Isang pandemya ang sumubok sa buong mundo dahil sa kumakalat ngayong virus na tinawag ng mga siyentipiko bilang COVID-19. Nahirapan ang buong mundo at ang lahat ay nangangailangan ng tulong, gaya na lang ng mga taong pansalamantalang nawalan ng trabaho dahil kinailangan munang manatili sa bahay upang hindi na kumalat ang nakakatakot na virus.
“Kailan ba matatapos ang virus na ito?” nahihirapang wika ni Sonya.
“Kaya nga e. Ang hirap naman ng ganitong buhay, laging nakakulong at wala tayong pera dahil walang trabaho. Alam mo, hindi tayo mam*matay sa virus na iyan. Mam*m*tay tayo sa gutom,” mahabang sagot naman ni Claire.
“Ang mahirap d’yan kung kinupit na ni kapitan ang tulong para sa’ting mga mahihirap,” wika ni Sonya na agad namang sinang-ayunan ni Claire.
“Ay! Naku! Sinabi mo pa,” wika ni Claire. “Alam mo naman ang karamihan sa mga opisyal dito sa Pinas, mga kurakot.”
“Tama ka d’yan! Pero sana maisip rin nila na sa ganitong panahon ay huwag nang pairalin ang pamumulitika,” wika ni Sonya.
“Sana nga, Sonya. Sana may konsensiya pa sila,” sang-ayon ni Claire.
Mag-iisang buwan nang naganap ang ipinatupad na ECQ o Enhanced Community Quarantine, kaya halos mag-iisang buwan na ring walang trabaho sina Sonya at Claire. At sa loob ng halos isang buwan na iyon ay wala pa rin silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.
“Mamaya ay magbibigay si Kapitan ng ayuda,” pagbibigay alam ni Diego, isa sa mga tanod ng kanilang barangay.
“Ano naman kayang tulong iyan?” mahinang wika ni Claire.
“Sana naman sasapat ang tulong na iyan sa’tin,” usal naman ni Sonya.
Masyado nang delayed ang tulong ng barangay nila. Sa ibang barangay ay pang-tatlong ayuda na ang ibinibigay ng mga kapitan. Sa kanila ay ito pa lang ang una.
Kinahapunan ay dumating na nga ang kanilang unang ayuda. Dalawang kilong bigas, dalawang sardinas at isang pancit canton.
“Kapitan, mawalang galang na po. Pero ito lang po ba ang ibibigay ninyo sa’min? Dalawang kilong bigas, dalawang sardinas at isang pancit canton? Hanggang kailan po namin pakikinabangan ito, kap?” Walang alinlangang tanong ni Rex.
“Oo nga po. Umaasa pa naman kami na sasapt ang ibibigay ninyong ayuda dahil sa ibang barangay, ilang beses na silang nabigyan. Pero dito sa’tin isang beses pa lang,” segunda naman ni Sonya.
Simpleng ngumiti si Kapitan Geronimo saka paisa-isang sinagot ang tanong nila. “Iniisip niyo bang kinurakot ko kayo?” Mahinahon at nakangiting wika ni Kapitan Geronimo, hindi makikitaan ng kahit anumang galit ang mukha.
Walang ni isa man sa kanila ang nakapagsalita dahil sa diretsong sinabi ng kanilang kapitan.
“Mga kababayan, ako ang niluklok ninyong na kapitan at ni minsan ay hindi ko kayo kailanman dinaya. Naiintindihan ko ang mga hinaing ninyo, kesyo ‘yong ibang Barangay ay nakatanggap na ng maraming ayuda. Pero kayo ay ito pa rin ang una at kakaunti pa.
Pasensya na kayo kung ang subdivision natin ay kasali sa tinatawag nilang middle class. Akala kasi ng mga opisyal, lahat ng nakatira rito ay mayayaman. Kaya hindi sila natarantang bigyan tayo agad ng ayuda. Mas inuna nila ang mga mamamayan na walang-wala.
Kaya hindi kataka-taka kung bakit mas mabilis sa kanila ang ayuda ng gobyerno samantalang tayo ay ngayon pa lang naalala. Hindi ko po nais sirain ang pangalan ko dahil lamang sa relief goods na akala ninyo’y kinurakot ko mga ka-barangay. Updated naman ang barangay kung ano lang ang tulong na natanggap namin, kaya iyon lang din ang naibibigay namin sa inyo,” mahaba at mahinahong paliwanag ni Kapitan Geronimo.
“Gano’n po ba ang nagyari, kap? Pasensya na po kung pinagdudahan ka namin. Alam niyo naman po na desperado na kami. Hindi na namin alam kung ano ang gagawin namin kap. Paubos na rin kasi ang naipon naming pera,” malungkot na wika ni Claire.
“Oo nga, kap. Iniisip kasi namin na hindi kami mam*m*tay sa virus na ‘yan, pero sa gutom, sigurado iyon!” Sang-ayon naman ni Rex.
Nilapitan ni Kapitan Geronimo si Rex saka inakbayan. “Hindi ko hahayaang mangyari iyon sa inyong kinasasakupan ko. Magtutulungan tayo, lalo na ngayong may malaking pagsubok na kinakaharap ang lahat ng tao,” sinserong sambit ni Geronimo.
“Salamat sa paliwanag kap, ha? At least nalinawan kaming lahat. Alam mo kap, mas maigi talaga iyong napapaliwanagan mo ang mga nasasakupan mo para malaman naman nila ‘yong parte mo. Alam mo naman kap na sobrang mapanghusga ang mga tao ngayon,” wika ni Claire na ngayon ay wala ng kung ano-anong masamang iniisip sa kapitan ng kanilang barangay.
“Naiintindihan ko. Wala namang taong perpekto,” pagsang-ayon ni Geronimo. “Asahan ninyo ang tulong ko. Maraming salamat.” Iyon lang at umalis na si Kapitan Geronimo sa harapan nila upang ipagpatuloy ang pamimigay ng mga ayudang kailangan ng mga tao.
Huwag tayong agad-agad manghusga kung hindi naman natin alam kung ano ang totoong nangyari. Mabuti na lang sa huli ay naipaunawa ni Kapitan Geronimo sa kanila ang tunay na kondisyon ng kaniyang nasasakupan.