Lumaking mahirap si Lyn kaya ang laging laman ng kaniyang isip ay pagkakakitaan ng pera. Maglaba ng panty ng kapitbahay, magwalis sa bubong, manungkit ng mangga na pangbenta sa tapat ng kanilang bahay, magmasahe ng likod. Lahat ‘yan ay gagawin niya para sa munting pera na matatanggap niya. Para sa kaniya ay sing halaga ng oras ang pera kaya kahit anong raket ay papatusin ng babae.
Hindi rin kasi nakapagtapos ang dalaga kaya hirap din ito sa paghahanap ng trabaho kung saan maaari siyang kumita ng malaki.
Isang araw ay naisipan ni Lyn na magbenta ng mga iba’t ibang mga gamit. Nagpagawa siya sa kaniyang tiyuhin ng kariton gamit ang pinagtagpi-tagping mga kahoy. Shampoo, sitsirya, soft drinks, kendi, yosi at iba’t iba pang mga paninda ang laman ng kaniyang kariton.
Umaga pa lang ay naglalakad-lakad na si Lyn sa kanilang barangay upang magbenta ng mga gamit at pagkain.
Suwerte si Lyn kapag nasasaktuhan niyang may liga sa basketball court ng kanilang barangay dahil mabilis nauubos ang kaniyang paninda. Mahina na nga ang tatlong libong kita dahil simot na simot talaga ang laman ng kaniyang kariton.
Ilang araw na ang lumipas at palaging may galak sa puso ni Lyn dahil ubos palagi ang mga paninda niya. Minsan nga ay wala pang anim na oras siyang naglalakad ay ubos na agad ang laman ng kaniyang kariton.
Minsan nga ay napapaisip ang dalaga. “Hmm, suwerte ba ako o maganda lang talaga?” Pagkatapos na pagkatapos bigkasin ni Lyn ang mga salitang iyon ay biglang kumulog ng malakas at nagdilim ang kalangitan.
Napatingin si Lyn sa langit at nagmadaling umuwi para hindi mabasa ang kaniyang mga paninda.
Nang makauwi na si Lyn ay agad itong tumingin sa dala-dala niyang salamin. Habang nakaupo ito sa ilalim ng puno ng sinigwelas sa tabi ng bahay nila ay pinagmamasdan niya ang kaniyang sarili.
“Ang bilis talagang maubos ng paninda ko. Halos araw-araw ay palaki ng palaki ang kita ko,” kausap niya sa sarili habang nag-aayos sa harap ng salamin.
“Ang hirap palang maging maganda. Talagang araw-araw kang pagkakaguluhan!” saad niya pa ulit sa kaniyang sarili.
Wala anu-ano ay biglang kumidlat at kumulog ng malakas na siyang ikinagulat ng dalaga.
Naiinis na lamang siyang pumasok sa loob ng bahay nila.
Pagkapasok ni Lyn ay saktong naabutan niya ang tiyuhin niya. Kapatid ito ng mama niya. Ayaw ng dalaga dito dahil isa itong matandang binata na lasenggo.
Habang naglalakad ng pagewang-gewang ang lalaki ay natisod ito sa nakaharang na kariton ni Lyn.
Sa galit ay sumigaw ang lalaki. “Kanino ba ‘to? Basura! Paharang-harang sa dinadaanan, puny*ta!” gigil na saad ng lalaki habang tumatayo.
Dahil sa kalasingan ay pinaghahampas ng lalaki ang kariton na malapit sa pader at pinagsisipa pa ito.
Wala namang magawa si Lyn dahil baka saktan siya ng kaniyang tiyuhin kapag sinaway niya ito.
Nang makaalis ang lalaki ay agad na pinuntahan ni Lyn ang kaniyang munting kariton.
Ngunit sa gulat ng dalaga ay wala man lang sira o kahit gasgas man lang ang kaniyang kariton. Tinignan itong mabuti ng dalaga dahil rinig na rinig niya na nababali ang mga kahoy ng kaniyang kariton kanina. Nahihiwagaan man ay pinili na lang ng dalaga na matulog na dahil maglalako pa siya bukas.
Maaga gumising si Lyn para maaga rin siyang matapos sa kaniyang paglalako.
Nakaupo ang dalaga sa labas ng kanilang bahay habang umiinom ng kape at kumakain ng pandesal. Ang munting kariton naman ng babae ay nakapuwesto na malapit sa kanilang gate at handa nang maitulak.
Habang abala sa pagkain si Lyn sa mainit na pandesal ay may napansin siyang gumagalaw sa kaniyang kariton.
Tinignan itong mabuti ng dalaga at nakita nito ang isang duwende na naglalaro sa kaniyang kariton. Mahaba ang tenga nito at naka-shorts. Ang damit nito ay naka-long sleeves na manipis gaya ng sa mga magsasaka at nakasuot ng sumbrerong pula.
Nanlaki ang mata ng babae at napanganga sa kaniyang natunghayan. Hindi siya makapaniwalang may duwendeng naglalaro sa kaniyang kariton.
Tila napansin naman si Lyn ng duwende at tumingin ito sa kaniya. Ngumiti ng mabagal ang duwende at kumaway sa dalaga bago ito tumalon pababa ng kariton.
Sinundan ito ng tingin ni Lyn ngunit parang sumabay sa hangin ang duwende at biglang nawala. “Dinadaya ba ako ng mga mata ko?” tanong ng dalaga sa kaniyang sarili.
Hindi malaman ni Lyn kung lalapit ba siya sa kariton at magtitinda o magtatago na lamang siya sa loob ng kanilang bahay. Grabe ang kilabot na nadarama ni Lyn.
