Hindi makapaniwala si Odessa nang marinig ang sinabi ng doktor sa kaniya.
“Pakiulit po, dok? Pakiulit po?” nakamulagat na sabi ni Odessa sa doktor. Parang naninikip ang kaniyang dibdib. Hindi siya makahinga. Pakiramdam niya ay binagsakan siya ng langit at lupa.
“Stage 2, ovarian c*ncer… you have to undergo a series of chem*therapy…”
Hindi na narinig ni Odessa ang iba pang sinabi ng doktor. Ang tumatak sa utak niya, may sakit siyang malala at kailangan niyang dumaan sa maraming serye ng chemotherapy. Nagsimulang dumaloy ang luha sa kaniyang mga mata.
Umalis ng ospital si Odessa na tila lumulutang ang isipan. Hindi siya pumayag sa sinasabi ng doktor na kailangan niyang magdaan sa proseso ng panggagamot. Kahit noon pa man, hindi siya sanay na may kemikal na dumadaloy sa kaniyang katawan.
Kung maghahanay ng mga taong pinaka-workaholic at pinakamatipid sa buong mundo, mangunguna sa listahan si Odessa. Ibinuhos niya ang kaniyang buong panahon sa pagtatrabaho. Isinubsob niya ang sarili sa bawat bunton ng mga papel sa opisina. At kinilala naman ang kaniyang husay at dedikasyon.
May dahilan ang lahat ng ito. Ayaw niyang maalala ang kalungkutang lumulukob sa kaniya sa tuwing maaalala ang pag-aabandona sa kaniya ng mga magulang. Kuwento ng isang madre na kumupkop sa kaniya sa ampunan, iniwan lamang daw siya sa labas nito. May nag-ampon sa kaniya subalit nam*tay rin. Itinaguyod ni Odessa ang kaniyang sarili.
Hindi rin siya nakipagkaibigan sa kahit na kanino. Kilala siyang tahimik sa opisina at loner, subalit kahit na ganito, marami pa rin ang humahanga sa kaniya dahil sa angking sipag, husay, at dedikasyon sa kaniyang trabaho.
“Wala ka bang boyfriend, Odessa? Sayang. Maganda at magaling ka pa naman,” minsan ay biro sa kaniya ng katrabaho.
Sa mga ganitong pagkakataon, ngumingiti lamang si Odessa. Wala siyang balak mag-asawa. Ni hindi pa siya nagkakaroon ng kasintahan.
Nagtungo si Odessa sa isang branch ng kaniyang bangko upang alamin ang laman ng kaniyang savings. Sinabi niya kasi sa kanilang accounting office na ideretso sa kaniyang savings account ang kaniyang suweldo, incentives, bonus, at maging 13th month pay simula noong siya ay magtrabaho sa naturang kompanya. 20 taon na siyang nagtatrabaho roon. Kumukuha lamang siya ng kailangan niya sa ATM, na naglalaman naman ng perang iniwan sa kaniya ng umampon sa kaniya.
Nagulat si Odessa nang malaman ang laman ng kaniyang savings. Nagulat din ang bank manager na kaniyang kausap. Tumataginting na 15 milyong piso ang laman nito.
“Hindi po ba ninyo alam, ma’am, na milyonarya na po kayo?” takang tanong ng bank manager.
“H-hindi ko alam…” nausal na lamang ni Odessa.
Kinagabihan, labis na namroblema si Odessa. Alam niyang sapat na sapat ang kaniyang naipon upang magpagaling sa kaniyang sakit. Problemado rin siya na kung sakaling mawala siya, saan naman kaya mapupunta ang perang ito? Napagpasyahan ni Odessa na gamitin ang pera upang makapaglakbay sa buong mundo.
At nilakbay nga ni Odessa ang buong mundo. Nagsimula siya sa buong Pilipinas, sa Asya, sa Europa, at sa iba pang mga bansang ninais niyang makita. Buong panahon niya ay ginugol niya sa trabaho. At ngayong buhay pa siya, gusto niyang ilaan ito sa pagtanaw sa buong mundo, gamit ang perang pinaghirapan niya.
Ayaw niyang masayang ang pera niya para lamang sa pagpapagamot, dahil alam niyang sa kam*tay*n din naman mauuwi ang buhay ng tao.
Sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas matapos ang halos isang taong paglalakbay, hinang-hina na si Odessa. Subalit masaya siya. Masaya ang kaniyang kaluluwa dahil nagawa niya ang gusto niya, at wala siyang pinagsisihan.
Sa pagbabalik niya sa ospital, lumala ang sakit ni Odessa. Hindi na niya kinaya ang sakit kaya wala siyang magawa kundi magpa-confine sa ospital. May nalalabi pa siyang milyon sa bangko. Inisip niya kung saan ito maaaring ilagak.
Habang nag-iisip si Odessa, nanariwa sa kaniya ang lahat. Nakararamdam ng kaunting pagsisisi ang dalaga dahil parang buong buhay niya ay inilaaan lamang niya sa trabaho, at ngayon, dito lamang pala mahihinto ang lahat. Hindi siya nabuhay para mamuhay. At ngayon, mawawala siya sa mundo nang mag-isa at walang karamay. Napagtanto niyang may mas mahalaga pa pala sa pag-iimpok at pagpaparami ng pera, dahil kailangan din itong gamitin upang maging masaya at mapasaya ang iba.
Sumakabilang buhay si Odessa nang mag-isa. Subalit bago siya malagutan ng hininga, naihabilin niya na ang kaniyang naiwang pera ay mapupunta sa bahay-ampunan na kumupkop sa kaniya. Doon, maraming mga bata ang mapapasaya ng perang pinaghirapan niya.