalobo ng bula na ibinigay sa kaniya ni Roger.
“Kumusta naman ang baby ko? Parang napapansin ko lately na tahimik ka. May problema ba?” tanong ni Norma sa anak.
Umiling lamang si Lenny at ipinagpatuloy ang paglalaro ng barbie doll.
“Mommy, kailan uuwi si daddy?” tanong ni Lenny.
“Mga next week nandito na ang daddy mo. Namiss mo na kaagad siya ha,” natutuwang sabi ni Norma. Natuwa siya dahil nakuha na ni Roger ang loob ng bata.
“Yes, mommy. Nakakamiss po ang laro namin ni daddy,” sabi ng bata.
“Ano ba ang nilalaro ninyo?” ungkat ni Norma sa anak.
“Lutu-lutuan po. Minsan, bahay-bahayan. Siya raw ang daddy at ako ang mommy,” walang gatol na sabi ni Lenny.
Tinakasan ng kulay sa mukha si Norma. Parang hindi niya nagustuhan ang narinig niya mula sa anak.
“Pakiulit nga anak ang sinabi mo? Naglalaro kayo ni daddy ng bahay-bahayan?”
“Opo. Kinikiss po niya ako at niyayakap. Kunwari po mag-asawa kami. Kunwari po mommy na ako, kasi magiging mommy din daw po ako in the future kaya need daw po ng praktis,” sabi ni Lenny.
Parang hindi makahinga si Norma sa kaniyang mga narinig mula sa anak. Sapantaha niya, ginagalaw ni Roger ang kaniyang anak.
Isinama ni Norma sa isang espesyalista ang kaniyang anak at ipinasuri ang ari nito. Positibo ang naging resulta. May sugat nga ang ari ng kaniyang anak, palatandaan daw na may isang matigas na bagay na pumasok sa loob nito. Pinakalma ni Norma ang kaniyang sarili. Kailangan niyang mahuli sa akto si Roger para masampahan ito ng kaso.
Pagkauwi ni Roger, hindi nagpahalata si Norma sa kaniyang hinala laban dito. Inobserbahan niya ang mga kilos nito sa kaniyang anak. Close na close ito kay Lenny. Binilhan ng mga bagong laruan at pagkain. Hindi alam ni Roger, nagpakabit siya ng CCTV sa kwarto at sa iba pang sulok ng bahay na nakakonekta sa kaniyang cellphone kaya maaari na niyang makita ang nangyayari sa loob ng bahay kahit nasa trabaho siya. Naireport na rin niya sa barangay ang kaniyang hinala.
Isang araw, naiwan si Roger at si Lenny sa bahay. Hindi mapakali si Norma habang nasa barangay hall. Ang alam ni Roger, pumasok siya sa trabaho. Nakaabang sa kaniyang cellphone si Norma. Hanggang sa makita niya sa CCTV na pumasok sa kwarto sina Roger at Lenny. Hindi na nakapagtimpi si Norma. Sinabihan niya ang mga barangay tanod na sugurin na ang bahay.
Laking-gulat ni Roger nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok si Norma kasama ang barangay tanod. Naaktuhan nila na nakaibabaw si Roger kay Lenny. Kaya pala hindi nagsusumbong ito dahil binibigyan ng pagkain at kendi ni Roger.
“Hayop ka! Baboy ka! Anong ginawa mo sa anak ko!” galit na galit na sabi ni Norma at pinagkakalmot sa mukha si Roger.
Kinasuhan ni Norma ng child ab*se at r*pe si Roger, at batay sa kuha sa CCTV at testimonya ng bata, napatunayan ngang ginag*hasa ni Roger si Lenny. Nakulong si Roger.
Labis-labis naman ang pagsisisi ni Norma sa tiwalang ibinigay niya kay Roger. Minabuti naman niyang ipasuri sa child psychologist ang anak upang hindi ito matrauma at makaapekto sa paglaki ang kaniyang karanasan sa kamay ng hayop na boyfriend.
Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na ipagkakatiwala sa kamay ng sinuman ang kaniyang pinakamamahal na anak.