College pa lamang ay magkasintahan na sina Mikay at Joey subalit hindi tanggap ng mga magulang ni Mikay ang kanilang relasyon. “Anak lang ng janitor” si Joey kaya daw ganun.
Ang pamilya naman ni Mikay bagama’t hindi naman maituturing na ubod ng yaman ay pawang pamilya ng mga respetado at magagaling na doktor.
Kaya naman kahit na doktor na ang kasintahan ng dalaga at kung tutuusin ay nasa pareho ng antas ay hindi pa rin maganda ang pakikitungo ng mga magulang ni Mikay kay Joey.
Kung gaano kasama ang mga magulang ni Mikay kay Joey ay siyang bait naman ng mga magulang ni Joey sa dalaga. “Anak” pa nga kung tawagin nila si Mikay.
“Mahal, pasensiya ka na kina mama at papa kanina, ha. Alam mo na, mga pagod kaya siguro nakapagsalita ng ganun,” paghingi ng paumanhin ni Mikay.
Matagal bago nakasagot si Joey.
“Kaya ko namang tiisin ‘yun, mahal. Ang ayoko lang ay nadadamay sina nanay at tatay. Alam mo naman na wala akong masasabing hindi maganda sa mga magulang ko, ‘di ba? Grabeng sakripisyo ang dinanas nila makapagtapos lang ako,” malungkot na sabi ni Joey.
Nag-init ang sulok ng mga mata ni Mikay. Alam na alam niya ‘yun. Saksi siya at ang langit kung gaano kabuti ang mga magulang ni Joey. Kaya nga siguro biniyayaan sila ng anak na kasing bait ni Joey.
Bago pa man makapagsalita si Mikay ay muling nagsalita ang kasintahan.
“Wala ka namang kasalanan dun, mahal. Alam ko naman na ginagawa mo din ang lahat para matanggap nila tayo,” masuyong wika ni Joey sa kasintahan bago niya ginagap ang palad nito. “Hindi ko lang talaga maiwasang isipin minsan na siguro ay napakasaya natin kung tanggap nila tayo.”
Tahimik na lumuha ang magkasintahan. Bawat isa ay may piping hiling na sana ay tumulong ang langit upang maging malaya ang kanilang pagmamahalan.
“Mikay, pagkatapos ng duty mo sa ospital dumiretso ka sa Lumiere Hotel. Naka-reserve tayo doon for dinner.” Iyon ang text ng ina ng dalaga.
Agad nag-reply ang dalaga. “Ma, may plano kami ngayon ni Joey na mag-dinner. Puwede ko ba siyang isama?”
“Anak, family dinner ‘yun. Bakit ka magdadala ng hindi naman miyembro ng pamilya?” reply ng ina ni Mikay.
Bahagyang nasaktan si Mikay sa sinabi ng kaniyang ina subalit hindi niya na lamang ito pinansin. Kahit ayaw niya ay pinagbigyan niya na lamang ang ina para hindi na humaba ang diskusyon. Wala siyang nagawa kung ‘di ikansela ang plano nila ng nobyo.
“Okay lang, mahal. Mag-enjoy ka na lang muna sa family bonding niyo,” nakangiti pang sumagot sa kaniya ang nobyo.
Napabuntong-hininga si Mikay. Napakabait ng boyfriend niya kaya naman hindi niya mauunawaan kung bakit hindi ito gusto ng kaniyang mga magulang.
Pagdating ng dalaga sa restaurant kung saan sila magdi-dinner ay nagtaka siya nang may makitang lalaki na hindi niya kilala ngunit magiliw itong kinakausap ng kaniyang ama.
“Sino ‘yan?” bulong kaagad ni Mikay sa kapatid. “Dr. Ryan Mercedes daw. Doktor sa ospital nila daddy,” bulong naman ng kaniyang kapatid pabalik.
“Okay. Akala ko ba tayu-tayo lang? Ba’t may outsider?” takang usisa niya sa kapatid.
Nagkibit-balikat na lamang ang kapatid ni Mikay na tila sinasabing hindi nito alam.
