Nagising si Keana sa malakas na sigaw ng kapatid ni Ryan na si Kuya Jay. “Anong ginawa niyo?”
Agad namang nagising at napabangon din sa kama si Ryan at napatingin sa katabing si Keana. Pareho silang walang saplot kaya naman napatakip silang pareho ng kumot.
Parehong makikita ang gulat sa mukha nilang tatlo na nasa loob ng silid.
Malapit na magkaibigan sina Keana at Ryan. Komportable sila sa isa’t isa at naging karamay nila ang isa’t isa sa mga naging problema at pagsubok na kinaharap nila sa kanilang buhay.
“Kailan ka pa naging tiboom, ha, Ryan?” nakakalokang tanong ni Kuya Jay. Pareho kasing binabae ang magkapatid kaya naman laking gulat na lang nito nang makitang walang saplot ang dalawa at nasa iisang kama lamang. Kahit sa kaniyang panaginip ay hindi niya naisip na posibleng may mangyari sa magkaibigan.
Hindi naman sumagot ang dalawa.
Agad na lang na umalis si Keana sa bahay nila Ryan. Hindi din alam ng babae kung paano haharapin ang sitwasyong kanilang kinakaharap.
Hindi naman kasi sinasadya ng magkaibigang Keana at Ryan na may mangyari sa kanila. Isang aksidente lamang iyon dahil pareho silang nalasing. Pareho kasing masama ang kanilang loob dahil pareho silang iniwan ng kanilang mga nobyo kaya naisipan nilang maglasing upang pansamantalang makalimutan ang sakit na nadarama.
Iyon nga lang ay hindi sinasadyang nauwi sa paglalaro ng apoy ang magkaibigan dahil na rin siguro sa sobrang kalasingan nilang dalawa.
“Lumayas ka rito! Malandi ka! Wala akong anak na malandi!” galit na galit na sigaw ng nanay ni Keana matapos niyang malaman na buntis ang kaniyang anak.
Isang buwan na ang nakakalipas simula nang may nangyari kina Keana at Ryan.
Bagama’t napapansin na ng dalaga ang mga sintomas ay ngayong araw niya lang din nakumpirma na nagdadalantao nga siya.
Nag-aalangan man ay agad namang ipinaalam ni Keana sa kaniyang ina ang kaniyang sitwasyon.
“Nay, please huwag mo namang gawin sa’kin ‘to!” umiiyak na pagmamakaawa ni Keana sa ina.
Isa-isa namang pinagtatapon ng kaniyang ina ang kaniyang mga damit at mga gamit sa labas ng kanilang bahay.
“Lumayas ka! Wala akong anak na malandi! Nakakahiya ka!” galit na galit na sigaw pa rin ng nanay niya.
Wala namang nagawa ang dalaga kung ‘di ang umiiyak na lamang habang pinupulot niya ang kaniyang mga damit at mga gamit.
Hindi alam ni Keana kung ano ang gagawin o kung saan pupunta. Napahawak siya sa kaniyang tiyan at naalala niya naman ang ama ng kaniyang magiging anak, si Ryan.
“Sandali!” sigaw ni Ryan habang papunta sa may pintuan ng bahay nila. May kumakatok kasi at galing pa siya sa kusina dahil nagluluto siya ng hapunan nila ng kapatid niya.
“Keana? Girl, anong nangyari sa’yo?” gulat na tanong ng binabae sa kaibigang umiiyak habang hawak-hawak ang mga gamit nito. Halata ding galing ito sa isang matinding sabunutan. Agad siyang niyakap ng dalaga habang umiiyak.
“Pinalayas ako nila nanay!” umiiyak na sumbong ni Keana sa kaibigan.
Hinagod naman ni Ryan ang likod ng dalaga at pilit na pinapatahan ito. “Shh, huwag ka nang umiyak. Gagawan natin ng paraan ‘to, okay?” pagpapakalma niya sa dalaga.
Dinala ni Ryan si Keana sa kwarto niya at pinatulog ito para makapagpahinga na muna.
Nang magising ang dalaga ay ipinagtapat niya kay Ryan ang kaniyang sitwasyon. Nagulat man ay buong puso namang papanagutan ni Ryan ang batang dinadala ni Keana.
Hindi man kasi tahasang aminin ni Ryan ay alam niya din sa kaniyang sarili na mahal niya ang dalaga kahit pa binabae siya. Tanggap kasi siya ng dalaga maging sino o ano man siya.
“Sigurado ba kayo diyan sa desisyon niyo?” hindi makapaniwalang tanong ni Kuya Jay sa dalawa. “Opo, kuya. Pananagutan ko po si Keana at ang magiging anak namin,” sagot naman ni Ryan sa kapatid.
“Don’t get me wrong, girl, ha. Maganda ka. Pero kasi naman bata pa lang si Ryan ay alam kong pusong babae ‘tong kapatid ko at ‘di hamak naman na mas maganda siya sa’yo kaya hindi ko talaga lubos maisip na papatulan ka niya,” parang hindi pa rin makapaniwalang pahayag ng kapatid ni Ryan. Napayuko na lamang ang dalaga sa kaniyang narinig.
Hinawakan ni Ryan ang kamay ni Keana kaya napatingin ang dalaga sa kaniya. Ngumiti siya dito na para bang sinasabi na huwag itong matakot dahil hindi ito nag-iisa at magkasama nilang haharapin ang problemang ‘to.
“Kuya, mahal ko po si Keana. Whether you like it or not papakasalan ko siya. Magiging ama ako sa anak namin at magiging mabuting asawa ako sa kaniya,” puno ng paninindigang saad ni Ryan sa kapatid.
Wala nang nagawa pa si Kuya Jay dahil buo na ang desisyon ng kaniyang kapatid.
Kinabukasan ay pumunta sila Keana, Ryan, Jay at mga magulang nila Ryan sa bahay ng dalaga para pormal na hingin ang kamay ni Keana sa kaniyang mga magulang.
“Kayo ba ay sigurado na sa inyong desisyon? Magpapakasal talaga kayo?” Bagama’t natutuwa ay hindi pa rin makapaniwala ang ina ni Keana sa naging desisyon ng dalawa. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman nila na binabae si Ryan.
“Opo, mahal ko po ang anak niyo at handa akong panagutan sila ng magiging anak namin,” sagot ni Ryan sa ina ng dalaga.
“Eh, mukhang mahal ka din naman ng anak namin. Tsaka nandiyan na ‘yan. Hanga din ako sa’yo, hijo, at nagpapasalamat ako dahil handa kang panagutan ang anak ko. Alam kong may puso kang babae pero dahil sa ginawa mo ay talo mo pa ang karamihan sa mga kalalakihan ngayon. Aasahan kong aalagan mo ang anak ko at ang mga magiging apo ko sa inyong dalawa,” sagot naman ng ama ni Keana kay Ryan. Tumayo ito at niyakap ang anak at si Ryan.
Hindi nagtagal ay agad din namang ikinasal sina Ryan at Keana. Makalipas ang ilang buwan ay ipinanganak ni Keana ang isang malusog na sanggol na babae.
Pareho mang may pusong babae ang dalawa ay hindi naman ito naging hadlang para maging masaya ang pamilya nina Keana at Ryan. Kasama ang kanilang anak ay patuloy silang namuhay ng punung-puno ng pagmamahal sa isa’t isa.
Kailanman ay hindi hadlang ang kasarian ng isang tao pagdating sa pag-ibig. Ang mahalaga ay tunay ang nararamdaman nila sa isa’t isa.