Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Susuportahan Mo Ba Kami, Sis? - Inday Trending

Susuportahan Mo Ba Kami, Sis?

“Michelle, ang gwapo naman ng nobyo mo!” Humagikhik ang kaibigan ni Michelle na si Missy nang makita na sinusundo siya ni Raymond. Hawak ng lalaki ang isang kumpol ng pulang rosas at may mga tsokolate pa.

“Ano? Hindi kami!” tanggi ni Michelle.

“Manliligaw? Manliligaw pa lang ‘yan! Aba, eh, halos araw-araw kang binibigyan ng ganiyan,” wika ni Missy.

Pinigil ni Michelle na ngumiti at tuwid ang kaniyang ekspresyon nung lumapit ang lalaki.

“Michelle!” Ngumiti si Raymond ng malawak. “Hatid na kita pauwi? Akin na ang bag mo. Ako na ang magdadala.”

“Hindi na. Hindi na,” tanggi ng dalaga at agad na iniwas ang bag nang akmang kukuhanin ito ng binata sa kaniya.

Kumunot ang noo ni Raymond.“Bakit?”

“Ah, ihahatid ako ni Samuel. Nagsabi siya sa akin,” sagot ni Michelle.

Nakita ng dalaga ang paglungkot ng ekspresyon ng binata. Habang mistulang lumilipad naman ang mga paruparo sa kaniyang sikmura.

“Samuel?” paniniguro ni Raymond.Tumango ang dalaga. “Oo.”

Mula sa malayo ay nakita ni Michelle ang paparating na bulto nito. Malawak ang ngiti ni Samuel at pinagmamasdan sila.

“Nililigawan ka?” tanong ni Raymond.

Namula ang pisngi ni Michelle. Dahan-dahang siyang tumango dito at muli ay nakita niya ang ekspresyon na iyon sa binata, selos.

“Sige. Una na ako, ha. Pre, ingat kayo!” sabi pa ni Raymond kay Samuel. Iniwan niya kay Michelle ang mga dalang bulaklak at tsokolate.

Sa wakas ay ngumiti na si Michelle at mahinang tumili.

Tumawa rin si Samuel.“Ano? Kilig na kilig ka naman diyan!”

Ang totoo ay hindi manliligaw ng dalaga si Samuel dahil hindi ito lalaki. Pusong babae ito. Hindi mo malalaman hangga’t hindi kayo nagiging malapit sa isa’t isa.

Sikat sina Samuel at Raymond sa kanilang paaralan. Pareho kasing gwapo at matalino ang dalawa.

“Samuel, alis na tayo! Daming nakatingin sa akin! Siguradong sinusumpa na ako ng mga babae mo!” biro ni Michelle.

Sumimangot si Samuel sa dalaga.“Mga inggitera! Hayaan mo ‘yang mga palakang ‘yan!”Kinuha nito ang bag ni Michelle.

Kung titignan ay mukha talaga may relasyon ang dalawa kaya marami ang naiinggit sa dalaga. Mas dumoble pa simula nang lapitan ni Raymond ang dalaga para ligawan ito.

“Ano? Kamusta naman kayo ni Raymond? ‘Di mo pa rin ba sinasagot?” usisa ni Samuel sa dalaga.

Awtomatiko ang pagngiti ni Michelle sa tuwing mababanggit ang pangalan ng lalaking gusto niya. “Hindi pa.”

Lumawak agad ang ngiti ni Samuel sa sagot ni Michelle ngunit hindi ito binigyan pansin ng dalaga. May binulong pa ang binabae ngunit hindi rin nito narinig.

“Pero malapit na,” naisip ng dalaga.

Bukas kasi ay 18 na si Michelle. Magiging ganap na dalaga na siya. At ang usapan nila ng kaniyang mga magulang ay puwede na siyang magnobyo sa edad na labing-walong taong gulang kaya naman buong gabi siyang hindi nakatulog dahil sa saya.

Kinabukasan ay kinuntsaba ni Michelle ang kaibigang si Missy para sorpresahin si Raymond. Balak niyang dalhin ito sa paborito niyang lugar at doon niya ito sasagutin.

“Nakita mo na ba siya?” mahina ang boses ni Michelle habang nagtatago siya sa isang cubicle ng CR.

Tinawagan ni Michelle ang kaibigan at ipinapahanap niya si Raymond dito ngunit hindi raw nito makita. ‘Di kaya may sakit ito?

“Wala nga. Tinanong ko na nga si Marco, ‘yung kaklase niya. Pumasok naman daw. Pero ‘di ko makita. Nilibot ko na ang buong school,” sagot ni Missy mula sa kabilang linya.

Natigilan si Michelle sa pagsasalita nang marinig niyang may nag-uusap sa labas ng cubicle.

“Nakita niyo ba? Grabe! Hindi ko akalain na ganun pala si Raymond! Akala ko girlfriend ang hanap, eh. Boyfriend pala!”

“Hindi ba may nililigawan ‘yun?”

Halos pigilan ni Michelle ang sarili sa paghinga. Malamang siya ang tinutukoy ng mga ito!