“Hon, nandito na si Mikay. Ipakilala mo muna si Dr. Mercedes,” untag ng kaniyang ina sa kaniyang ama.
Nang magawi sa kaniya ang paningin ng ama ay bahagya nitong itinigil ang pakikipag-usap sa doktor na Ryan daw ang pangalan at ipinakilala siya dito. “Ryan, meet my daughter Mikay. Mikay, siya si Dr. Ryan Mercedes, isa sa pinakamagaling na doktor sa aming ospital.”
Magiliw siyang binati ng binata at naglahad pa ito ng palad upang makipagkamay na tinanggap niya naman.
Akala ni Mikay ay magiging okay ang dinner dahil mukha namang mabait ang doktor subalit napansin niya na tila nirereto siya ng mga magulang sa doktor. Lalo pa siyang nainis dahil mukhang interesado din sa kaniya ang binata.
Mayamaya ay nagtanong si Ryan. “Mikay, may boyfriend ka na ba?”
“Oo, doktor din siya sa ospital na pinagtatrabahuan ko. Si Dr. Joey Jimenez.” Bahagya pang napangiti si Mikay nang maalala ang kasintahan.
Napakunot ang noo ng binata. Tila mayroon itong inaalala. “Wait, parang kilala ko siya. Hindi ba siya ‘yung anak ng isang dating basurero?” tanong nito.
Tumikhim naman ang ama ng dalaga upang ibahin ang usapan. Ang mama ni Mikay ay nagpaalam na pupunta muna daw sa restroom. Tila napahiya ito sa takbo ng usapan.
“Oo, Dr. Mercedes. Siya nga ‘yun.” Ngumiti pa ng matamis si Mikay upang ipakita sa ama na hindi niya ikinahihiya ang magulang ng kaniyang nobyo.
Nasa kotse na sila pauwi nang galit na magsalita ang ang ama ng dalaga. “Mikay, hindi mo ba alam na ipinahiya mo ako? Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa ospital kapag nalaman nila na ang anak ko ay nakikipag-boyfriend sa isang anak ng basurero?”
Doon na bumuhos ang galit ni Mikay na kanina pa niya tinitimpi. “Pa, ako ang pinahiya mo! Nirereto mo ako sa ibang lalaki kahit na alam mong may nobyo na ako!” buwelta niya. “Sabihin mo nga sa akin, papa. Bakit ba hindi niyo matanggap-tanggap si Joey?”
“Anak, dahil maganda ka, matalino at may kaya ang pamilya natin! Halos perpekto ka! Makakahanap ka ng lalaking mas nakahihigit kay Joey! Ang dami-daming lalaki ang nagkakandarapa sa’yo. Mas gwapo, mas mayaman, mas mataas ang pinag-aralan. Bakit ba si Joey ang napili mo?” balik tanong ng ama.
Napahugot ng malalim na hininga si Mikay. Hindi niya makuha ang pinupunto ng ama. Tumingin na lamang siya sa labas upang bahagyang i-relax ang kaniyang pag-iisip subalit nanlaki ang mata niya nang makita na may isang malaking truck ang babangga sa kanila sa intersection at direktang babangga sa side na kinauupuan niya.
Isang malakas na tili lamang ang nagawa ni Mikay bago tuluyang binangga ng truck ang sasakyan nila.
“Mahal, kumusta ka na? Dinalhan kita ng paborito mong bulaklak, puting chrysanthemum. Alam mo ba na gustung-gusto ko din ang bulaklak na ito? Sabi kasi sa libro na nabasa ko ang ibig sabihin daw ng ganitong bulaklak ay loyal love. Parang ‘yung pagmamahalan natin,” pahayag ni Joey.
Naramdaman ng dalaga ang paghigpit ng hawak ng nobyo sa kaniyang mga kamay.
“Kaya naman, mahal, gumising ka na. Apat na buwan ka na ding natutulog. Ang payat-payat mo na.” Bahagyang nanginig ang boses ng binata. “Tsaka miss na miss na kita.”
May naramdaman ang dalaga na mainit na likidong pumatak sa kaniyang kanang kamay.
