“Akala ko ay hindi ka na makakapunta, Jake,” sambit ni Lanie sabay yakap ng mahigpit at halik sa nobyo.
“Kanina pa kita hinihintay dito sa bahay. Lumamig na tuloy ‘yung niluto ko para sa’yo,” wika ng dalaga habang tinatanggal ang tiyaleko ni Jake.
“Tara na sa kusina at kumain na tayo!” paanyaya ni Lanie.
“Mamaya ko na titikman ‘yang niluto mo. Kanina pa kita iniisip. Baka puwedeng ikaw muna ang tikman ko,” sambit naman ni Jake kay Lanie.
Dahil sabik na sabik sila sa isa’t isa ay agad niyapos ni Lanie ang nobyo.
Akmang tutuloy na sila sa kaniyang silid upang ipagpatuloy ang kanilang paglalambingan nang biglang tumunog ang selpon ni Jake. Kahit na pilit nila itong balewalain ay hindi ito tumitigil sa pagtunog kaya napilitan silang ihinto ang kanilang ginagawa.
“Sige na sagutin mo na ‘yan. Baka mamaya ay asawa mo na ‘yan at hinahanap ka,” sambit ni Lanie sa nobyo.
Agad namang sinagot ni Jake ang telepono at malambing nitong kinausap ang asawang si Candice.
Mag-aanim na taon nang kasal sina Candice at Jake at magpahanggang ngayon ay wala pa rin silang anak.
Si Lanie naman ang matalik na kaibigan ni Candice.
“Kailangan ko nang umuwi, Lanie. Ayokong maghinala si Candice. Hayaan mo. Bukas gagawa ako ng paraan para mapuntahan ka. Magha-half day ako sa trabaho,” pangako ni Jake.
Kahit na masama ang loob ni Lanie ay pumayag na rin siyang umuwi si Jake sa asawa nito.
“Nagluto ako para sa’yo, mahal,” salubong ni Candice sa asawa.
“Gusto mo bang ipaghain kita?” tanong nito. “Hindi na. Kumain na ako sa labas kanina. Sige, matutulog na ako,” tugon ni Jake.
Lingid sa kaalaman ni Jake ay nakakaramdam na ng ‘di maganda sa kaniya si Candice. Agad tumawag ang babae sa matalik niyang kaibigan na si Lanie.
“Lanie, pasensiya ka na kung naistorbo kita, ah. Pero kasi hindi ko na makayanan pa ito. Parang may napapansin kasi ako sa asawa ko. Parang nanlalamig na siya sa akin. Pakiramdam ko ay may iba na siya,” saad ni Candice kay Lanie.
“Paano mo nasabi ang ganiyang bagay, Candice? Baka naman pagod lang ang asawa mo sa trabaho kaya akala mo ay nanlalamig,” wika ni Lanie. “Iba ang kutob ko, Lanie,” sambit ng ginang. “Sa tingin ko ay may babae talaga siya,” dagdag pa nito.
“Sino naman ang pinaghihinalaan mong babae niya?” paniniguro ni Lanie. “Hindi ko alam. Pero kapag napatunayan ko talaga na may babae siya ay humanda sila sa akin ng babae niya,” pahayag ni Candice.
“Hindi ko alam kung bakit mayroong mga babaeng walang konsensiya na kayang sumira ng relasyon para sa pansariling kapakanan. Sabagay, ang mga demonyo ay hindi nag-iisip para sa iba,” dagdag pa ng ginang.
Napalunok ng tuyo si Lanie. Alam niyang kapag may sinabi ang kaibigan ay ginagawa niya ito.
Ngunit imbes na umiwas si Lanie kay Jake ay lalo pa siyang nakipagmabutihan dito.
“Hindi ko kayang mawala ka sa akin, Jake. Tatanggapin ko kahit pangalawa lang ako basta huwag mo akong iwan. Kailangan kita sa buhay ko,” sambit ni Lanie sa nobyo.
“Hayaan mo. Hindi ako magpapahuli sa asawa ko,” tugon ng lalaki.
“Bakit kasi hindi mo na lang siya iwan, Jake? Magsama na tayo,” wika ng dalaga. “Alam mong hindi puwedeng mangyari ‘yan. Kailangan ko ang pera ng pamilya ni Candice. Makuntento ka na ganito muna tayo. Basta ako ang bahala,” wika ni Jake.
Samantala, buong araw tinatawagan ni Candice ang kaniyang mister ngunit hindi ito sumasagot. Sa sobrang sama ng loob ng ginang ay minabuti niyang puntahan si Lanie upang may makausap.
Laking gulat ni Candice nang makita niyang lumabas si Jake sa bahay ni Lanie at hinalikan pa ito ng kaniyang mister.
Hindi lubos maisip ni Candice na ang mismong ahas pala na sumisira sa kanilang relasyon ay ang tinuturing niyang matalik na kaibigan. Kahit na gusto niyang lusubin ang dalawa dahil sa galit ay pinilit niyang huminahon upang makapag-isip.
“Hindi ako dapat magpadalus-dalos sa mga gagawin ko. Mga hay*p kayo. Makikita niyo!” galit niyang sambit.
