“Karding! Ano, linggu-linggo? Magsasabong ka na naman?” bulyaw ni Aling Mercedes sa asawa na palabas ng pinto. “Mercedes, naman. Hayaan mo na ako. Ito lang naman ang nag-iisang hilig ko,” bahagyang lambing ni Karding sa asawa.
Na totoo naman. Walang kahit na anong bisyo si Mang Karding. Hindi ito umiinom ng alak, naninigarilyo o gumagamit ng bawal na gamot. Sabong lang talaga.
Mayamaya lang ay tuluyan na nitong nauto ang asawa sa pangakong ibibili niya ito ng paborito nitong puto at dinuguan.
Napailing na lamang si Helen at nagpatuloy sa pagkain ng almusal.
Ganun naman ang mga ito parati. Pipigilan ng kaniyang ina ang kanilang tatay ngunit sa huli ay makukumbinsi din ito. Mabait kasi ang kanilang ama.
Isa pa, hindi naman daw nito kinukuha sa kanilang budget ang ipinangsasabong nito. Bagay na ipinagtataka ng kanilang ina. Hindi nito alam kung saan kumukuha ng perang panabong ang kanilang ama.
Bilang panganay na anak ay masasabi ni Helen na “good provider” ang kanilang ama. Sa edad nitong 59 ay ito pa din ang nagpapa-aral sa dalawa niyang kapatid na magka-college na sa susunod na taon.
May maganda kasing trabaho ang kanilang ama. Mataas ang posisyon nito sa kompaniyang pinagtatrabahuan. Hindi niya naman masasabi na maraming pera ang ama. Kumbaga ay sapat lang ang kinikita nito para matustusan ang pangangailangan ng pamilya nila.
Gabi na nang makauwi si Helen galing sa trabaho. Pasado alas onse na iyon kaya naman nagulat siya nang makitang gising pa rin ang kaniyang ama at nanonood ng pelikula na pinagbibidahan ni FPJ, ang paborito nitong aktor.
“Pa, bakit gising ka pa?” tanong ni Helen. “Hindi lang ako makatulog, anak.” Napatingin ang ama sa mug ng kape sa lamesita na wala ng laman.
“Eh, pa, nagkape ka na naman kasi, eh,” natatawang sabi ng anak sa ama.
“Oo nga, noh.” Natawa na din si Mang Karding.
Tinapos ng mag-ama ang pelikula bago sila pumunta sa kani-kanilang mga silid upang magpahinga.
“Anak,” tawag ni Mang Karding bago pa tuluyang makapasok ng kwarto si Helen.
“Po?”
“Masaya ako na ikaw ang aking panganay na anak,” pagpapatuloy ni Mang Karding at isinara na nito ang pinto bago pa man makasagot ang kaniyang anak.
Kinaumagahan ay biglang nagising si Helen dahil narinig niyang tila nagkakagulo sa kanilang bahay.
Ang naabutan niya na lamang noong nakalabas siya sa kaniyang silid ay ang ambulansiyang papaalis mula sa tapat ng kanilang bahay.
“Lianne, anong nangyayari?” tanong ni Helen sa kapatid na si Lianne na umiiyak sa isang sulok. “Ate, inatake daw sa puso si papa. Kakasugod lang sa kaniya sa ospital!” pautal-utal ito nang magsalita. Halatang hindi pa rin nahihimasmasan sa mga pangyayari.
“Nasaan si Vince?” Tukoy ni Helen sa isa pang nakababatang kapatid. “Kasama ni mama sa ambulansiya.” Hindi pa din ito tumitigil sa pag-iyak.
Inalo niya muna ang kapatid bago niya sinabi na magbihis ito at susunod sila sa ospital. Nais niya na ding umiyak ngunit ayaw niyang ipakita sa nakababatang kapatid na maging siya ay pinanghihinaan ng loob dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Mayamaya pa ay nasa ospital na sila. Doon ay naabutan nila ang kanilang ina na humahagulgol sa sahig habang pilit itong pinapakalma ni Vince.
“Kumusta na ho ang papa namin?” kinakabahang tanong ni Helen sa doktor. “I am so sorry pero wala na siya,” malungkot na tugon ng doktor.
“Paano na kami ngayong wala na si papa?” Iyon agad ang naisip ni Helen.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Helen. Sa isang iglap ay nawalan sila ng padre de pamilya. Matagal siyang natulala. Tahimik na lumuha. Nagbalik lamang siya sa kaniyang huwisyo nang abutan siya ni Vince ng isang bote ng tubig.
Minasdan ni Helen ang kapatid na lalaki. Makikita ang lungkot sa mukha nito ngunit nananatili itong kalmado. Niyakap niya ang kapatid at tila doon lamang ito nagkaroon ng tiyansa na magdalamhati. Matagal itong humagulgol sa kaniyang balikat bago ito tuluyang kumalma.
Si Helen ang nag-asikaso ng lahat dahil ang kanilang ina ay tulala pa din at hindi makapaniwala sa nangyari.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Namalayan na lamang ni Helen na ika-40 na araw na pala simula nung ilibing ang kanilang ama.
Nangungulila pa din sila lalo na’t biglaan ang pagkawala nito ngunit unti-unti na nilang natatanggap ang pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan.
Isang Sabado, habang nanananghalian ang mag-anak ay nagkaroon sila ng isang hindi inaasahang panauhin. Nagpakilala ito bilang si Atty. Harold Dela Cruz, ang abogado daw ni Mang Karding.
“Bakit ho? May mga utang ho ba ang asawa ko dahil sa pagsasabong niya? Kailangan na ho ba naming umalis sa bahay na ito?” kinakabahang wika ni Aling Mercedes.
Bahagyang natawa ang abogado. “Naku, hindi ho, misis. Sa katunayan nga ho ay maraming kayamanan ang iniwan sa inyo ng yumao niyong asawa.”
“Ano? Kayamanan? Paano nangyari ‘yun?” Gulung-gulo si Aling Mercedes. “Maraming hong naipundar ang inyong asawa mula sa pagsasabong niya,” sagot ni Atty. Dela Cruz habang binubuksan nito ang kaniyang bag na puno ng kung anu-anong papeles.
Inilabas nito ang mga dokumento kung saan nakasaad na ibinilin ni Mang Karding na mapupunta sa kaniyang asawa at mga anak ang lahat ng kaniyang mga ari-arian sa oras na pumanaw siya.
Manghang-mangha ang mag-anak sa mga ari-arian ni Mang Karding. May mga bahay, sasakyan at milyones ito sa bangko. Meron pa itong naiwang college plan para kina Vince at Lianne!
Matagal nang nakaalis ang abogado pero hindi pa rin makapaniwala ang pamilya ni Mang Karding sa mga sinabi nito.
Nakahinga naman ng maluwag si Helen. Mula nang mamat*y ang kanilang ama ay naging napakabigat ang nakaatang sa kaniyang balikat bilang panganay na anak ng pamilya. Mabuti na lamang at hindi sila pinabayaan ng kaniyang amang sabungero dahil imbes na pamanahan sila nito ng utang ay limpak-limpak na kayamanan ang iniwan nito sa kanila.