Nanggigilid ang luha sa mga mata ni Mikay. Kawawa naman ang mahal niya.
Kahit hirap na hirap ay pinilit niyang ibuka ang kaniyang mata. Panandalian siyang nasilaw kaya muli niyang ipinikit ang mata.
Nang muli siyang dumilat ay nakita niyang hindi nakatuon sa kaniya ang pansin ng nobyo. Bahagya niyang pinisil ang kamay nito na nakahawak sa kaniya kaya naman napatuon ang tingin nito sa kaniya.
“Mahal!” Nanlalaki ang mga mata ni Joey. Tila gulat na gulat sa pagmulat ng mga mata ng nobya.
Kahit hirap ay nginitian ni Mikay ang nobyo. “Kumusta na ang mahal ko?”
Hindi nakapagsalita ang kaniyang nobyo bagkus ay niyakap siya nito ng mahigit ngunit maingat na tila isa siyang babasaging diyamante.
Mayamaya lamang ay malakas na humahagulgol si Joey sa balikat ng nobya. “Akala ko hindi ka na babalik sa akin.”
Bahagyang hinaplos ni Mikay ang buhok ng binata. “Puwede ba naman ‘yun?”
May naalala si Joey kaya kumalas ito sa pagkakayakap niya sa kaniyang nobya. “Kailangan kong tawagin ang mga doktor. Pati sila mama at papa.”
“Nandito sila nanay at tatay?” tukoy ni Mikay sa mga magulang ng kasintahan. “Hindi. Ang mga magulang mo,” sagot ng nobyo.
Magtatanong pa sana ang dalaga subalit nakalabas na ng pinto si Joey.
Mayamaya lang ay dumating ang doktor ni Mikay upang siguraduhin na ligtas na ang kalagayan ng dalaga.
“Anak!” Umiiyak na lumapit ang ina ni Mikay. Wala itong ibang sinasabi kung ‘di “I’m sorry.”
Gayundin ang kaniyang ama. Niyakap lamang siya nito habang walang patid ang paghingi ng tawad.
Wala namang itinatagong hinanakit si Mikay sa kaniyang mga magulang. Alam niya na hinding-hindi gugustuhin ng mga ito na mapahamak siya.
Samantala, tahimik lamang na nagmamasid si Joey.
“Pasensiya ka na, anak. Alam ko na malaki ang kasalanan namin sa inyo ni Joey. Hinadlangan ko ang pagmamahalan niyong dalawa. Hinusgahan at sinukat ko ang pagmamahal niya para sa iyo,” umiiyak na humingi ng tawad ang ama ni Mikay.
“Anak, patawarin mo kami dahil kinailangan mo pa na mapunta sa ganitong sitwasyon para lamang makita namin ang wagas na pagmamahal ni Joey para sa iyo,” dagdag ng kaniyang ina.
Doon na napag-alaman ni Mikay na halos lahat pala ng espesyalista na tumingin sa kaniya ay nagsabi na isuko na lamang siya dahil napakababa ng tiyansa na magising siyang muli.
Maging ang kaniyang mga magulang ay handa na siyang pakawalan ngunit lumuhod daw si Joey at nagmakaawa na bigyan pa siya ng isa pang buwan.
“Utang ko pala ang buhay ko sa’yo,” nakangiting sabi ni Mikay sa nobyo nang mapag-isa sila sa kaniyang kwarto.
“Oo, kaya bilang kabayaran gusto kong makasama ka habang buhay,” tugon ni Joey.
Naramdaman ni Mikay ang lamig ng metal na isinuot ng nobyo sa kaniyang palasingsingan at ganun na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang mapagtanto niya ang gustong mangyari ni Joey.
“Mahal na mahal kita, Joey. Oo, pakakasalan kita.” Niyakap ni Mikay ang kaniyang nobyo ng mahigpit.
Malaki ang pasasalamat ni Mikay sa Poong Maykapal sa ikalawang pagkakataong ibinigay nito sa kanila. Sa wakas ay malaya na ang pag-iibigan nilang dalawa ni Joey.