Masaya sana ang tagpong ito para sa pamilya ng dalagang si Mads. Matapos kasi ng halos dalawampung taon ay makakauwi na ang kaniyang ama na isang OFW sa Saudi.
Ngunit matinding pagdadalamhati ang nararamdaman ng kaniyang pamilya nang sasalubungin nila sa airport ay ang kahong pinaglalagakan ng labi ng kaniyang ama. Naaksidente ito sa trabaho na naging dahilan ng maagang pagpanaw nito.
Bilang panganay sa dalawa pa niyang kapatid ay naging malinaw kay Mads na pasan na niya ang lahat ng responsibilidad sa kaniyang pamilya. Sa tagal kasi ng pagtatrabaho ng kaniyang ama sa ibang bansa ay hindi man lamang nakapag-ipon ang kaniyang mga magulang. Bukod kasi sa walang habas na paggastos at pagbili ng kung anu-ano ay masyado ring bukas-palad ang mga ito sa mga kamag-anak na humihingi sa kanila ng tulong. Ang akala nilang walang katapusang pagpasok ng pera ay natuldukan na. Kaya ganoon na lamang ang pagkayod ni Mads para sa kaniyang pamilya.
Ang nanay niyang si Aling Dolores ay nagkaroon ng depresyon dahil nangungulila ito sa kaniyang asawa. Madalas ay nagkukulong na lamang ito sa kaniyang silid.
Ang kaniyang kapatid na si Dindo naman na dapat ay katuwang niya sa kanilang pamumuhay ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral sapagkat nakabuntis ito. May isa na itong anak. At dahil nga hindi ito nakapagtapos ay wala itong makuhang permanenteng trabaho. Nakapisan pa rin ito sa kanilang bahay.
Ang bunso naman nilang si Claire ay labing-walong taong gulang na. Dalawang taon na lang at makakapagtapos na ito sa kolehiyo.
Malaki naman ang kinikita ni Mads sa pagiging CPA. Ngunit kahit malaki ang kaniyang suweldo ay hindi sapat ang perang iniuuwi niya sa bahay sa laki ng kanilang pangangailangan. Madalas ay suma-sideline ang babae sa kanilang opisina.
“Mads, tatlumpung taong gulang ka lang pero kung kumayod ka ay parang may tatlong pamilya kang pinapakain. Gaano ba kalaki ang pangangailangan mo at nagtitinda ka pa ng mga bine-bake mo? Ano ba ang pinag-iipunan mo, girl?” kantiyaw ng isang kasamahan ng babae sa trabaho.
“Ipon? Wala!” tugon ng dalaga. “Oo, malaki talaga ang pangangailangan ko, bruha! Kaya bumili ka na. Bilisan mo!” sambit ni Mads.
Kahit may nararamdamang hiya sa kaniyang kalooban ang dalaga ay pilit na lamang niya itong binabalewala dahil iniisip niya ang gastusin ng kanilang pamilya.
Kinagabihan, nang makauwi siya sa kanilang bahay ay laking gulat niya nang madatnan niya ang kaguluhan sa kanilang tahanan.
Nagwawala ang kaniyang ina at sinusubukan itong pigilan ng dalawa niyang kapatid. Tuluyan nang kinain ng depresyon ang kanilang ina at kailangan na itong mapasuri sa isang espesiyalista.
Dahil dito ay lalong nadagdagan ang pinapasan ni Mads.
Nakita si Mads ng kaniyang bunsong kapatid na malalim ang iniisip.
“Ate, pasensiya ka na dahil hindi kita matulungan. Lilipat na lang ako sa mas murang unibersidad. Ayos lang sa akin. Para hindi mo na masyadong pinoproblema ang matrikula ko,” sambit ni Claire sa kaniyang ate.
“Hindi mo kailangang gawin ‘yan, Claire. Hayaan mo. Gagawa ako ng paraan,” tugon ni Mads.
Sa kabila ng nangyari sa kaniyang ama sa Saudi ang tanging solusyon na lamang na naisip ni Mads ay ang magtrabaho siya sa ibang bansa. Bagama’t tutol ang bunso niyang kapatid sa kaniyang desisiyon na mangibang bansa ay wala itong nagawa para pigilan siya. Baon niya ang pag-asang kumita ng mas malaking pera upang mas maginhawang buhay ang maibigay niya sa kaniyang pamilya.
