Inday TrendingInday Trending
Hindi Kita Iiwan

Hindi Kita Iiwan

“Sa wakas, nandito na rin ako,” masayang saad ni Aesha habang nakatingin sa gusaling matagal niya nang pangarap na kompanya. Pangarap niya kasing maging isang sikat na artista.

At heto siya ngayon, nasa labas ng kompanyang nais niyang pagtrabahuan. Labis na saya at pagkasabik ang kanyang nadarama. Sa wakas, masisimulan niya na ang pangarap niya.

“Okay miss, we’ll just call you. Thank you,” saad ng babae pagkatapos niyang mag audition para sa isang role sa isang upcoming drama. Ngumiti na lamang si Aesha at nagpasalamat, “Salamat po!”

Naka-ilang audition pa si Aesha ngunit lahat ay tatawagan na lamang daw siya. Nagsisimula na siyang panghinaan ng loob. Napapagod na rin kasi siya.

“Ano ba yan, tatawagan na naman? Bakit ba hindi nalang nila sabihin na ayaw nila sa akin? Pinapaasa lang nila ako eh!” naiinis na saad ng dalaga habang papalabas ng building. May nakita naman siyang lalaking nakaupo sa gilid at binubura ang numerong nakasulat sa may palapulsuan nito.

“Hoy, bawal ‘yan ah!” puna niya sa ginagawa ng lalaki.

“Bakit? Sabi nila try again diba? Oh edi ito, I will try again,” nakangising sagot ng lalaki kay Aesha. Natawa na lamang ang dalaga at lumapit sa binata. Kinuha niya ang alcohol sa bag niya at ang hawak na panyo ng binata.

“Ayan. Dapat kasi dahan-dahan lang eh. Para hindi ka nasasaktan,” nakangiting saad ni Aesha sa binata.

“Edward,” nakatinging saad ng binata sabay abot ng kanyang kamay sa dalaga habang nakatingin sa mga mata nito.

“Aesha,” sagot naman ng dalaga at kinuha ang kamay na nakaabot sa kanyang harapan.

Iyon ang naging simula ng magandang samahan ng dalawa. Parati silang magkasama sa mga auditions. Parati rin silang nakasuporta sa isa’t-isa sa lahat ng proyektong pinapalad na sila ay nakukuha. Naging sandalan nila ang isa’t-isa sa tuwing may isang pinaghihinaan na ng loob.

‘Di naman nagtagal ay tuluyan ng nahulog ang kanilang loob sa isa’t isa. Niligawan ni Edward si Aesha. Sinagot din naman siya agad ng dalaga matapos ang ilang buwang panliligaw. Umabot sa dalawang taon na ang kanilang relasyon at ganun pa rin ang kanilang ginagawa, pa-raket-raket at eextra-extra sa mga pelikula.

“Saan mo ba kasi ako dadalhin?” nasasabik na tanong ni Aesha sa nobyo. Nakatakip kasi ang mga kamay ng binata sa kanyang mga mata.

“Surprise! Happy 2nd Anniversary, babe!” masiglang saad ng binata ng tanggalin ang kanyang mga kamay na nakatakip sa mga mata ng dalaga at hinalikan siya nito sa pisngi.

Sinasabi niya na nga ba at may surpresa sa kanya ang nobyo. Masaya silang nag-celebrate ng kanilang anniversary ng maisipan ni Aesha na sabihin sa kasintahan ang matagal na ring bumabagabag sa kanyang isipan. Nais niyang magpaalam sana sa kanyang nobyo.

“Babe, huwag kang magagalit ha? May sasabihin kasi sana ako sa’yo eh,” marahan niyang saad kay Edward

“Sure. Ano yun, babe?” nakangiting sagot naman ni Edward sa nobya.

“Hindi naman sa hindi ako masaya kung ano tayo ngayon ha? Masaya ako. Kaso…” hinawakan muna ni Aesha ang kamay ni Edward bago siya magpatuloy sa kanyang sasabihin, “Ayoko na kasi ng pa-raket-raket lang. Gusto ko na ng matinong trabaho. Yung stable. Para na rin sa atin.”

“Paano yung pangarap natin na maging bida sa sarili nating pelikula?” tanong naman sa kanya ni Edward.

“Ako lang yung susuko, babe. Pero ikaw, hindi. Nakikita ko kasi sayo na ito talaga ang pangarap mo. Kaso, hindi na ganun para sa akin eh. Iba na ang gusto kong gawin. Pero hindi naman ibig sabihin ay iiwan na kita. Nandito pa rin ako, susuportahan ka. Magkaiba nga lang tayo ng pangarap na aabutin na,” tinitigan ng mabuti ni Edward ang mga mata ng nobya bago nagsalita.

“Ikaw ang bahala. Kung saan ka masaya, dun na rin ako,” bigla namang nagliwanag ang mukha ng dalaga at niyakap ang nobyo.

“Thank you! Thank you, babe!” sobrang saya ni Aesha dahil hindi niya akalaing papayagan siya ng nobyo.

Nag-apply si Aesha sa isang kompanya bilang isang marketing consultant, ito kasi ang natapos na kurso ng dalaga. Hindi rin iyon naging madali para sa kanya, pero para dahil gusto niyang patunayan ang kanyang sarili at para na rin masuportahan ang nobyo sa pangarap nila, ay hindi siya agad sumuko at nagpatuloy sa pagpupursige. Hanggang sa unti-unting umayos ang lahat at sa wakas ay may narating na rin ang paghihirap niya, naging isang permanent employee siya sa kanilang kompanya at madalas na maging employee-of-the-month dahil sa kanyang aking galing at sipag.

