Inday TrendingInday Trending
Istrikta si Nanay!

Istrikta si Nanay!

“Pero Nay! Wala namang mali sa suot ko ha?” sigaw ni Bea sa ina sabay padyak pa ng paa.

“Anong wala? Tingnan mo nga yang balikat mo, labas na labas! At bakit ang iksi niyang palda mo? Aber, bilisan mo’t magpalit ka na kung gusto mong sumama sa akin,” sabi ni Tinay habang pinanlalakihan ng mata ang dalagang anak.

Nagdadabog namang umakyat sa kaniyang kwarto si Bea. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya pwedeng magsuot ng mga usong damit. Hindi naman kabastos-bastos ang hitsura, at isa pa ay iyon nga ang uso ngayon! Ewan ba naman niya sa ina at gusto ata siyang gawing madre.

Nang makapagpalit ng t-shirt at pantalon ay sinamahan na niya ang ina na maningil ng renta sa kanilang pinauupahang bahay. Ayon sa mga naririnig-rinig niya ay doon ito nakatira ngunit nang magbuntis sa kaniya ay umalis ito kaya pinaupahan na lang ang bahay. Hindi niya naabutang buhay ang kaniyang ama dahil ayon sa kaniyang ina ay hindi pa siya napapanganak ay pumanaw na ito.

Pagdaan nila sa isang tindahan ay may mga tambay at tsismosa na namang nag-uumpukan doon. Hindi na bago sa kaniya na marinig na pinag-uusapan sila ng mga ito tuwing pupunta sila doon.

“Biruin mo ilang taon na pala ang nakalipas? Ang laki na ng anak niya oh,” pabulong na sabi ng isa habang nakatingin sa kaniya. Ginaya na lang niya ang ina at nagkunwaring walang naririnig. Nang makuha ang atensyon niya ng isang komento mula sa grupo ng mga tsismosa.

“Kawawa naman ang bata, ano? Ang nanay niya pa ang naglayo sa tunay na ama nito.”

“Siyempre ‘no, ikaw ba gugustuhin mong malaman ng anak mo na bunga ka ng pagkakamali.”

Napatigil siya sa narinig at nang mapansin iyon ng ina ay tinanong kung ayos lang siya. Sinabi niyang mauna na ito at magpapa-load lamang siya sa tindahan. Nung unaw ay tila ayaw pa siya nitong payagan at tinapunan ng nag-aalalang tingin ang tindahan kung saan naroon ang mga chismosang kapitbahay noon.

“Sige’t bilisan mo lang. Huwag kang makikipag-usap sa mga iyon. Naiiintindihan mo?” mahigpit na bilin nito sa kaniya. Tumango siya at tumungo sa tindahan. Halatang-halata ang pagtigil ng mga usapan dahil sa kaniyang paglapit.

Alanganin ang ngiti na kinausap niya ang mga ito. “Kilala niyo ho ba ang nanay ko?” tanong ng dalaga sa mga ito. Nagtinginan muna ang mga ito bago may isa na sumagot.

“Oo, kababata kaya namin ‘yang si Tinay. Bakit mo natanong?” nakataas ang kilay na tanong ng babae. Magalang niyang sinabi na narinig niya ang mga pinag-uusapan ng mga ito, tinanong niya kung sila ba ang tinutukoy ng mga ito. Bago pa makasagot muli ang babae ay tinawag na siya ng kaniyang ina. Natataranta naman siyang tumalima dahil nahuli siya nito sa akto na nakikipag-usap sa mga tsismosang iyon.

“Hindi ba ang sabi ko sa’yo ay huwag na huwag kang makikipag-usap sa mga iyon? Ang tigas talaga ng ulo mo!” galit na galit na sabi ni Tinay sa anak. Hindi niya maintindihan ang galit ng ina kaya hindi na laman siya sumagot.

Kinabukasan ay may lakad silang magkakaibigan. Noon pa siya nakapagpaalam sa ina kaya kampante siyang papayagan siya nito. Nagulat siya nang makita ito sa sala na inaabangan siya. Sinuri muna nitong mabuti ang kaniyang suot na damit bago ito magsalita.

“Hindi ka makakaalis ng ganiyan ang suot,” sabi nito. Summer ang tema ng party kaya nakasleeveless siya na damit. Mahaba na nga ang pinili niya ngunit hindi pa rin nakalusot sa istrikta nitong mata. Ipinaliwanag niya iyon sa ina ngunit hindi ito nakinig at ipinilit na magpalit siya. Dahil sa inis ay napagtaasan niya ito ng boses na tuluyang ikinagalit nito.

“Aba Bea! Matigas na ang ulo mo ngayon? Lagi mo na lang akong sinusuway ah!” galit na sabi ni Tinay sa anak.

“Eh kasi wala naman hong basehan ‘yang pagiging masyadong istrikta ninyo? Bakit ano bang kinatatakot niyo? Mabuntis ako ng maaga katulad niyo?!

“Wala kang karapatang magsalita ng ganiyan. Hindi mo alam ang tunay na nagyari.” Hindi na napigilan ni Bea ang luha at galit.

“Ano ba kasi ‘yun nay?! Bakit kayo ganiyan sa akin! Dahil ba bunga ako ng pagkakamali ninyo?” Nanigas naman ang ina sa sinabi ng anak. “Ano? Ano bang totoo? Pumanaw na ba talaga si papa o inilayo niyo lang din siya sa akin–“ Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil isang malakas na sampal ang pinatikim sa kaniya ng ina.

Napaupo na lang sa sofa si Tinay at tuluyang bumagsak ang mga luha. Nahinto ang ngitngit sa loob ni Bea nang makitang humahagulgol na ang ina. Kahit isang beses ay hindi niya ito nakitang umiyak, ngayon lang. Nagsimula itong magkwento tungkol sa mapait nitong nakaraan.

“Dati kong manliligaw ang ama mo, pero kilala siyang basag-ulo kaya ayaw ko sa kaniya. Hanggang isang gabing lasing ito ay.. ay.. h-hin*lay niya ako. Wala akong nagawa at halos mabaliw ako, anak. Ipinakulong ng lolo mo ang walanghiyang lalaking iyon ngunit ngayon ay nakalaya na rin siya dahil walang matibay na ebidensya. Para bang hindi sapat ang mga salita ko…” muling humagulgol ng ina. Gimbal si Bea sa kaniyang narinig at tanging galit para sa ama at awa para sa kaniyang ina ang nararamdaman niya. Niyakap niya ang ina at inalo ito.

“Patawad po nay.. h-hindi ko a-alam,” paulit-ulit na sambit ng dalaga. Ngayon naiintindihan na niya kung bakit sobrang istrikta ng ina. Dahil biktima ito ng panggag*hasa ay natural lang na maging overprotective ito sa pananamit at kilos niya. Pati ba naman siyang anak ay hinusgahan din ito.

Dahil sa mga naisiwalat na lihim ay mas naging maganda ang relasyon ng mag-ina. Napatunayan nilang ang pamilya dapat ang magkakampi at hindi ang unang humuhusga upang malagpasan ang mga hamon ng buhay.

Advertisement