“Ate, kapag nakapagtrabaho ka na sa ibang bansa huwag mong kalimutang mag-ipon. Ito, o. May nabasa ako. Ang sabi dito ay 66% daw ng mga Pilipino ay hindi marunong mag-ipon. Naalala ko tuloy ang tatay. Ayokong mangyari sa’yo ‘yun, ate. Ayokong mauwi sa wala ang pinagpaguran mo,” saad ni Claire.
“Sa ngayon kasi ay hindi ko pa iniisip ‘yan, bunso. Gusto ko lang na makaahon tayo sa pagsubok na ito. Hayaan mo, Claire, gagawin ko ang lahat para hindi mahirapan ang pamilyang natin,” tugon ni Mads.
Nakakuha si Mads ng magandang trabaho sa ibang bansa. Hindi nagtagal ay lumipad na siya patungong Dubai.
Dahil sa laki ng kinikita ni Mads sa kaniyang trabaho ay malaki rin ang naipapadala niya sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Buwan-buwan din kung magpadala siya ng balikbayan box.
“Claire, natanggap niyo na ba ‘yung balikbayan box na pinadala ko?” sambit ni Mads sa kaniyang kapatid habang ka-video call niya ito.
“Oo, ate. Ang laki ng kahon. Ang daming laman! Kailangan mo ba talagang magpadala pa ng ganito? Kakapadala mo lang nung isang buwan, ah. Madami pa kaming pabango at bag. ‘Yung sapatos nga na bigay mo sa akin nung nakaraan ay hindi ko pa rin nasusuot may panibago na naman,” saad ni Claire.
“Walang anuman, bunso!” pananarkastikong tugon naman ni Mads.
“Ate, hindi ko naman sinasabi na hindi ako natutuwa. Pero naisip ko lang, may ipon ka na ba? Sa tingin ko ay mas kailangan mo ‘yun unahin. Tignan mo ang nangyari sa mga magulang natin!” wika ng nakababatang kapatid.
“Sige, Claire. Sa susunod na buwan ay mag-iipon na talaga ako. Pangako!” pahayag ni Mads.
“Mayroon akong dinownload na application sa selpon mo nung minsang naki-text ako sa’yo. Puwede kang mag-ipon don!” payo ni Claire.
“Sige, sige, bunso. Titignan ko. O siya, kailangan ko nang umalis. Mamaya na lang ulit. Papasok na ako sa trabaho,” nagmamadaling sambit ni Mads.
Sa kabila ng walang sawang paalala ni Claire sa kaniyang Ate Mads na mag-ipon ay hindi pa rin ito nasimulan ng babae. Dumaan ang mga buwan at ang mga buwan ay naging taon ngunit ni singkong duling ay wala pa ring naitatabi si Mads. Patuloy pa rin ang pagbili nito ng kung anu-ano at pagpapadala nito ng pera at balikbayan box para sa kaniyang pamilya.
Isang araw ay isang hindi inaasahang balita ang natanggap ni Mads. Unti-unti na raw nalulugi ang kompaniyang pinapasukan niya at nagtatanggal na ito ng mga tauhan. Sa kasamaang palad ay isa si Mads sa mga natanggal na empleyado.
Dahil wala na siyang perang panggastos at wala na rin siyang matitirahan, labag man sa kaniyang kalooban ay napilitan siyang umuwi ng Pilipinas. Halos hindi niya magawang tignan ang kaniyang mga kapatid nung sinundo siya ng mga ito sa airport dahil sa kaniyang kabiguan.
Gulung-gulo ang isip ni Mads lalo na nang malaman niyang nasa ospital ang kanilang ina dahil sa matinding karamdaman. Halos mabaliw siya sa kakaisip kung saang kamay ng Diyos siya kukuha ng ipangtutustos sa kaniyang pamilya. Tinakpan niya ang kaniyang bibig upang hindi marinig ng kahit na sino ang kaniyang pag-iyak.
Lingid sa kaniyang kaalaman ay naroon ang kanyang bunsong kapatid na lumuluha din habang siya ay pinagmamasdan. Unti-unting lumapit si Claire sa kanyang ate.
“Ate,” pabulong na sambit ni Claire.
Napatingin si Mads sa kanya.
“Oo na, Claire!” sigaw ni Mads ng malamang naroroon din ang kapatid.
“Alam ko naman ang sasabihin mo! Hindi ako nakinig sa’yo kahit na sinabihan mo na akong mag-ipon! Oo na! Mali na ako. Ayan tuloy kahit piso ay wala akong nauwi sa pamilyang ‘to!” patuloy nitong pagsigaw.