Samantalang si Edward ay ganun pa rin, pa extra-extra at naghihintay ng kanyang big break. Halos hindi na nga sila magkasama o magkita ng kasintahan dahil sa sobrang busy ng dalaga sa trabaho. Gayunpaman, ginagawan nila ng paraan na magka-oras pa rin sa isa’t-isa. Tumagal ng ganun ang kanilang relasyon.

“Alam kong super stressed ka today, but hindi ko hahayaang masira yung araw natin, okay?” masiglang saad ni Aesha sa binata habang nakapiring ang mga kamay niya sa mata ng kasintahan. Hindi naman umimiik ang binata.

“Surprise! Happy 3rd Anniversary, babe! Nagustuhan mo ba ang surprise ko?” masiglang tanong ni Aesha sa nobyo.

“Aesha,” hindi makapaniwala ang binata sa ginawa ng nobya. Pakiramdam niya ay nanliit siya. Umupo siya ng walang emosyong makikita sa kanyang mukha.

“Babe, kung about ‘to sa trabaho mo, sinabi ko naman na sa’yo ‘di ba? Naiintindihan ko naman, okay lang sa’kin,” malumanay na pahayag ni Aesha sa binata at hinawakan ang kamay nito.

“Eh kasi babe, ako yung lalaki, ako yung dapat na nagbibigay sa’yo ng mga pangangailangan mo. Ako ‘yung dapat gumagawa nito! Ako dapat yung nagbibigay sa’yo, hindi yung ikaw lang lagi yung bigay ng bigay! Ano ba, hindi ka ba napapagod?! Hindi ka ba nauubos?!” nag-uumpisa nang tumaas ang boses ng binata kaya naman mas hinigpitan ng dalaga ang pagkakahawak sa kamay ng nobyo para pakalmahin ito.

“Babe, hindi importante sa akin ‘yun. Ang importante ay mahal kita. At ang pagmamahal kung totoo, hindi talaga dapat nauubos, diba? Hindi napapagod at hindi sumusuko,” buong pusong pahayag ni Aesha.

“Hindi Aesha, ayoko na,” saad ng binata habang nakatingin sa kanyang mga mata.

“A-are you breaking up with me?” unti-unting namumuo ang luha sa gilid ng mga mata ng dalaga. Natigilan naman ang binata sa sinabi ng nobya.

“What? No! What I mean is, ayoko na. Ititigil ko na itong pangarap ko. Baka hindi talaga para sa akin ang pag-aartista. Baka may iba talagang plano para sa akin ang Diyos,” hinawakan ni Edward ang kamay ng nobya at marahang pinisil ito.

“Nakakainis ka! Akala ko hihiwalayan mo na ako!” natawa naman sila pareho sa naging reaksyon ng dalaga.

“Ikaw ang bahala, babe, gaya mo, dun na ako sa kung saan ka sasaya. Kung ano man ang desisiyon mo, rerespetuhin ko. Susuportahan kita basta ba mapapabuti ka. Ano man ang maging desisyon mo, nandito lang ako at sasamahan ka. Hindi kita iiwan,” puno ng pagmamahal na sagot ni Aesha sa kanyang nobyo.

“Maraming salamat, babe. Maraming salamat at kahit kailan ay hindi mo ako iniwan. Kahit na malayo na ang narating mo at ako, heto wala pa rin. Mahal na mahal kita at sobrang proud ako sayo,” tumayo si Edward at nilapitan ang dalaga para ikulong sa mga bisig niya.

“Mahal na mahal din kita, babe, at sobrang proud din ako sa’yo. Kasi you never gave up sa pangarap mo at patuloy na lumaban. Dun pa lang, proud na proud na ako sa’yo,” puno ng emosyong sagot ni Aesha sa nobyo.

Sinubukan muna ulit ni Edward ng isa pang beses bago niya tuluyang bitawan ang kanyang pangarap, at sino ba naman ang mag-aakala na kung kailan handa na siyang bumitaw ay kailan pa siya mabibigyan ng pinaka-iintay niyang big break. Ipinalabas ang pelikulang Bukas Ako Naman Ang Mamahalin Mo, kung saan si Edward ang gumanap bilang leading man, kinuha rin si Aesha bilang supporting actress para sa pelikula. Itong ang naging simula ng tagumpay niya sa industriya.

Mas naging matatag din naman ang kanilang relasyon at nagpatuloy sa nagpursige sa kanilang mga napiling career. Magkaibang landas man ang napili nilang tahakin ay pinagbubuklod parin sila ng kanilang pag-ibig para sa isa’t isa. Araw-araw ay pinipili pa rin nilang manatili sa tabi ng isa’t isa at patuloy na lumalaban ng magkasama. ‘Yan ang tunay na mahalaga.

Nawa’y tularan din sana natin si Edward na hindi sumuko sa kanyang pangarap kahit na gaano man ito kahirap ay nagpatuloy lamang lumaban. Sana rin ay tularan din natin si Aesha, na nagkaroon ng lakas ng loob na lumihis ng landas nang sa tingin niya ay hindi na ito nararapat sa kanya, at na maging matatag at magkaroon ng lakas na ipaglaban ang ating pag-ibig sa taong mahal natin. Nawa’y gaya ng dalaga, ay hindi tayo mapagod na magmahal.

Advertisement