Inday TrendingInday Trending
Ang Itim Na Bag ng Bumbay

Ang Itim Na Bag ng Bumbay

“Hoy, Erik, saan ka na naman pupunta?” sambit sa binatilyo ng kaniyang inang si Aling Emma.

“Bakit naka-uniporme ka na naman? Hindi ba ang sabi ko sa’yo ay hindi ka na mag-aaral. Hindi na nga natin kaya ang gamot ng kapatid mo gusto mo pang ipagpilitan ‘yang pag-aaral mo mahina naman ang ulo mo!” sigaw ng ina.

“Tsaka wala akong makakasama sa pag-aalaga nitong kapatid mo! Hubarin mo na ‘yang uniporme mo at magpalit ka ng pambahay. Mangalakal ka na lang para mamaya ay may maisaing tayo!” galit nitong sigaw sa anak.

Wala nang nagawa pa si Erik kung hindi magpalit ng damit.

Lingid sa kaalaman ng kaniyang ina ay nasa bisikletang ginagamit niya sa pangangalakal ang kaniyang mga gamit sa eskuwela. Dahan-dahan niyang inilagay doon ang kaniyang uniporme nang sandaling nakatalikod ang kaniyang ina.

Labing dalawang taong gulang lamang Erik at nasa ika-anim na baitang ng elementarya. Pilit siyang pinapahinto ng kaniyang ina upang matulungan niya ito sa pagkayod para sa pamilya. May sakit kasing iniinda ang nakababatang kapatid ni Erik. Bukod kasi sa hindi ito nakakalakad ay may epilepsy din ito. Ngunit buo ang loob ni Erik na makatapos ng pag-aaral.

Maagang umaalis si Erik upang mangalakal at pagkatapos naman ay sasaglit siya sa paaralan upang mag-aral. Ganito na ang kaniyang nakagawian. Sa tuwing kinakailangan niyang lumiban sa klase ay sinisigurado niyang makagagawa siya ng takdang aralin.

Subalit hindi maitatago ni Erik ang lahat ng ito sa kaniyang ina.

Isang araw ay nalaman ni Aling Emma ang ginagawang ito ng anak. Imbes na kahabagan ang anak ay halos mapunit ang buto ng bata sa tindi ng kaniyang panggugulpi.

“Walangh*ya ka! Akala mo ay maloloko mo ko! Hindi ba sinabi ko na sa’yo na itigil mo na iyang pangarap mo na makatapos ng pag-aaral. Hindi natin kaya na pag-aralin ka! Tsaka sa hina ng utak mo na ‘yan ay wala ka rin namang matututunan! Tanggapin mo na lang na mahirap tayo at salat sa kaalaman. At mananatiling ganoon ang kalagayan natin hanggang sa mamat*y tayo!” halos maputol ang litid ni Aling Emma sa galit sa anak.

“Nakakapag-uwi naman po ako ng pera, nay! Ginagawa ko naman po ang lahat ng makakaya ko! Parang awa niyo na po. Huwag niyo akong pahintuin sa pag-aaral. Para sa atin din naman po ang ginagawa kong ito,” paliwanag ni Erik habang hinahagupit siya ng ina.

“Tama na po, nay! Nasasaktan na po ako!” sambit muli ng binatilyo.

“Talagang tatamaan ka sa akin! Mas malaki sana ang iniuuwi mo sa bahay kung puro pangangalakal lang ang ginagawa mo buong araw! Hindi ka na papasok sa eskuwelahan, ha. Para makasigurado ako ay dalhin mo palagi ang kapatid mo sa pangangalakal!” giit ng ina.

Kinabukasan ay maagang umalis si Erik angkas ang kaniyang nakababatang kapatid sa bisikleta. Habang binabaybay nila ang bawat eskinita sa lugar ay hindi sinasadyang may nagulungan ang bisikleta na kaniyang minamaneho kaya agad niya itong sinilip.

Nakita niya ang isang maliit na itim na bag. Agad niya itong pinulot.

Nagpalinga-linga muna si Erik bago niya tuluyang buksan ang bag. Pagkabukas niya ay tumambad sa kaniya ang ilang bigkis ng pera. Hinalungkat niya muli ang bag at doon ay nakakita siya ng pagkakakilanlan ng may-ari nito.

Hindi nag-atubili si Erik at agad niyang hinanap ang tinitirhan ng may-ari ng bag. Hindi inalintana ni Erik ang init at bigat ng pagpedal ng kaniyang bisikletang may laman na kalakal. Hindi nagtagal ay natunton na rin niya ang bahay ng may-ari.

“Tao po! Tao po!” sigaw ni Erik.

Mayamaya at may lumabas na mula sa malaking bahay. Isang lalaking malaki ang pangangatawan. “Ano ang kailangan mo bata?” sambit ng ginoo.

“Ako po si Erik, ginoo. Kayo po ba si Ginoong Mohamad Faisal?” tanong ng binatilyo. “Oo, ako nga. Ano ang kailangan mo sa akin? Kailangan mo ba ng kalakal? Sandali lamang at kukuhain ko,” nakangiting wika ng ginoo.

“Opo, kailangan ko nga po, ginoo,” napangiting sambit ni Erik. “Pero bago po iyon ay nais ko pong ibalik sa inyo ang bag niyo,” saad ng binatilyo sabay kuha ng bag sa kaniyang bisikleta.