Inunahan ni Candice si Jake na makauwi sa bahay.
Pagka-uwi ng asawa ay sinalubong niya ito ng buong ngiti na tila wala siyang alam sa ginagawang mali nito. Tulad ng dati ay inasikaso niya ng maayos si Jake.
“Jake, baka puwede naman tayong pumunta sa bahay nila Lanie. Gusto ko kasi siyang dalawin. Gusto kong magpasalamat sa kaniya sa lahat ng tulong na ginawa niya para sa akin,” paanyaya ni Candice sa kaniyang asawa. “Bakit kailangan na kasama pa ako? Alam mo namang wala akong hilig sa ganiyan. Ikaw na lang,” tugon ng asawa.
“Nakapunta ka na ba kina Lanie, Jake?” tanong ng ginang. Umiling si Jake. “Hindi pa. Ikaw na lang ang pumunta kina Lanie. Hindi ko naman siya masyadong ka-close. Ano ang gagawin ko doon?” giit ng lalaki sa asawa.
“Gusto kitang dalhin kina Lanie. Gusto kong makita mo kung saan ako pumupunta kapag wala ako dito. Tsaka gusto ko rin na maging close kayo ng best friend ko,” sambit ni Candice.
“Sige na naman, mahal. Pagbigyan mo na ako,” wika pa nito.
Dahil sa pagpupumilit ni Candice ay pumayag na rin ang asawa. Ang hindi niya alam ay may binabalak pala ang ginang.
Kinabukasan ay nagtungo ang mag-asawa kina Lanie. Kitang-kita ang pagkabalisa nila Jake at Lanie habang kasama nila si Candice.
Hindi pa man nakakaupo ang lahat ay nagwika na ang ginang. “Jake, dito ba ang love nest ninyo?” sambit ni Candice sa dalawa.
“Akala niyo ay hindi ko alam, noh. Akala niyo ay patuloy niyo akong gagawing t*nga sa panlolokong ginagawa ninyo sa akin,” dagdag pa niya.
“Anong sinasabi mo riyan, Candice? Hindi ko alam ang sinasabi mo. Ngayon lang ako nakapunta dito sa bahay ng kaibigan mo. Tsaka anong panloloko ba ang sinasabi mo?” sambit ni Jake.
“Oo nga, Candice. Anong ibig sabihin nito? Huwag mo naman akong bastusin sa sarili kong pamamahay,” wika naman ni Lanie.
“Talagang pinaninindigan niyo ‘yan, ha,” saad ni Candice.
“Akin na ang telepono mo, Jake. Ngayon na!” mahinahong sambit ng ginang.
“Akin na, Jake!” sigaw nito nung hindi ibinigay ng asawa ang kaniyang selpon.
Pilit kinuha ni Candice ang selpon ng asawa at nakita niyang naka-connect ang telepono nito sa Wi-Fi o Internet ni Lanie.
“Ito ang pruweba ko. Ang akala ko ba ay unang beses mo palang nakapunta dito, Jake. Bakit kaya nakakonekta agad ang telepono mo sa Wi-Fi dito sa bahay ni Lanie?” sambit niya.
“Hindi niyo ako maloloko. Nakita ko kayo kagabi na magkasama at hinalikan mo si Lanie, Jake. Ang kakapal ng mukha niyo!” galit na wika ni Candice.
“Pinaglaban kita sa mga magulang ko, Jake. Tapos ito pa ang igaganti mo?” pinipigilan ng ginang na maiyak.
“Ikaw, Lanie, itinuring kita na kapatid ko. Inahas mo ang asawa ko. Magsama kayong dalawa sa impiyerno!” sambit ni Candice sabay alis.
Bago lumabas ng pinto ang ginang ay tumigil muna ito at muling nagwika.
“Siya nga pala, Jake. Kagabi ay ipinaayos ko na sa mga abogado ko ang hatian ng pera natin. Tama ang mga magulang ko na magkaroon tayo ng kasunduan bago ang kasal natin. ‘Yang kotse mo ipapahatak ko na lang. Ang mga damit at ibang gamit mo ay ipapadeliver ko na lang dito. Huwag kang mag-alala, Jake. Iniwanan naman kita ng pera sa account mo sa banko para may panggastos kayo ng kalaguyo mo. Sana ay kasya na sa inyo ang isang libong piso. Magpakasasa kayo sa isa’t isa,” nakangiting sambit ni Candice sabay alis.
Hindi makapaniwala si Jake na halos walang itinira si Candice para sa kaniya sa sobrang galit nito. Tinangka niyang habulin ang asawa ngunit nakasakay na ito sa kotse at hindi na nagpapigil pa sa pag-alis.
Nanlulumo naman si Lanie sa mga nangyari.
Hindi naglaon ay tuluyan nang nakipaghiwalay si Candice sa kaniyang asawa. Tinupad niya ang kaniyang mga sinabi sa dalawa. Namuhay siya ng mas maligaya.
Samantalang si Jake ay lubusan ang pagsisisi sa ginawa niya kay Candice sapagkat hirap na hirap sila ni Lanie sa kanilang pamumuhay.