“Balita ko palabas lang ‘yun. ‘Di ba strikto ang pamilya niya? Siyempre hindi puwede na lalambot-lambot siya!”

Nanatiling tahimik si Michelle habang nakikinig sa mga ito.

“Kawawa naman pala ‘yung babae? Alam kaya niya?”

Wala nang narinig pa na salita si Michelle. Bumukas ang pinto tanda ng pag-alis ng mga ito. Dahan-dahan siyang lumabas sa kaniyang pinagtataguan.

Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng mga ito. Imposibleng beki si Raymond! Imposible talaga! Ang tagal nang nanliligaw nito sa kaniya. Sasagutin na nga niya, ‘di ba?

Hindi talaga siya naniniwala. Wala lang talagang masabi ang mga iyon at gumagawa lang ng kuwento.

Ilang minutong pinagmasdan ni Michelle ang kaniyang sarili sa salamin. Nakaayos siya ngayon. May kolorete siya sa mukha.

Tumunog ang kaniyang cell phone at mabilis niyang sinagot ang tawag ni Missy. “Hoy, bruha! Nakita ko na si Raymond!”

“Saan?” Huminga si Michelle ng malalim. “May kasama, eh,” sagot ng kaibigan.

“Ayos lang. Ako na ang bahala. Nasaan nga?” naiinip na tanong niya ulit.

Kaya naman nang sinabi na ni Missy kung saan niya makikita ang lalaki ay pumunta siya agad sa nabanggit na lugar ng kaibigan.

Kabado si Michelle habang naglalakad siya papunta doon. Eto na ba ang tamang pagkakataon para dito?

“Raymond! May sasabihin ako!” tinawag ito ng dalaga ng nakangiti at mabilis namang lumingon ang binata.

Nawala ang ngiti ni Michelle nang makita niya ang kasama nito.“Bakit kayo magkasama ni Samuel?”

Hindi agad sumagot si Raymond.

Tinalunton ng dalaga ng tingin ang mga kamay nina Raymond at Samuel. Nanlaki ang kaniyang mata. Magkahawak kamay ang dalawa!

“May sasabihin kami sa’yo.” Kasabay ng mga katagang iyon ang pagbagsak ng mga luha sa pisngi ng dalaga.

Hindi na alam ni Michelle kung ano ang mga sumunod na nangyari. Kung paano ipinaliwanag sa kaniya ni Raymond na nilapitan siya nito para mapalapit sa taong matagal na nitong gusto, si Samuel.

“Patawarin mo kami. Hindi namin sinasadya!” umiiyak na paghingi ng tawad ni Raymond.

Hindi nakapagsalita si Michelle sa rebelasyong nabunyag. Naalala niya ang mga panahong hayagan kung magselos si Raymond. Hindi pala ito kay Samuel nagseselos. Sa kaniya pala ito nagseselos!

Gayunpaman ay pinilit niyang ngumiti nang magtanong ang kasama nito.

“Susuportahan mo ba kami, sis?” kinakabahang tanong ni Samuel.

Lumapit si Michelle kay Samuel at pabiro itong sinabunutan. “Mang-aagaw na beki!”

Nagkatawanan silang tatlo.

Masakit man ay alam naman ni Michelle na may mga bagay talaga na hindi puwedeng ipilit. Parang sila ni Raymond.

“Hatid na kita sa inyo?” sabi ng bagong lalaki na nagpakita ng interes kay Michelle. Si Kenneth.

Kanina pa pala siya nakatulala habang inaalala niya ang parteng iyon ng kaniyang buhay. Tatlong taon na rin naman ang nakalipas kaya tanggap niya na ang nangyari.

Masaya siya para sa kina Raymond at Samuel. Lalong naging malapit ang loob niya sa mga ito. Lalo na ngayon na unti-unti nang natatanggap ng pamilya ni Raymond ang relasyon ng dalawa.

Sino ba naman siya para tumutol sa kasiyahan ng mga ito?

“Sige. Salamat, ha.” Ngumiti si Michelle kay Kenneth.

Noong una ay tutol si Michelle sa panliligaw nito ngunit dahil sadyang mapilit ito ay dumating ang araw na nagbago ang kaniyang pagtingin dito. Hanggang sa lumalim na ang kaniyang nararamdaman.

“May sasabihin nga pala ako sa’yo mamaya,” sabi niya sa lalaki habang nakangiti.

“Sige. Parang kinakabahan ako diyan, ha,” biro nito sa kaniya.

Hindi ito dapat na kabahan. Sasagutin niya na ito. Sapat na ang oras na kinailangan niya para kilalanin ito at timbangin ang kaniyang nararamdaman.

“Sinasagot na kita. Tayo na,” masayang pahayag ni Michelle kay Kenneth.

Hindi makapaniwala si Kenneth noong una. Unti-unti ay niyakap siya nito.

Naisip ni Michelle na may dahilan kung bakit nangyari ang lahat tatlong taon na ang nakalilipas. Kaya hindi sila nagkatuluyan ni Raymond ay dahil hindi siya para dito kung ‘di nakalaan siya para kay Kenneth na tunay na pagkatao ang ipinakita sa kaniya simula pa lang sa umpisa.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.