Pag-aaruga ‘Nay, Hindi Pera!
Mabilis na naglalakad ang ginang na si Adella upang habulin ang bus na papaalis na. Sukbit ang bag sa balikat, ang kanang kamay ay may hawak na cellphone at ang isa naman ang kapeng iniinom. Kitang-kita naman siya na unti-unting nawawala sa paningin ng kaniyang disiotso anyos na anak na si Ann.
Mababakas sa mukha ng dalaga ang pagkalungkot at pangungulila sa ina. Ngunit wala siyang magawa dahil pilit niya itong iniintindi sa pagtatrabaho nito para sa kaniya. Wala na kasi siyang ama. Kaya naman, ang ina ang mag-isang tumataguyod sa kaniya.
“Hay… ako na naman mag-isa rito sa bahay,” bulong ni Ann sa sarili.
Pagkatapos ay tumungo na siya ng kusina upang kumain, at tulad ng nakaraan, siya ang naghahanda para sa kaniyang sarili. Kung minsan ay naiinggit siya sa iba na pinaghahanda pa ng kanilang ina, iyong iba pa nga ay hinahatid pa sa eskwelahan. Ngunit siya, wala ni-isang nag-aalaga araw-araw. Papatak na sana ang luha ni Ann dahil naalala niya na sasapit na naman ang kaniyang kaarawan bukas nang wala doon ang ina.
Maya-maya pa ay may tumawag sa kaniya. Isang kaibigan na nag-aaya na magdiwang ng kaniyang kaarawan kinabukasan sa kanilang bahay. Naengganyo naman ang dalaga dito. Naisip niyang mas mabuti na iyon kaysa hipanin ang sariling cake nang mag-isa sa kanilang bahay.
Bago matapos ang araw na iyon, naglinis ng buong bahay si Ann. Naghugas ng mga pinggan, at nag-imis ng mga dapat pang linisin.
Kinagabihan, habang naghihintay sa ina, nakatulog na si Ann sa sobrang tagal nito. Ginabi na naman ito ng uwi dahil sa sobrang dami ng kailangang asikasuhin sa trabaho. Naalimpungatan si Ann nang pumasok na ng bahay ang kaniyang ina.
“Ma?” mahinang tawag ni Ann sa ina.
Paulit-ulit man niyang tinawag ang ina ngunit wala itong sagot. Sinilip niya ito sa silid at nakitang natutulog na at hindi na nakapagpalit pa ng damit. Hindi na niya ito ginising pa kaya naman natulog na lang din siya. Inisip niya rin na malamang ay papayag iyon dahil kaarawan naman niya iyon. Kaya naman hindi na niya kailangang magpaalam pa. Ang isa pa ay malamang uuwi lang naman uli ng hating-gabi ang ina kaya bago pa man ito makauwi, malamang ay nasa bahay na siya.
Kinaumagahan, dating gawi, gumising ang ginang, nagmadaling maligo’t magbihis, at saka nagtimpla ng kape upang ito’y dalhin papuntang trabaho.
“Late na ‘ko, Ann. Alis na ako,” palagi nitong paraan ng pagpapaalam sa anak habang nagtititipa sa telepono.
Umalis na naman itong kumakaripas sa paglalakad. Ngunit sa pagkakataong ito, nasaktan si Ann dahil naisip niya na nakalimutan na naman ng ina ang kaarawan niya. Ngunit muli niyang naisip ang mangyayaring pagdiriwang mamaya sa bahay ng kaniyang kaibigan kaya hinayaan na lang niya. Nagmadali siyang nagbihis at pumasok sa paaralan.
Tulad ng napag-usapan, pagkatapos ng klase ay pumunta na sila sa bahay ng isang kaibigan. Lingid sa kaalaman niya na ang pagdiriwang pala ay isang inuman. Sa unang pagkakataon, alam man niyang magagalit ang ina ay hindi na niya iyon pinansin pa dahil hindi rin naman siya nito madadatnan ng gising sa bahay. Nagpakasaya si Ann ng gabing iyon. Para sa kaniya, ito ang kauna-unahang kaarawan na naramdaman niyang masaya siya. Pagpatak ng alas onse, nagpaalam na ang dalaga na uuwi na.
