Si Mikoy ay walong taong gulang at nasa ikalawang baitang na sa elementarya. Siya ay nagmula sa simpleng pamilya. Anak siya nina Mang Rudy at Aling Celia na ang tanging ikinabubuhay ay pagtitinda ng gulay sa palengke. Si Mikoy ay mabait, masipag at masayahing bata kaya naman mahal na mahal siya ng kaniyang nanay at tatay pati na rin ng kaniyang mga kaibigan.
Araw-araw niyang nilalakad ang daan papuntang eskwelahan dahil ito’y malapit lang sa kanilang bahay at para na rin makatipid siya. Tulong na niya iyon sa kaniyang mga magulang na napapagod maghanapbuhay para sa kaniyang pag-aaral at sa kanilang pamilya.
Isang araw, habang siya’y naglalakad ay napansin niya ang isang matandang babae na nakaupo sa tabi ng basurahan. Ito’y mukhang malungkot at at hinang-hina na.
“T-teka, ano kayang ginagawa roon ni lola?” nagtatakang sabi ni Mikoy sa isip.
Agad niya itong nilapitan at kinausap.
“Lola, bakit po kayo nariyan sa tabi ng basurahan? Mabaho at marumi po riyan, baka magkasakit pa po kayo!” aniya sa matandang babae.
Tiningnan siya ng matanda at ngumiti.
“Napagod lang ako iho kaya naupo ako rito. Huwag mo akong alalahanin,” sagot nito sa kaniya.
Sa sobrang pag-aalala ay binuksan ni Mikoy ang dalang bag at kinuha sa loob niyon ang baon niyang tinapay.
Iniabot niya ang kaniyang baon sa matanda.
“Kain po kayo lola! Sa inyo na po iyan, kainin niyo po iyan ha? Mag-iingat po kayo rito,” masayang sabi ng bata sa kausap.
Matapos ibigay ang baong tinapay sa lola ay agad na tumakbo na si Mikoy dahil mahuhuli na siya sa klase.
“Sige po, mauna na po ako lola!” sigaw niya.
“S-salamat, iho! Ang bait mong bata!” tugon ng matanda.
Nang sulyapan niya ito ay nakita niyang binuksan nito ang balot na plastik at kinain na ang tinapay.
Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi bago tuluyang magpatuloy sa paglalakad.
Nang sumunod na araw, nakita na naman ni Mikoy ang matandang babae. Nakapuwesto na naman ito sa dating kinauupuan sa tabi ng basurahan.
Ipinagtataka niya iyon at hindi maiwasang maawa kaya nilapitan niya uli ito.
“Lola, narito pa rin kayo? Saan po ba ang bahay niyo?” tanong niya.
Tanging ngiti lamang ang isinagot nito sa kaniya.
Dali-dali niyang binuksan ang dalang bag at inilabas ang baong biskwit.
“Ito po lola, kainin niyo po ito para hindi kayo magutom!”
“Maraming salamat, iho!” sagot nito.
Ang pagbibigay ni Mikoy ng pagkain sa matanda ay naulit nang sumunod pang mga araw. Nagtataka naman ang nanay niya kung bakit palaging gutom ang anak sa tuwing umuuwi sa bahay samantalang pinababaunan naman ito.
“Anak, bakit gutom na gutom ka? Hindi mo ba kinakain ang mga ipinapabaon ko sa iyo?” tanong ni Aling Celia.
“Marami lang po kaming ginagawa sa iskul inay kaya napagod po ako at nagutom,” sagot niya sa ina.
Kinabukasan, nang mapadaan uli si Mikoy sa kinaroroonang lugar ng matandang babae sa tabi ng basurahan ngunit wala na ito roon. Maya-maya ay may tumawag sa kaniyang likuran.
“Iho, iho!”
Nang lingunin ang tumawag sa kaniya ay laking gulat niya. Nakatayo sa kaniyang harapan ang matandang babae na palagi niyang binibigyan ng pagkain. Maayos na ang bihis nito at may kasamang babae na mukhang mayaman at mas bata ang edad.
“Lola?”
“Ako nga, iho!” masaya nitong bati sa sa kaniya. “Siya ‘yung bata na palaging nagbibigay sa akin ng pagkain!” sabi pa nito sa babaeng kasama.
“Salamat, bata. Ako si Lorraine, ako ang kaniyang anak. Lola Minda na lang ang itawag mo sa kaniya. May sakit kasi ang nanay ko na palaging nakakalimot. Nang umalis ako sa bahay para pumasok sa trabaho ay tinakasan niya ang aking kapatid at nagpalakad-lakad sa kalye. Ilang araw ko siyang hinanap, mabuti na lamang at napadaan ako rito at nakita ko siyang nakaupo sa tabi ng basurahan. Ang sabi niya sa akin ay hindi raw siya umalis rito dahil nakalimutan niya ang daan pauwi sa amin,” paliwanag ng babae.
“Ganoon po ba? Wala pong anuman. Naawa po kasi ako kay lola kaya binibigyan ko po siya ng pagkain para hindi po siya magutom.”
“Maraming salamat uli ha sa pagmamalasakit mo kay nanay. Hinding-hindi ko makakalimutan ang kabutihang ginawa mo, bata. Sa mura mong edad, naisip mo nang tumulong sa iyong kapwa. Nawa’y pagpalain ka pa ng Panginoon,” sabi pa ng babae.
“Walang anuman po iyon. Maninibago lang po ako kasi hindi ko na po makikita si lola sa tuwing papasok ako sa iskul,” pabiro ngunit maluha-luhang sambit niya.
Mahigpit niyang niyakap ang matanda at nagpaalam dito.
“Bye bye, batang mabait!” anito.
Bago tuluyang umalis ay may iniabot na sobre sa kaniya ang babae. Nang buksan niya iyon ay laking gulat niya.
“Wow! Ang dami pong pera nito!” nagtataka niyang tanong nang makita ang laman ng sobre. Naglalaman iyon ng sampung libong piso.
“Kaunting gantimpala para sa iyong kabaitan. Tanggapin mo na para iyan sa iyong pag-aaral. Gamitin mo sana sa wasto,” hayag ng babae.
Maya-maya ay nagpaalam na sa kaniya ang mag-ina at nangakong hindi iyon ang kanilang huling pagkikita.
Hindi makapaniwala si Mikoy na sa kaniyang simpleng pagmamagandang loob ay may natanggap pa siyang biyaya.