“Nagulungan po ng bisikleta ko ang bag niyo kanina. Paumanhin po at binuksan ko. Nakita ko po ang laman. Ngunit ang nais ko lamang pong tignan talaga ay kung mayroon akong makukuhang pagkakakilanlan ng may-ari nito. Ito po. Tanggapin niyo po,” sambit ni Erik sabay abot ng bag kay Ginoong Mohamad.

Nabigla si Mohamad sa ginawang ito ni Erik. Hindi niya akalain na isang batang may mabuting loob ang magbabalik nito. Tinanggap niya na kasi na tuluyan nang nawala ang bag kasama ang kaniyang mga salapi.

Inilabas ni Mohamad ang mga kalakal. Umalis na si Erik bago pa man niya ito mabigyan ng pabuya.

Hindi pa nakakalayo ang mga bata nang inatake ng epilepsy ang nakababatang kapatid ni Erik. “Engkay! Engkay!” tawag niya sa nakababatang kapatid.

“Tulungan niyo po ako! Tulong!” sigaw niya.

Narinig ito ni Mohamad at agad pinuntahan ang magkapatid. Kinuha ng ginoo ang bimpo niya at ipinakagat ito sa batang babae. Mayamaya ay nahimasmasan na rin ito.

“Maraming salamat po, ginoo! Hindi ko po kasi maiwasan na mataranta sa tuwing aatakihin ang kapatid ko. Maraming salamat po muli. Uuwi na po kami,” sambit ni Erik kay Mohamad.

“Erik, tama?” sambit ng ginoo. “Kayo lang bang dalawa ng kapatid mo? Gusto mo bang pumasok muna sa bahay namin para makapag-meryenda kayo?” paanyaya ng ginoo.

Napansin din ng ginoo ang mga pasa sa katawan ng binatilyo.

Habang kumakain ang mga bata ay hindi maiwasan ng ginoo na magtanong tungkol sa buhay ng dalawa.

Hindi naman sumasagot si Erik kaya ang nakababatang kapatid na lamang niya ang sumagot. “Ginulpi po ni nanay si kuya ko kahapon nang malamang pumasok na naman po siya sa eskuwela. Ayaw po kasi ni nanay na mag-aral pa si kuya kasi kailangan po niyang magkalakal para po sa pagkain namin at sa gamot ko. Wala na po kasi kaming tatay. Iniwan na po kami,” paliwanag ng bata.

Lubusang naawa ang ginoo sa sinabi ng nakababatang kapatid ni Erik.

“Ginoo, baka po isipin ninyo na nagpapaawa lamang kami. Huwag niyo na pong intindihin ang sinabi ng kapatid ko. Tsaka baka po ipakulong ninyo ang nanay ko,” takot ng binatilyo.

“Huwag kang mag-alala. Naiintindihan kita. Lubusan akong humahanga sa iyo, Erik. Hindi ka nagdalawang-isip na isauli sa akin ang aking bag kahit na nangangailangan kayo ng pamilya mo. At hindi lahat ng bata ay nagnanais na mag-aral pero ikaw ay ipinaglalaban mo sa iyong ina na makapag-aral ka. Saludo ako sa’yo!” sambit ng ginoo kay Erik.

“Dahil diyan ay nais sana kitang pag-aralin. Mag-isa na lamang ako sa buhay at ang kasama ko lamang dito sa bahay na ito ay ang aking ina. Kung mamarapatin niyo ay nais kong kuhain ang iyong ina upang maging kasambahay namin. Huwag kayong mag-alala sapagkat may matitirhan kayo dito. Ako na rin ang magpapaaral sa’yo,” dagdag pa ni Mohamad.

“Totoo po ba ang sinabi niyo, ginoo?” nanlaki ang mata ni Erik at hanggang tainga ang kaniyang ngiti. “Oo. Tutulungan ko din na maipagamot ang kapatid mo. Samahan mo ako sa bahay niyo nang masabi ko ang lahat ng ito sa nanay mo,” sambit ni Mohamad.

Dali-dali silang nagtungo sa kanilang bahay. Ipinaliwanag ni Mohamad kay Aling Emma ang kaniyang mga proposisyon sa kaniyang pamilya. Laking tuwa naman ni Aling Emma nang marinig niya ito. Laking pasasalamat niya kay Mohamad sa mabuti nitong kalooban.

“Sinusuklian ko lamang po ang kabaitan ng inyong anak. Ang hiling ko lamang po ay sana’y hindi na makalasap pa ng pananakit itong si Erik. Mabuti po siyang bata, Aling Emma. Mabuti po ang pagpapalaki niyo sa kaniya,” sambit ni Mohamad sa ginang.

Napaiyak naman si Aling Emma sa tinuran ng ginoo. Agad niyang niyakap ang anak at humingi ng kapatawaran dito. “Patawarin mo ako, anak. Nagawa ko lamang ang lahat ng iyon sapagkat naguguluhan na ako sa aking gagawin. Maraming salamat at dahil sa’yo ay muling nagkaroon ng pag-asa ang ating buhay,” sambit ng ina.

Hindi naglaon ay nagsilbi na si Aling Emma kila Mohamad bilang isang kasambahay. Nagpatuloy naman sa pag-aaral si Erik at Engkay.

Hindi sinayang ni Erik ang pagkakataong ibinigay sa kaniya. Nakatapos siya ng elementarya ng may unang karangalan at kasalukuyang pumapasok sa isang magandang paaralan sa hayskul.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Erik sa nangyari sa kaniyang buhay dahil lamang sa pinili niyang gawin ang nararapat.

Advertisement