Habang naglalakad papuntang bahay, mahina niyang binabanggit ang mga sama ng loob sa kaniyang ina.
“Parang wala akong nanay eh!”
“Hindi man lang niya ako mabati ng isang happy birthday man lang o kaya naman isang cake lang sa umaga!”
“Walang kwenta. Walang kwenta!”
Paulit-ulit na himutok ng dalaga sa kaniyang sarili.
Narating na niya ang bahay. Madilim at walang ilaw sa loob.
“Sabi na nga ba. Wala pa siya,” wika ng dalaga na tinutukoy ang ina.
Pagbukas ng pintuan, nagulat siya sa nadatnan. Ang kaniyang ina nakapamaywang at mukhang galit na hinihintay siya. Hindi niya ito inaasahan.
“M-ma? Diyan ka na pala?” mahinang sabi niya.
Hindi ito nagsasalita. Kaya naman naglakad siyang muli at didiretso sana sa banyo upang maghilamos.
“Ann!” malakas na sigaw ng ina na ikinagulat naman niya.
“P-po?” mahinang tugon ni Ann.
“Saan ka galing? Alam mo ba kung anong oras na? Alas onse na ng gabi!” muling pagsigaw ng ina.
“Diyan lang po sa kaklase ko. Gumawa lang po kami project, ma. Sorry po,” pagsisinungaling naman niya.
Hindi na nagbigay pa ng paliwanag si Ann dahil ayaw na niyang makipag-away pa rito.
“Anong project project ka diyan? Alas onse na project?! At kahit na malayo ako sa’yo amoy na amoy ko iyong alak na nagmumula sa’yo!” muling pagalit na sambit ng ina.
Hindi naman umiimik dito si Ann.
“Nagtatrabaho ako nang husto para sa’yo, para mapag-aral kita at mapakain tapos ano? Ganiyan lang ang gagawin mo?! Aba naman! Isipin mo rin lahat ng pagod at sakripisyo ko para sa’yo!” dagdag pa nito.
“Project nga ma! Ano pa ba gusto mong mar…” sigaw rin ni Ann.
Ngunit hindi pa man natatapos ang dalaga gulat na gulat siya nang sumampal sa kaniyang pisngi ang kamay ni Adella.
Huminga ng malalim si Ann at tinignan ng diretso ang ina. Nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata.
“Birthday ko, ma,” mahina niyang sambit.
Natigilan ang ina sa sinagot ng anak pati na sa nagawa niya rito.
“Birthday ko, ma, at kinalimutan mo iyon! Hindi lang ngayon, pati noong nakaraan, pati noong nakaraan pa! Lahat na lang, ma! Lagi mong sinasabi sa akin na intindihin kita dahil abala ka sa pagtatrabaho pero paano naman ako, ma? Gusto ko lang naman maging masaya sa birthday ko, ma. At hindi ko kailangan ng maraming pera dahil ikaw ang mas kailangan ko! Iyong pagmamahal at pag-aaruga ng isang ina na hindi mo ibinibigay sa akin!” pagpapaliwanag ni Ann habang tuluyan na nga siyang napaiyak dahil sa sama ng loob.
Walang masabi ang ina, nanghina ang kaniyang mga tuhod at napaiyak sa mga sinabi ng anak. Nakita niya kung gaano lumuluha at nasasaktan ang kaniyang anak at naisip kung gaano siya kawalang kwenta dahil nalimutan na niya pati kaarawan nito.
Napaluhod ang ina habang humihingi ng tawad sa anak.
“Nak, I’m sorry. Patawad dahil mas naging abala ako sa pagtatrabaho at hindi sa pag-aalaga sa’yo. Patawad dahil naging walang kwenta ina ako sa’yo. Patawad, anak ko,” paguulit-ulit ni Adella sa kaniyang anak.
Nag-iyakan ang dalawa at humingi ng kapatawaran sa isa’t isa. Kasama nito ang pangakong pagbawi sa mga oras na hindi nila nasulit. Sa mga kaarawang hindi nila naipagdiwang ng magkasama.