“One piece chicken, thigh part, please,” mahinahong wika ni Alfred habang nakatapat ang kaniyang bibig sa mikropono upang ipaabot sa taga-kitchen ang kaniyang order. Agad naman siyang kumuha ng tubig upang ipares sa order na manok. Nang maibigay ang kaniyang order ay agad niyang binitbit ang tray upang ihatid sa mesa kung saan nakaupo si Mang Kulas.
“Pasensiya ka na Mang Kulas kung naghintay ka ng matagal. Marami kasi ang nakapila sa counter,” nakangiting sambit ni Alfred sa matandang lalaki.
“A-ayos la-ng, Al-fred,” hirap na bigkas ni Mang Kulas habang malawak na nakangiti kay Alfred.
Suki na nila ang matanda at halos araw-araw itong pumupunta sa tindahan upang umupo ng maayos at kumain. Mula umaga, tanghali at gabi kapag inabot siya ng gabi sa tindahan. Umorder man ito sa pagkain nila o hindi ay welcome si Mang Kulas. Wala na itong pamilya at sa daan na rin natutulog.
“Nakarami ka siguro dahil masarap ang pagkain mo ngayon,” nakangiting wika ni Alfred sabay subo rito ng kanin na nakalagay sa kutsara. Agad namang tumango si Mang Kulas at matamis na ngumiti. “Basta mag-iingat ka lagi manong ha?” bilin ni Alfred sa matanda.
Nahihirapan na itong gumalaw dahil na-stroke si Mang Kulas, hindi nito maigalaw ng maayos ang parehong kamay at mabagal na rin kung maglakad. Nung bago pa lang siya ay sobrang pagkahabag ang naramdaman niya ng makita itong nahihirapang kumain sa labas ng kainan kaya mula noon ay pinapapasok niya ito sa loob upang makaupo ng maayos at nilalaanan niya ito ng oras upang makakain ng maayos. Minsan na rin niyang niyaya ang matandang tumira na lamang ito sa Home for the Aged, kaso mariin itong tumanggi.
“Baka mam*tay lang ako dun ng maaga, Alfred,” minsang wika nito nang yayain niya.
“Mang Kulas, sana mag-iingat ka palagi dito ha? Malapit na kasi akong umalis. Hanggang six months lang kasi dapat ang kontrata ko, kaso na extend ng six months at ngayon nga ay hindi na ako nagpa-extend kasi ga-graduate na ako ng kolehiyo,” paliwanag ni Alfred.
Bigla namang lumungkot ang mukha ni Mang Kulas sa sinabi niya. Hindi ito masyadong nagsasalita dahil matigas ang boses nito at hirap na hirap magsalita. Nababasa lamang niya ang ekspresyon ng mukha nito.
“Huwag kayong mag-aalala, Mang Kulas, ibibilin naman kita sa kasamahan ko rito kaya may magpapakain pa rin sa inyo kahit wala na ako,” wika niya dahilan para bumalik ang ngiti ng matanda.
“M-mag-i-ingat ka Al-fred,” nahihirapang wika ni Mang Kulas atsaka muling ngumiti upang ipagpatuloy ang pagkain.
Masaya niyang kinukwentuhan si Mang Kulas habang kumakain. Kapag gabi naman ay pinapakain niya ito bago umuwi. Saka lang siya uuwi kapag nasiguro na niyang nasa pwesto na ito at payapa nang nakahiga sa bangketa. Naaawa siya kay Mang Kulas dahil pakiramdam niya’y ito ang papa niya. Nakikita niya rito ang papa niya, at darating ang panahon na tatanda rin ang papa niya kagaya ni Mang Kulas. Hindi niya siguro kayang makita ang sariling ama na magka-ganito. Kagaya na lang ng nararamdaman niya ngayon sa matanda.
Dumating ang araw na kailangan nang magpaalam ni Alfred sa pinapasukang trabaho.
“Mang Kulas, mag-iingat ka rito ha? Ngayon na ang huling araw ko sa trabaho. Huwag kang mag-aalala kasi ibinilin na kita kay Calvin. Mula ngayon siya na ang magpapakain sa’yo. Dadalaw-dalawin naman kita kapag may libreng oras ako. Kung pwede nga lang sana kitang isama sa’min, ginawa ko na po. Kaso mahirap lang din kami,” nakangiting wika ni Alfred ngunit ang totoo ay gusto na niyang umiyak. Nag-aalala siya sa matanda at sana nga ay maalagaan din ito ni Calvin gaya ng pag-aalaga niya rito.
Ngumiti ang matanda at may inabot sa kaniyang isang litrato. Litrato nilang dalawa nung minsan niya itong niyayang magpakuha ng litrato.
“P-para hin-di mo ako m-makalimutan,” simpleng wika ng matanda ngunit napakalalim ng ibig sabihin. Wala sa loob ni Alfred na bigla niyang niyakap si Mang Kulas. Hindi niya maiwasang hindi mag-alala rito.
Mabilis lumipas ang panahon. Naging masyadong abala si Alfred matapos niyang grumaduate ng kolehiyo kaya nawalan siya ng oras upang dalawin si Mang Kulas. Pero minsan man ay hindi ito nawaglit sa isip at sa mga panalangin niya. Mahalaga ang matanda para sa kaniya. Isang araw nang magkaroon siya ng libreng oras ay dinalaw niya ang matanda upang kumustahin. Nagdala siya ng pasalubong para dito at sigurado siyang magiging masaya si Mang Kulas.
“Isang buwan na ang lumipas mula nung pumanaw si Mang Kulas, p’re. Pasensiya ka na hindi ka pala namin nasabihan,” balita sa kaniya ni Wilbert ang dati niyang kasamahan.
“Ha?!” ang tanging nasambit ni Alfred sa labis na gulat.
“Mula nung umalis ka, naging malungkutin na si Mang Kulas, hindi na siya masyadong nagpaparking at mas madalas na nakahiga na lang sa pwesto niya. Inisip namin nun na baka namiss ka lang ni Mang Kulas. Hanggang isang araw pagdating ko dito sa trabaho, nabalitaan ko na lang nasagasaan siya ng bus. Dito siya nilibing ng mga vendors na naging malapit sa kaniya pre,” wika ni Calvin tsaka may inabot na kapirasong papel. “Puntahan mo na lang. Matutuwa iyon kapag nakita ka niyang dumalaw sa puntod niya,” emosyonal na wika ni Calvin.
Hinanap ni Alfred ang address kung saan nakalibing si Mang Kulas. “Pasensiya ka na po Mang Kulas, kung ngayon ko lang nalaman ang pagkawala mo. Naging abala ako nitong nakaraan. Kung sana pinilit kitang manirahan na lang sa lugar kung saan alam kong mas ligtas ka baka hanggang ngayon nakakausap pa rin kita,” humihikbing wika ni Alfred.
Nag-alay siya ng dasal para sa kaluluwa nito atsaka kampanteng umupo sa puntod ni Mang Kulas. Kahit siya lang mag-isa ay ramdam niyang kasama niya pa rin ito.
Kahit hindi niya kaano-ano si Mang Kulas ay naging isang napakamahalagang tao nito sa buhay ni Alfred. Higit pa sa tunay na kadugo ang turing niya rito. Isa lamang patunay na kahit hindi mo kadugo ang isang tao ay pwede itong maging importante sa puso mo. Kagaya na lang sa naramdaman ni Alfred para kay Mang Kulas. Kung nasaan man ito ngayon, alam niyang masaya na rin ito at hindi na ito naghihirap pa.