Inday TrendingInday Trending
Ang Nasa Loob ng Kabaong

Ang Nasa Loob ng Kabaong

Nagising ng dis-oras ng gabi si Arcie dahil sa alulong ng aso. ‘Di mawari ng lalaki kung kaninong aso ang umaalulong ngunit hindi ito tumitigil kaya napabangon ang lalaki.

“Kanino ba namang aso ‘yan? Bakit hindi patahimikin? Asar naman!” inis na bulong ng binata habang tumatayo.

Tatlong taon na rin ang nakalipas simula nung mawala ang aso ni Arcie kaya naman hindi puwedeng ang aso niyang nawala ang umaalulong.

Lumabas ang binata ng kaniyang kwarto. Tumingin-tingin siya sa labas ng kanilang bintana at sinubukang hanapin kung nasaan ang asong umaalulong.

Lalo pang nag-alab ang kuryosidad ng lalaki nang makarinig siya ng mga yabag ng paa na tila ba nagtatakbuhan at nagkakagulo ang mga ito.

Agad namang lumabas si Arcie dahil sa kaniyang narinig.

Nang makalabas ang binata ay iba sa inaasahan niya ang kaniyang nakita.

Prusisyon ng naglalakihang mga santo ang nakita ni Arcie. Mga kababaihan ang naglalakad. Nakasuot ang mga ito ng itim na belo dahilan upang hindi makita ang kanilang mga mukha.

Sa kadulu-duluhan ay may isang lalaking nakaitim. Pilit naman na inaaninag ng binata ang nilalang mula sa kaniyang kinatatayuan.

Hindi maintindihan ni Arcie ang ibig iparating sa kaniya ng lalaking nakaitim ngunit para bang may nais itong ipahiwatig sa kaniya.

Takot na nagmamadaling pumasok ang binata sa kanilang bahay dahil sa matatalim na tingin na ibinibigay sa kaniya ng lalaking nakaitim. Tila ba gusto nitong manakit.

Pumasok sa kwarto ang binata at inihanda ang sarili na matulog muli. Hinayaan na lang niya ang mga pangyayari nung gabing iyon.

Ilang minuto ang lumipas na nakapikit si Arcie nang marinig niya ang pag-ubo ng kaniyang lolo. Hirap na hirap sa pag-ubo ang matanda kaya naman agad-agad na pinuntahan ito ni Arcie.

Madilim ang paligid kaya binuksan ng binata ang ilaw ng kwarto nito at nabungaran niya ang isang pusang nakabulagta sa loob ng kwarto.

Ilang segundo rin ang lumipas nang mapagtanto ng binata na ang kaniyang lolo pala ay ilang taon nang lumisan sa mundong ibabaw kaya natawa na lamang siya sa kaniyang inastang pagmamadali kanina. Paano niya nakalimutan ang bagay na iyon?

Kumuha ang binata ng walis tambo sa gilid ng kwarto upang ipanggising sa pusang nakabulagta. Tinusuk-tusok ng binata ang tiyan ng pusa upang malaman kung ito ba’y humihinga pa.

Papalapit na sana ang binata sa pusa upang makita ito ng malapitan at maobserbahan kung buhay pa ito nang bigla siyang sinunggaban nito at kinalmot ang kaniyang mukha dahilan upang magulat ang binata at mapaatras siya sa kaniyang kinatatayuan.

Ramdam na ramdam ni Arcie ang pagkagat ng pusa at mga kalmot nito kaya buong puwersa niyang inihagis ang pusa na tumalsik naman malapit sa bintana ng kwarto.

Hindi alam ni Arcie kung bakit pero kahit anong sigaw niya ay walang boses na lumalabas sa kaniyang bibig. Nung tignan niya ang pusa ay dinidilaan lang nito ang kamay nitong may dugo bago ito tumalon palabas ng bintana.

Napatingin si Arcie sa kaniyang kamay at nakita niyang duguan ito dahil sa kagagawan ng pusa. Nanginig sa takot ang binata at agad itong tumakbo palabas upang tawagin ang kaniyang mga magulang.

Paikut-ikot na ang binata sa bahay nila ngunit hindi niya makita ang kaniyang mga magulang.

Habang naglalakad ay napansin ni Arcie na gumagalaw ang doorknob ng kanilang pinto na para bang pilit itong binubuksan. Kinabahan ang binata. Buti na lang at naka-lock ito ng mabuti. Kung sino man ang nagtatangkang buksan ito ay hindi nagtagumpay.

Ilang minutong katahimikan ang lumipas pero hindi pa rin mapanatag ang loob ng binata dahil sa mga pangyayari. Halos mawalan ng lakas ang tuhod niya nang maalala niya ang pintuan nila sa likod ng bahay.

Nanlaki ang kaniyang mga mata at nanginig ang kaniyang mga tuhod nang makita niyang nakabukas ng todo ang pintuan.

Naramdaman ni Arcie ang malamig na hangin na dumadampi sa kaniyang balat nang biglang may bumulong sa kaniyang likuran at sinabing, “Oras mo na.” Sabay sak*l sa kaniya ng ‘di kilalang tao gamit ang isang lubid.

