Inday TrendingInday Trending
Bilanggo ng Pag-ibig

Bilanggo ng Pag-ibig

“Ma, tigilan niyo na po ako sa mga sinasabi niyo tungkol kay Aileen. Hindi po siya ganyang babae tulad ng sinasabi nIyo sa akin. Malaki po ang tiwala ko sa kanya,” sambit ni Nico sa kanyang inang si Aling Dalia.

“Nico, ikaw na lang sa lugar na ‘to ang naniniwala sa bagay na ‘yan. Lahat dito ay nakikita ‘yang nobya mo na kung sinu-sino ang kinakalantaryo! Layuan mo na siya kasi wala kang mapapala sa babaeng ‘yan kung hindi kapahamakan. Maniwala ka sa akin, anak,” giit ni Aling Dalia.

“Ma, tama na po ang usapan na ganito. Mahal ko po si Aileen at kung hindi niyo siya matatanggap ay wala na akong magagawa pa doon ngunit hindi niyo po ako mahahadlangan sa nararamdaman ko sa kanya,” mariing sambit ni Nico sabay talikod sa ina.

Matindi ang pagmamahal ni Nico sa dalagang si Aileen. Nakakabighani kasi ang taglay na kagandahan ng dilag at ang lahat ng kalalakihan sa kanilang lugar ay may gusto sa kanya. Kaya tila suwerte itong si Nico dahil sa dami nang nanliligaw kay Aileen ay siya ang sinagot ng dalaga.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Nico, may taglay na kalandian talaga itong si Aileen. Madalas itong makita ng ilang kapitbahay na kung sinu-sino ang mga lalaking inuuwi sa kanilang bahay at kung sinu-sino rin ang kanyang sinasamahan. Kaya tutol masyado si Aling Dalia sa pakikipagrelasyon ni Nico kay Aileen. Ngunit kahit ano pa ang sabihin ng ginang ay hindi nakikinig sa kanya ang anak.

“Nagkasagutan na naman ba kayo ng mama mo?” tanong ni Kylie sa kanyang kababatang si Nico. “Nakabusangot na naman kasi ‘yang mukha mo. Tungkol na naman ba ‘to kay Aileen?” dagdag pa ng dalaga.

“Ano pa ba? Hindi ko maintindihan kasi kay mama. Wala namang ginagawa sa kanya si Aileen sobra kung siraan niya sa akin. Ngayon ang sabi niya nakita daw ng isang kumare niya si Aileen na kasama si Buboy. Ang alam ko ay nanliligaw si Buboy kay Aileen pero imposibleng makipaglandian siya don kasi napag-usapan na namin ‘yan. Hindi si Buboy ang tipo niyang lalaki,” depensa ni Nico sa kanyang kasintahan.

“Naniwala ka naman?” tanong ni Kylie. “Huwag mo sanang mamasamain, Nico. Pero totoo kasi ang sinasabi ng nanay mo. Kahit ako nakita ko din siya noong isang gabi sa may likod ng poste, hinatid ni Buboy si Kylie at naghalikan sila,” sambit ng dalaga.

“Pati ba naman ikaw, Kylie, sinisiraan mo s’ya sa akin? Ano ba naman kayo? Hindi ganyang babae si Aileen!” galit na wika ni Nico.

“Kung hindi ka naniniwala ay pwede mo siyang puntahan ngayon at itanong mo sa kanya, Sabagay, wala namang kriminal ang umaamin sa kasalanan niya,” saad ni Kylie.

“Tama na ‘yan, Kylie. Saka wala siya sa kanila ngayon. May pinuntahan daw ang buong pamilya nila,” wika ng binata.

Dahil hindi mawala sa kanyang isipan ang mga sinabi ng kanyang ina at sa nakita ng kanyang kaibigang si Kylie ay nagtungo si Nico sa bahay ng nobya upang ipamukha sa mga ito na nagsasabi ng totoo sa kanya si Aileen.

Sa unang tingin ay tila walang tao nga sa bahay ng dalaga. Ngunit nang makita niyang bukas ang gate ay dahan-dahan siyang tumuloy. Dumaan siya sa bakuran upang sumilip sa silid ng dalaga at doon niya nakita ang kasintahan na pinaiibabawan ng isang binata.

