“Itʼs a prank!”
Ang hiyaw ng magbabarkadang Vincent, Prince at Bea sa isa nilang kaeskuwelang si Paul matapos nila itong i-prank na nawawala ang bag nito. Ang totooʼy itinago lamang naman nila iyon.
Ang sama naman ng tingin ni Paul sa kanila habang sila naman ay tawa pa nang tawa.
“Hindi kaya kayo nakakatuwa. Nagmamadali akong umuwi, dahil may sakit ang mama ko pero inubos nʼyo ang oras ko para lang dito!” galit na hiyaw ni Paul sa kanila.
“Ang KJ mo naman! Prank nga lang, e!” ganti naman ni Bea.
Napailing na lang si Paul at nagmadaling lumabas ng kanilang room upang umuwi na.
Tuwang-tuwa sina Vincent, Prince at Bea sa pagsasagawa ng ibaʼt ibang prank. Simula kasi nang mawili sila sa panonood ng mga ganoong videos sa social media ay nahilig na rin silang gayahin ang mga iyon. Marami-rami na rin silang nabiktima at karamihan ay pawang mga kaeskuwela nila.
Lingid sa kaalaman ng tatlo ay marami nang naiinis sa kanila. Iyon nga lang ay pinagpapasensiyahan na lamang sila para walang gulo.
“Guys, may bagong uso ngayong prank!” tawag ni Vincent habang hawak ang kaniyang cellphone. Ipinakita niya ang video na nagpe-play ngayon sa screen.
Video iyon ng mga kabataang bigla na lang gigisingin ang kanilang natutulog na ama at sasabihing magtago sila, habang natataranta. Tapos bigla nilang ibubuking na naglalaro lamang naman sila ng tagu-taguan.
“Masaya ʼyan!” komento ni Prince. “Gawin natin sa amin. Lagi pa namang tulog si papa sa salas!” may ngisi ang mga labing dagdag pa niya.
“Aba, sige!”
Nagkasundo ang tatlo. Nang araw ding iyon ay sa bahay nila Prince sila dumiretso upang isagawa ang prank.
Tamang-tama ang dating ng magbabarkada! Naabutan nilang natutulog ang ama ni Prince sa salas ng bahay ng mga ito. Ang magandaʼy naghihilik pa!
Pumuwesto na ang tatlo. Nagsenyasan. Ibinaba nila ang kanilang mga bag at sinumulan nang gawin ang prank.
“Papa, papa! Magtago tayo, dali!” kunwariʼy natatarantang gising ni Prince sa kaniyang ama.
“Papa, papa! Magtago tayo, dalian mo!” ulit pa niya nang hindi pa magising ang ama.
“Ha? Bakit?! Bakit?!” Natatarantang bumangon ang ama ni Prince. Halos magkandarapa pa ito sa pagsunod sa kaniya sa pagtatago… at ganoon na nga ang mangyari!
Napasala nang tapak ang ama ni Prince at nadulas sa sahig. Humampas ang ulo nito sa kanto ng maliit na la mesitang katabi ng sofa.
Nawalan ito ng malay!
“Hala, Prince, ang papa mo!”
Natulala ang tatlong magbabarkada. Ngayon, sila naman ang nataranta. Nakita nilang may dugong umagos mula sa nauntog na noo ng ama ni Prince!
“Papa! Papa, gising!” hiyaw ni Prince habang sakay sila ng ambulansya.
Ang laki ng pagsisisi nilang magbabarkada sa nagawang kasalanan dahil sa kapa-prank nila. Halos hindi sila makausap pagdating nila sa ospital.
Tumagal ng ilang oras na walang malay ang ama ni Prince. Hagulhol ang tatlo at halos maubusan na ng luha sa kaiiyak. Maga na ang mata ni Bea, habang si Prince ay tulala. Si Vincent naman ay nanginginig sa takot.
Mabuti na lang at naagapan ang nangyari sa ama ni Prince. Agad na tinahi ang sugat nito sa noo at nang magising ay sermon ang inabot nila rito.
Kaniya-kaniyang sermon din ang inabot nina Vincent at Bea sa kanilang mga magulang. Pati kasi ang mga ito ay naperwisyo dahil lahat silaʼy nagbigay ng tulong pinansyal para sa gastusin ng ama ni Prince sa ospital.
“Sorry po” na lamang ang tanging naisasagot ng tatlo. Hiyang-hiya sila sa kanilang mga sarili.
Na-realize nilang totoo nga palang hindi na nakakatuwa ang mga prank na napapanuod at ginagaya nila sa internet. Nakakaperwisyo na sila ng kapwa.
Dahil sa nangyari ay natutunan nilang hindi lahat ng nakikita at napapanuod nilang nakakatuwa sa internet at social media ay dapat nilang gayahin. Dapat alam nila kung hanggang saan lang at kung ano ang tamang pagbibiro sa kapwa.
Humingi na lamang ng tawad ang tatlo at nangakong hindi na uulitin pa ang mga ginagawa nilang kalokohan.
Sa ngayon ay grounded sila bilang parusa. Walang gadget, walang internet, walang telebisyon at walang gimik. Iyon ang parusang ipinataw sa kanila ng kani-kaniyang mga magulang upang sila ay magtanda at buong puso naman nila iyong tinanggap bilang pagpapakita na aminado sila sa kanilang kasalanan at talagang pinagsisisihan nila iyon.