Pilit tinatanggal ni Arcie ang lubid sa kaniyang leeg ngunit sadyang napakalakas ng nilalang na sumas*kal sa kaniya. Hindi mapigilang mapaluha ni Arcie at pilit tinatanong ang kaniyang sarili habang lumuluha. “Oras ko na ba? Oras ko na ba talaga? Hindi pa ako handa.”

Unti-unting naubos ang lakas ni Arcie hanggang sa tuluyang bumigay ang kaniyang katawan.

Agad na nagising si Arcie habang naghahabol siya ng kaniyang hininga.

Lubos ang pasasalamat ng binata dahil nagising siya sa kaniyang bangungot. Akala niya ay katapusan na niya dahil parang totoo ang lahat ng pangyayari sa kaniyang panaginip.

Bumaba ang binata upang uminom ng tubig dahil uhaw na uhaw ito at sobrang pagod na para bang naglakbay siya ng napakalayo.

Pagbaba ni Arcie ay napansin niyang napakaraming tao sa kanilang bahay. Mga kakilala at ‘di kilalang mga tao ang nasa loob.

“Bakit ang dami namang bisita? Ano kaya ang okasyon?” tanong ng binata sa sarili.

Napansin ng binata ang malakas na ilaw sa may garahe ng kanilang bahay at nagulat siya nang makakita siya ng isang puting kabaong.

Nanlaki ang mata ng binata at napatanong. “Pati rin ba si lola ay wala na?” kinakabahang tanong niya habang nanggigilid ang kaniyang mga luha.

Akmang lalapit na si Arcie sa kaniyang inang may kausap nang naulinigan niya ang kanilang usapan.

“Bangungot,” saad ng kaniyang ina habang tumitingin sa kabaong. “Kung oras mo na talaga ay oras mo na,” saad pa ng babae na namumugto ang mata.

Halos magimbal ang mundo ng binata sa narinig. Wala na nga ba ang kaniyang paboritong lola? Hindi na mapigil ang hagulgol ng binata at nang makarating siya sa harapan ng kabaong ay bigla siyang napatigil sa paghagulgol. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa kaniyang nasaksihan.

“Ako? P*tay na ako?” hindi makapaniwalang tanong ni Arcie.

Binawian ng buhay si Arcie nung gabing napanaginipan niya ang lalaking nakaitim na nasa dulo ng prusisyon. Kinabukasan ay natagpuan na lamang ang binata ng kaniyang ina na wala ng buhay sa kwarto nito.

Sinundo si Arcie ng kaniyang namayapang lolo.

Napag-alaman ng binata mula sa kaniyang lolo na ang lalaking nakaitim din pala ang pum*tay dito. Matalik na kaibigan ito ng kaniyang lolo nung nabubuhay pa ang dalawa. Magkasyoso rin ang dalawa sa negosyo.

Inakala ng lalaking nakaitim na trinaydor siya ng lolo ni Arcie kaya bumagsak ang kanilang negosyo. Nawala ang lahat sa kaniya. Iniwan din ang lalaking nakaitim ng kaniyang pamilya dahil sa pagkakalugmok nito sa utang. Hindi matanggap ng lalaki ang nangyari sa kaniyang buhay kaya naman naisipan nitong magpatiw*kal.

Ilang araw mula noong pumanaw ito ay sumunod naman na pumanaw ang lolo ni Arcie. Tulad ni Arcie nam*tay din ito dahil sa bangungot. Napanaginipan din ng lolo niya ang lalaking nakaitim. Tulad ng binata ay sin*kal din ng lalaking nakaitim ng lubid ang kaniyang lolo.

Si Arcie ang pinakapaboritong apo ng kaniyang lolo. Mahal na mahal siya ng matanda kaya naman naisipan itong idamay ng lalaking nakaitim dahil sa poot na nararamdaman nito para sa dating kaibigan. Madalas din kasing kasama ng matanda si Arcie noong ito ay nabubuhay pa.

Ilang araw lang din ang lumipas at dinala na sa kaniyang huling hantungan si Arcie. Tuluyan na siyang lumagay sa tahimik at sumama na sa kaniyang butihing lolo sa kabilang buhay.

Nang binisita ng lalaking nakaitim ang kaniyang pamilya ay tsaka niya lang natuklasan na ang kapatid niya pala ang may kasalanan kung bakit nawala sa kaniya ang lahat. Nagnanakaw ito ng pera sa kaniyang kompaniya na siyang naging dahilan kung bakit tuluyang bumagsak ang kaniyang negosyo.

Sising-sisi ang lalaking nakaitim sa kaniyang ginawa sa kaniyang kaibigan at sa apo nito. Wala silang kasalanan.

Si Arcie ang huling biktima ng lalaking nakaitim. Nagtagumpay man siya sa kaniyang hangarin na makapaghiganti ay hindi pa rin nawala ang galit sa kaniyang puso. Galit para sa kaniyang sarili.

Nanatili ang hindi matahimik na kaluluwa ng lalaking nakaitim sa lupang ibabaw. Gabi-gabi ay nakikita itong umiiyak sa puntod ng mag-lolo. Gabi-gabi ay humihingi ito ng kapatawaran sa kaniyang matalik na kaibigan at sa paborito nitong apo.

Advertisement