Dahil sa nakita ay agad lumusob si Nico papasok ng silid ng dalaga at ginulpi ang lalaki. Nang makakita siya ng isang gunting ay agad niyang inundayan ng saksak sa tagiliran ang binata. Laking gulat niya nang makita na ang lalaking ito ay ang tinutukoy ni Kylie na si Buboy.

“A-ano ‘to, Aileen? Bakit mo nagawang mangaliwa sa akin,” sambit ng balisang si Nico.

“H-hndi ako nangangaliwa sa’yo, Nico. Masama ang pakiramdam ko kaya hindi ako nakasama sa pamilya ko. Hindi ko alam paano siyang nakapasok dito sa bahay pero nakita ko na lang na pinagsasamantalahan niya ako,” umiiyak na sambit ng dalaga.

“Natatakot ako, Aileen. Hindi ko sinasadyang gawin ‘yan sa kanya,” nangangtog na sambit ni Nico. Dahil nahimasmasan na rin ang binata at nakita niyang duguan na si Buboy ay agad niyang minaneho ang sasakyan nila Aileen at dinala ang binata sa ospital.

Ilang sandali matapos madala si Buboy sa ospital ay nilapitan si Nico ng pulis at agad dinakip. Nagkagulo sa ospital sapagkat ayaw sumama ni Nico sa mga ito.

“Sumama ka na ng mapayapa, Nico. Tetestigo ako sa’yo. Sasabihin ko sa kanila na pinatanggol mo lang ako. Magtiwala ka hindi kita pababayaan,” sambit ni Aileen. Dahil sa kanyang tinuran ay sumama ng mapayapa si Nico sa mga pulis.

Ngunit ni anino ng dalaga ay hindi nakita sa pulisya. Nagamot naman agad si Buboy sa saksak na kanyang natamo. Ngunit dahil na rin maimpluwensiya ang mga magulang ni Buboy at walang kahit sinong gustong tumistigo para sa binata ay nasintesyahan si Nico at nakulong.

Habang nasa kulungan ay hindi pa rin niya lubusang maisip kung bakit walang ginawa si Aileen para sa kanya. Isang araw ay dumalaw si Kylie sa kulungan upang kumustahin ang kaibigan.

“Maayos naman ako dito, Kylie. Maiba ako, may balita ka ba kay Aileen? Simula kasi nang makulong ako ay hindi pa siya nagpapakita sa akin,” wika ng binata. “Natatakot ako baka may masama nang nangyare sa kanya. Baka tinakot siya ng pamilya ni Buboy kaya hindi siya nakapagtestigo para sa akin,” sambit ni Nico.

“Nico, hanggang ngayon ba ay nagpapabilog ka pa din ng ulo kay Aileen. Sinadyan nila ang nangyare sa’yo. Hinayaan ka niyang makulong!” mariing sambit ni Kylie sa kaibigan. “Hindi kita maintindihan, Kylie. Ano bang ibig mong sabihin?” pagtataka ng binata.

“Habang nakakulong ka dito ay andon siya at malayang nagpapakasaya sa piling ni Buboy. Nagsasama na sila. Ang balita pa nga sa lugar natin ay magpapakasal na daw ang dalaga. Nico, gumising ka na sa katotohanan. Hindi ka mahal ni Aileen. Ginagamit ka lang niya,” giit ni Kylie.

“Hindi totoo ‘yang sinasabi mo, Kylie. Mahal ako ni Aileen at naniniwala ako don,” giit naman ni Nico.

Isang larawan ni Buboy at Aileen ang ipinakita ni Kylie sa binata.

“Siguro naman ay maniniwala ka na,” sambit ni Kylie.

Puro pagkasuklam na lamang ang kanyang naramdaman ng mga sandaling iyon nang makita niya ang larawan ng dalawa na masayang-masaya. Dito na tinanggap ni Nico ang katotohanan. Lubusan siyang nagsisisi kung bakit hindi pa siya nakinig noon sa kanyang ina. Nabulag siya sa lubusang pagmamahal niya sa dalaga. Hindi niya akalain na sa kabila ng pagtitiwala niya sa kanyang kasintahan ay ito pa pala ang igaganti sa kanya.

Wala ng magawa ni Nico kung hindi maghinagpis sa sinapit ng kanyang buhay. Ang pag-ibig na kanyang pinaglalaban ay siya palang magtatanggal sa kanya ng kalayaan.

Advertisement