Inday TrendingInday Trending
Puting Paru-Paro Sa Aking Kasal

Puting Paru-Paro Sa Aking Kasal

“Papa, malapit na ang kasal ko. Pagalingin mo na ang sarili mo, ha? Ayokong si mama lang ang maghahatid sa akin sa altar, gusto ko pati ikaw nandoon,” nguso ni Lady sa kaniyang amang halos isang buwan nang nagpapagaling sa ospital.

“Oo naman, anak. Ako pa ba? Bigyan mo ako ng isang linggo, makikita mo, nagdidilig na ako ulit ng mga halaman ko,” biro nito saka bahagyang humalakhak.

“Talaga, papa, ha? Aasahan ko ‘yan! Alam ko namang kayang-kaya mo labanan ‘yang sakit mo. Sakit lang ‘yan, papa kita!” sambit niya pa saka tinaas ang kaniyang kanang kamay, ginaya naman siya ng kaniyang ama saka nagtawanan lahat ng kanilang kaanak na nasa loob ng silid nito.

“O, sige na, lumakad na kayo. Nakakahiya sa kausap niyong organizer kung paghihintayin niyo nang matagal,” sabi ng kaniyang ama dahilan upang kailanganin na nilang umalis ang kaniyang mapapangasawa, “Ikaw na bahala sa unica hija ko, ha? Huwag kang magkakamalinng saktan ‘yan!” panakot pa ng kaniyang ama saka pinakita ang kaniyang kamao dahilan upang lalong magtawanan ang kanilang mga kaanak.

Nag-iisang anak ang dalagang malapit nang ikasal na si Lady. Kahit pa babae siya, mas malapit siya sa kaniyang ama kaysa sa kaniyang ina. Sa katunayan nga noong bata pa siya at naghiwalay ang kaniyang mga magulang, pinili niyang sumama sa kaniyang ama na wala kahit pa piso noon. Kahit sila nakain noon, ayos lang sa kaniya basta’t kasama niya ang kaniyang ama. Sa kabutihang palad naman, muling nagkabalikan ang kaniyang mga magulang dahilan upang umangat sila sa buhay.

Kaya ganoon niya na lamang kinukumbinsi ang ama na magpagaling na para makadalo sa kaniyang kasal. May c*ncer kasi ito sa buto, buti na lamang at naagapan din, dahilan upang unti-unting bumalik ang lakas nito. Ika niya, “Hindi pwedeng wala ang papa sa kasal ko, dapat nandoon siya kahit anong mangyari,” dahilan upang araw-araw niya itong dalawin at kuliting magpagaling na. Dalawang linggo na lang kasi, araw na ng kaniyang kasal.

Ngunit dahil nga abala sa pag-aasikaso ng kanilang kasal, dalawang araw na hindi nakadalaw ang dalaga at sa loob ng dalawang araw na palang ‘yon, labis na bumagsak ang katawan ng kaniyang ama.

“Papa, sabi ko sa’yo magpagaling ka, eh. Bakit hindi ka na naman makaupo ngayon?” nguso niya sa ama saka niya ito hinawakan sa kamay.

“Pasenya ka na, anak. Hindi ko rin alam, eh. Siguro ito na talaga ang gusto ng Panginoon,” sambit nito saka tiwanag ang binatang papakasalan ng ama, “Hijo, alam mo namang papa’s girl yung mapapangasawa mo, di ba?” tanong niya dito agad naman itong tumango, “Kung ganoon, tanging hiling ko lang sa’yo, kapag dumating yung araw na kailangan niya ako, ikaw ang magparamdam ng pagmamahal ng isang ama, ha? Gustuhin ko mang habangbuhay na nasa tabi ng prinsesa ko, mukhang hindi ko na makakaya.

“Papa naman, huwag kang magsalita ng ganyan!” awat ni Lady sa kaniyang ama saka ito niyakap.

Unti-unti nang nag-iiyakan ang mga tao sa silid pati na ang kaniyang ina. “At ikaw, unica hija ko, huwag kang mag-alala, palagi akong nasa tabi mo,” ika pa nito saka dahan-dahang hinihimas ang kaniyang likod.

Tila iyon na ang huling pag-uusap ng mag-ama dahil kinabukasan lang pagkauwi ng dalaga, tuluyan nang namaalam ang kaniyang ama.

Hindi maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ng dalaga sa mga oras na ito. Halos hindi siya kumain at umalis sa tabi ng kabaong ng kaniyang ama. Palagi niya itong kinakausap at iniiyakan.

Makalipas ang isang taon, dumating ang araw ng kanilang kasal. Wala sa ulirat ang dalaga. Parang kailan lamang kasi nailibing ang kaniyang ama dahilan upang tanungin siya ng kaniyang nobyo, “Gusto mo pa bang ituloy?” na kaagad naman niyang sinagot ng “oo”, saka nagmadaling nagpaayos sa mga maghihintay na make-up artists.

Dahan-dahang lumakad papunta sa altar ang dalaga kasama ang kaniyang ina. Iyak siya nang iyak habang hinahakbang ang kaniyang mga paa dahilan upang sa kalagitnaan ng simbahan, yakapin siya ng kaniyang ina at doon sila nag-iyakan. Nagsimula na ring mag-iyakan ang kanilang mga kaaanak pati ang kaniyang papakasalan.

Ngunit tila ikinagulat ng lahat ang isang puting paru-parung biglang pumasok sa simbahan at dumapo sa belo niya na hanggang matapos ang seremonya, hindi ito umalis.

“Hindi mo ako binigo, papa,” hikbi niya pagkatapos ng sermonya, “Sige na, papa, maglakbay ka na, magiging maayos rin ako,” at pagkatapos niyang sabihin ‘yon, agad na lumipad palabas ang natatanging puting paru-paro.

Kahit pagbalik-baliktarin mo man ang mundo, wala pa ring makakatumbas aa pagmamahal ng isang magulang. Dito ka lang makakatagpo ng tunay na kaibigan at kasangga.

Advertisement