“Ethan, tantanan mo na ‘yang paglalaro mo ng baseball! Wala ka namang mapapala d’yan!” bulyaw ni Aling Moden, isang araw nang umuwing basang-basa sa pawis ang kaniyang bunsong anak.
“Anong walang mapapala, mama? Eh, sa isang taon nga po, lalaban na kami sa ibang bansa!” sambit ni Ethan matapos hubarin ang damit niyang halos mapipiga sa pawis.
“Sigurado ka bang makakalipad kayo patungong ibang bansa? Wala nga kayong sapat na pera,” tugon niya saka sinampay ang damit ng anak.
“E ‘di manghihingi sa gobyerno, tutal ilalaban naman po namin ang bansa natin,” sagot sa kaniya ng binata dahilan upang mapabuntong-hininga siya.
“Naku, bahala ka, ha, mas mabuti nang tigilan mo na ‘yan at mag-aral ka na lang!” pangungumbinsi niya sa anak saka niya itong bahagyang piningot.
“Nag-aaral naman ako, mama. Magtiwala lang po kayo sa’kin, magtatagumpay kami!” punong pag-asang sambit nito. Wala na siyang ibang nasabi sa binata kaya nilayasan niya na lamang ito’t dumiretso sa kanilang kusina.
Nasa elementarya pa lamang ang anak ni Aling Moden, malimit na niya itong pigilan sa kagustuhan nitong maglaro ng baseball. Bukod kasi sa palagi na lamang itong nabibilad sa araw, madalas pa itong makakuha ng mababang marka dahil sa mga leksyong kaniyang hindi natututunan.
Nagawa niya itong patigilin noong elementarya dahil nga sa rasong ito, ngunit nang tumuntong na ng hayskul ang binata, ninais muli nitong sumali sa baseball team ng kanilang paaralan at nangakong hindi papabayaan ang kaniyang pag-aral.
Natupad naman ng binata ang kaniyang pangako, nakakuha ito ng mataas na parangal nang magtapos siya ngunit para sa kaniya, hindi pa rin ito sapat. ‘Ika niya, “Siguro kung hindi sumali ang anak ko sa baseball team, makukuha niya ang pinakamataas na karangalan,” dahilan upang pigilan niya ito sa kagustuhang maging manlalaro muli sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.
Ngunit tila hindi mapigil ang kaniyang anak. Madalas, tumatakas pa ito sa kaniya para lamang makapag-ensayo at makipaglaro sa mga tambay sa basketball court, dahilan upang madalas siyang magalit dito. Kaya naman, nitong mga nakaraang araw, hinayaan na niya itong makapaglaro, kaysa naman daw matuyot ang kaniyang dugo kakapigil at hindi naman siya nito sinusunod.
Kinabukasan, maagang nagpaalam ang kaniyang anak. Manghihingi raw ang grupo nito ng donasyon sa gobyerno sa Maynila.
“Huwag ka nang sumama, wala namang kasigiraduhan kung mabibigyan kayo, eh,” pangungumbinsi niya nang maabutang nagsasapatos ang kaniyang anak.
“Ayos lang, mama, ang mahalaga po, sumubok kami,” sambit nito saka tuluyang nagpaalam sa kaniya.
“Sinasayang mo lang ang buhay mo, anak. Uuwi lang kayong luhaan. Ano ba nga namang pakialam nila sa inyo, saka malabong manalo kayo sa ibang lahi, Diyos ko!” bulong niya sa sarili saka huminga nang malalim.
Hinanda na niya ang sarili pagkat alam niya, pag-uwi ng kaniyang anak, dadramahan siya nito. Sigurado kasi siyang hindi sila susuportahan ng gobyerno.
Mag-aalas otso ng gabi nang makauwi ang kaniyang anak. Agad niya itong nilapitan at sinabing, “Ano, wala kayong napala, ‘no?”
“Naku, mama, lahat ng gastusin namin, sasagutin nila!” sagot nito dahilan upang bahagya siyang matameme.
“Ah, ganoon ba? Mabuti naman. Kaso mukhang masasayang ang pera nila dahil wala naman kayong laban sa ibang lahi,” ‘ika niya dahilan upang mapakunot ang mukha ng kaniyang anak at bumuntong hininga sa harapan niya. Agad itong dumiretso sa kaniyang silid at hindi na naghapunan.
Ilang buwan ang lumipas na hindi siya nagawang kausapin ng anak dahil doon. Sasagot lamang ito kapag tinatanong niya. Hindi na katulad nang dati na lahat ng nagaganap sa buhay nito’y kinukwento sa kaniya.
Dumating ang araw ng pag-alis ng kaniyang anak patungong ibang bansa upang makipagtuos sa ibang lahi. Bumeso lamang ito sa kaniya bilang pamamaalam. Dahil nga hindi na niya matagalan ang hindi nila pag-uusap ng anak, hinabol niya ito’t sinabing, “Galingan mo, anak, patunayan mong mali ako,” dahilan upang sa muling pagkakataon, ngumiti sa kaniya ang binata.
Hindi nga siya binigo ng anak, nanalo ang kupunan nito’t tinalo ang halos tatlong lahi. Bukod pa dito, ang binata ang tinanghal na pinakamagaling na manlalaro sa larangan ng baseball. Mangiyakngiyak niyang pinanuod ang balitang ito at ganoon na lamang ang nararamdaman niyang saya para sa tagumpay ng anak. ‘Ika niya, “Mali talaga ako, dapat noong una pa lang, pinakita ko na sa kaniya ang suporta ko,” saka niya pinunsan ang kaniyang luha.
Ilang araw lang ang nakalipas, umuwi na ng bansa ang kaniyang anak kasama ang buong koponan nito. Labis na saya ang sumalubong sa kanila dala ng mga kapwa Pilipino.
Agad niyang niyakap ang kaniyang anak at sinabing, “Simula ngayon, hindi na kita pipigilan sa gusto mo, bagkus, buong suporta ko ang ibibigay ko sa’yo,” na talaga nga namang nakapagpaluha sa binata.
Minsan, sa sobrang pagmamahal natin sa ating mga anak, nagagawa na nating hadlangan ang kanilang mga pangarap. Hindi masamang pagbawalan sila, ang masama’y pigilan sila kung saan sila hinahatak ng kanilang tadhana.