Inday TrendingInday Trending
Ang Asawa Kong Nangibang-Bahay

Ang Asawa Kong Nangibang-Bahay

Isang despedida ang ipinahanda ni Aling Azon para sa kaniyang asawang si Mang Carlos na magtatrabaho bilang OFW sa Abu Dhabi. Dinaluhan ito ng kanilang mga kaanak at malalapit na kaibigan.

“Naku, dalawang taon lang siguradong makakapagpagawa ka na ng bagong bahay, Carlos! Yayamanin na kayo!” tuwang-tuwang ang kumpare ni Mang Carlos na si Mang Sol.

“Huwag kang makakalimot ah! Padalhan mo naman kami ng tsokolate,” biro ng isa pa nilang kaanak kaya nagkatawanan sila.

Gabi bago ang araw ng pag-alis ni Mang Carlos ay nag-usap sila nang masinsinan ni Aling Azon.

“Pa, huwag kang makalilimot na tumawag, mag-text o kaya mag-chat ha? Mamimiss ka namin ng mga bata,” bilin ni Aling Azon sa kaniyang asawa.

Inakbayan siya ni Mang Carlos.

“Oo naman. Hindi ko ipararamdam sa inyo na wala ako sa inyong tabi. Isa lang ang pakiusap ko. Huwag ninyo na akong ihatid at baka hindi na ako tumuloy,” pakiusap ni Mang Carlos. Siniil niya ng halik sa labi ang asawa at sila ay nagtalik.

Kinabukasan, araw ng pag-alis ni Mang Carlos. Ang kumpareng si Mang Sol ang maghahatid sa kaniya sa airport. Kumuha na ito ng inupahang kotse.

“Mag-iingat ka roon, pa. Mahal ka namin,” sabi ni Aling Azon sa asawa. Nakayakap kay Mang Carlos ang kanilang maliliit na anak.

“Mahal na mahal ko rin kayo. At sana mapatawad mo ako…” malungkot na sabi ni Mang Carlos.

“Mapatawad saan? Naiintindihan ko naman kung bakit kailangan mong mangibang-bansa pa. Para sa kinabukasan ng mga anak natin,” pag-aalo ni Aling Azon.

Tumango si Mang Carlos at sumakay na sa kotse na nirentahan patungong airport. Lumipas ang isang buwan, dalawang buwan, at talong buwan simula nang lumipad sa ibang bansa si Mang Carlos ngunit hindi pa ito nagpaparamdam kay Aling Azon.

“Ano kayang nangyari kay Carlos. Diyos ko…” sabi ni Aling Azon sa kaniyang biyenan.

“Huwag kang mag-alala. Kinokontak na namin ang kaibigan ni Carlos sa Abu Dhabi para alamin kung napaano ang lalaking iyon. Kinakabahan nga rin kami,” sabi ng kaniyang biyenan.

Lumipas pa ang dalawang buwan, at halos kalahating taon na ngunit hindi pa rin nagpaparamdam si Mang Carlos sa kaniyang pamilya. Labis na ang pag-aalala ni Aling Azon. Minabuti niyang alamin sa OWWA kung ano ang pangalan ng kompanyang pinuntahan ni Mang Carlos sa ibang bansa. Subalit laking pagtataka niya dahil wala raw nakarehistro na Carlos Maniago sa kanilang listahan.

“Anong ibig sabihin na wala sa listahan ng OWWA si Carlos?” natanong ni Aling Azon kay Mang Sol na siyang naghatid sa asawa sa airport.

“May kailangan kang malaman Azon,” sabi ni Mang Sol.

“Ano iyon?” kinakabahan si Aling Azon sa seryosong mukha ng kumpare.

“Hindi na kaya ng konsensya ko. Hindi totoong umalis ng bansa si Carlos. Palabas lamang niya ang lahat. Nagpunta siya at sumama na sa kaniyang ikalawang pamilya sa Negros Occidental. Inilihim niya sa inyo ang lahat.”

Pakiramdam ni Aling Azon ay pinagsakluban siya ng langit at lupa sa rebelasyon ni Mang Sol.

“Matagal mo nang alam ito? Na may pangalawang pamilya si Carlos?” galit na tanong ni Aling Azon kay Mang Sol.

“Hindi. Nalaman ko lamang noong inihatid ko siya sa airport. Sumakay siya sa eroplano pero hindi papuntang Abu Dhabi, kundi local flight patungong Negros Occidental. Doon niya sa akin inamin ang lahat. Hindi na maatim ng konsensya ko na maglihim sa inyo. Kaya sinasabi ko ito sa iyo.”

Kaya naman, sinamahan ni Mang Sol si Aling Azon sa palihim nilang pagpunta sa Negros Occidental. Alam ni Mang Sol kung saan naroon ang kumpare. Kaya naman laking gulat ni Mang Carlos nang makita si Aling Azon. Kasama niya ang kinakasama at ang anak nilang dalawang taong gulang.

“Paano mo nagawa sa akin ito, Carlos? Minahal kita at iginagalang ka ng mga anak mo. Wala kang konsensya! Sinungaling ka!” galit na galit na sumbat ni Aling Azon sa asawa.

“Patawarin mo ako, Azon. Hindi ko sinasadya ang nangyaring ito. Nabuntis ko si Lorna kaya minabuti kong itago siya rito sa Negros. Nagbanta siyang gagawa ng eskandalo kapag hindi ko siya sinamahan at pinanagutan. Kaya ang naisip kong paraan, kunwari ay mag-aabroad ako. Nagsisisi na ako sa ginawa ko,” paghingi ng tawad ni Mang Carlos.

Bumalik sa Maynila si Aling Azon at nagsampa ng kaso laban kay Mang Carlos. Nag-file din siya ng legal separation. Nanalo naman siya sa kaso. Ipinaliwanag ni Aling Azon sa kaniyang mga anak ang kanilang sitwasyon.

Naunawaan naman ito ng kaniyang mga anak. Nagsisi man si Mang Carlos sa kinasadlakan niyang sitwasyon, kailangan niya itong panindigan dahil siya naman ang may kasalanan ng lahat.

Samantala, pinili naman ni Aling Azon na magnegosyo ng pagtitinda ng mga gulay at prutas sa palengke. Naging matagumpay naman ito. Pinili niyang maging masaya sa piling ng kaniyang mga anak.

Advertisement