Naisip ng dalaga na mahalaga pa rin ang kita kaysa sa takot kaya naman kahit kinikilabutan siya ay itinuloy niya ang pagtitinda nung araw na iyon.
Tulad ng laging nangyayari ay maagang nakauwi si Lyn.
Hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan ang nangyari nung umaga kaya sinubukan niyang maglagay ng matamis na pagkain sa loob ng kariton at iniwan ito doon.
Gabi na naman at alam ni Lyn na darating na ang tiyuhin niyang lasenggo. Naiisip pa lang niya ang mukha ng lalaki ay naiinis na siya dahil bukod sa batugan ito ay palamunin pa sa bahay.
Nang makauwi na ang tiyuhin niya ay pinag-initan na naman ng lalaki ang kariton.
“Bakit nandito na naman ‘yang bwiset na kariton na ‘yan? Paharang-harang! Pwe!” sigaw ng lalaki at dinuraan pa ang kariton.
Wala namang magawa si Lyn dahil mag-aaway lamang sila nito kapag nagsalita pa siya.
Dis-oras ng gabi nang makarinig ang mag-ina ng malakas na sigaw galing sa kwarto ng tiyuhin ni Lyn.
Agad-agad namang tumakbo ang mag-ina sa kwarto nito at binuksan ang pinto.
“Anong nangyayari sa’yo?” nag-aalalang tanong ng ina ni Lyn sa kaniyang tiyuhin.
Hindi makasagot ang lalaki at sigaw lamang ito nang sigaw.
Ibinaba ng lalaki ang shorts at panloob nito at nakita ng mag-ina ang bukol na kulay asul sa puwitan nito. Labas nang labas ang nana mula dito at parami ng parami ang bukol nito.
Sa taranta ng ina ni Lyn ay agad na inutusan nito ang kaniyang anak upang humingi ng tulong sa manggagamot na nakatira sa tapat ng kanilang bahay.
“Ate Agring! Ate Agring! Tulong po! Tulungan niyo po kami,” sigaw ni Lyn sa labas ng bahay ng manggagamot.
Paglabas ng manggagamot ay halatang kagigising lang nito dahil hindi pa nga nasusuot nito ang kaniyang pustiso.
“Ano ‘yun? Bakit ka naririto ng dis-oras ng gabi, ha?” Tanong ni Ate Agring na bulol kung magsalita dahil wala pa itong suot na pustiso. “Ate Agring, ang tiyuhin ko po! Tulungan niyo! Parang awa niyo na,” paghihingi ni Lyn ng saklolo sa matanda.
Agad namang tinungo ng dalawa ang kinaroroonan ng lalaki.
Pagkapasok ay agad na nagpakuha ang manggagamot ng palanggana na may lamang tubig, kutsara, posporo at kandila.
Nang makuha na ng mag-ina ang mga gamit ay nagsimula na ang manggagamot. Dinasalan nito ang kandilang tutunawin at nilagyan ng krus ang kamay at paa ng lalaki gamit ang kandila. Nang matunaw na ang kandila sa kutsara ay agad niyang binuhos ito sa palangganang may tubig.
Ang sabi ni Ate Agring ay duwende daw ang may kagagawan ng nangyari sa tiyuhin ni Lyn.
“Ang ibig mong sabihin ay ‘yung maliit na tao na humahampas sa puwet ko ng kahoy na matinik ay hindi panaginip?” tanong ng tiyuhin ng dalaga. “Oo. Mukhang may nagawa ka sa kaniya kaya siya nagalit sa’yo,” tugon ng manggagamot.
“Mag-alay ka ng matatamis na pagkain sa likod ng bahay niyo at sinserong humingi ng tawad para maging maayos ka na,” payo ni Ate Agring sa tiyuhin ng dalaga.
Pagkatapos ay inihatid na ni Lyn si Ate Agring sa bahay nito.
Ngunit nang papaalis na ang dalaga ay tinawag ulit ito ni Ate Agring. “Lyn, masuwerte ka dahil may kakampi ka,” nakangiting komento ng matandang babae sabay pasok sa loob ng bahay niya.
Naging masagana ang pamumuhay ni Lyn at ng kaniyang ina dahil sa tulong ng kaniyang munting kaibigan. Ngayon ay bukod sa meron na silang gumagalang tindahan ay may maliit na karinderya at lugawan na ang ina ni Lyn na dinadayo pa ng mga naninirahan sa kabilang barangay.
Araw-araw namang inaalayan ni Lyn ang kaniyang munting kaibigan ng mga matatamis na pagkain at minsan nga ay kinakausap pa ito ng dalaga kahit wala siyang nakukuhang sagot.
Ang tiyuhin naman ni Lyn ay binawian ng buhay ilang buwan ang lumipas simula nung matawas ito.
Imbes na mag-alay kasi ng matamis na pagkain sa duwende ay paika-ika itong pumunta sa puno ng sinigwelas sa likod ng bahay at pinagmumura ito. Pinagsisipa ng lalaki ang puno at pinagsisira ang ilang sanga na naaabot nito.
Unti-unting nanghina ang katawan ng tiyuhin ni Lyn na para bang nabubulok ang katawan nito mula paa pataas hanggang sa bewang nito. Dahil sa kasamaan ng ugali ng tiyuhin ni Lyn ay natamo nito ang kaparusahang nararapat sa kaniya.
Lahat ng gawa ng Diyos mabuti man o hindi, nakikita man ng ating mga mata o hindi ay nararapat lang na irespeto. Matuto tayong rumespeto sa lahat ng nilalang na kasama nating naninirahan sa lupang ibabaw.