“Masisisi mo ba ako? Walang nagturo sa akin paano ang mag-ipon! Gusto kong ibigay ang lahat para sa pamilyang ‘to! Gusto ko ding maranasan na kahit paano naman ay gumastos ako ng walang iniintindi, na malasap ko naman ang perang pinagpaguran ko! Ang bigat-bigat ng lahat ng responsibilidad na pasan ko! Hindi ko na alam ang gagawin ko! Lahat din naman ito ay ginawa ko para sa iyo, Claire, kaya ‘wag mo akong sumbatan kung hindi ako nakapag-ipon!”
“Umalis ka na lang dito at iwan mo na lang muna akong mag-isa!” saad ni Mads.
Napayuko si Claire at tuluyang lumabas ng silid. Patuloy naman sa pag-iyak si Mads.
Ilang saglit ay tumunog ang selpon ni Mads. Napalingon siya at kanyang kinuha ang telepono. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nabasa.
You have received Php 40,000.00 from Claire Dela Cruz.
Agad niyang pinuntahan ang kanyang kapatid.
“Anong ibig sabihin nito, Claire? Saan ka kumuha ng ganitong kalaking pera?” pagtataka ni Mads.
“Sa totoo lamang ate ay halos kalahati pa lang iyan ng ipon ko — ipon na nagmula sa lahat ng pinapadala mo sa akin,” sambit ni Claire. Ipinakita niya ang kanyang telepono sa kanyang Ate Mads. Nagkakahalaga ng isang daang libo ang lahat ng naipon ng nakababatang kapatid.
“Dahil kahit palagi kitang pinaalalahanan na mag-ipon ay hindi mo pa rin ito ginagawa kaya minabuti ko na lamang mag-ipon para sa iyo. Lahat ng mamahaling sapatos, bags at kung anu-ano pang ipinadadala mo sa akin na alam kong hindi ko rin mapapakinabangan ay binenta ko online.”
“Lumipat na rin ako ng pampublikong unibersidad, ate. Ang mga ipinadadala mo sa akin bilang matrikula ay naipon ko din. Madali pa akong nakaipon dahil sa application na ito sa selpon ko. Bukod kasi sa madaling magpasok ng pera ay mataas pa ang kanilang interes kaysa sa banko.” patuloy ng nakababatang kapatid.
Ipinakita ni Claire ang kanyang naipon sa kanyang ate na nagkakahalaga ng isang daang libong piso.
“Sa’yo ang lahat ng perang ito, ate. Gamitin mo upang makapagsimula kang muli,” sambit ni Claire.
Hindi alam ni Mads ang kanyang sasabihin kaya niyakap na lamang niya ang bunsong kapatid ng mahigpit.
“Maraming maraming salamat, bunso!” lumuluhang wika ni Mads.
“Maraming Salamat din, ate. Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo para sa pamilya natin,” humihikbing saad ni Claire.
Upang makadagdag sa kanilang naipon ay nagdesisyon si Mads na binenta na din ang kanyang ibang mga mamahaling kagamitan tulad ng bags, selpon, sapatos, make-up at kung anu-ano pa. Ginamit ni Mads ang pera upang makapagsimula silang muli.
Muling lumipad patungong ibang bansa si Mads upang magtrabaho. Sa pagkakataong ito ay unti-unti na niyang inayos ang paghawak niya sa kanyang pera. Naipagamot na ni Mads ang kanyang ina at unti-unti na nitong natatanggap ang lahat ng nangyari sa kanilang ama.
Binilhan naman niya ng ticycle ang kanyang pangalawang kapatid na si Dindo upang matustusan nito ang kanyang sariling pamilya. Tinuruan na rin nila ito na magtabi kahit maliit mula sa kanyang kinikita. Samantalang nakatapos na rin ng pag-aaral si Claire na may karangalan at kasalukuyang nagtatrabaho na din sa isang advertising agency dito sa Pilipinas.
“Ate, may tinag ako, sayo sa facebook!” wika ni Claire sa kanyang Ate Mads. Agad itong tinignan ng dalaga. Isang matamis na ngiti ang mababakas sa kanyang mukha habang inaalala niya ang kanilang mga pinagdaanan.
Hindi kinalimutan ni Mads ang mahalagang aral na natutunan niya sa bunsong kapatid buhat sa kanilang karanasan sa buhay. Patuloy ang kanilang pag-iipon upang paglaanan ang kanilang kinabukasan nang sa gayon ay hindi na danasin ng kanilang mga anak ang hirap ng buhay na kanilang pinagdaanan.
Natutunan nila ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin sa kanilang buhay ngunit lubusan ding pinagwawalang bahala ng lahat. Buti na lang may GCash, mas napabilis ang pag-iimpok ng magkakapatid.