Inday TrendingInday Trending
Puro Bagsak!

Puro Bagsak!

“Mareng Winnie, ilalabas na ang resulta ng bar exam sa susunod na linggo! Nagpagawa ka na ba ng tarpaulin para kay Joyce? Gusto mo ba isabay ko na sa pagpapagawa ko kay Ilonah? Para naman makamura ka!” bati ni Aling Fe sa tinderang si Aling Winnie.

“Naku, hindi na. Hayaan mo na, kahit naman wala ng ganun ay proud pa rin ako sa anak kong ito,” sagot naman ni Aling Winnie sabay tapik sa balikat ng kaniyang anak.

“Naku, oo nga pala. Baka bumagsak lang ‘yang anak mo! ‘Di ba puro bagsak ang marka niyan sa law school? Ilang taon nga pala ulit yan nag-aral bago nakapagtapos? Ang anak ko kasing si Ilonah ay apat na taon lang, walang bagsak at Cum laude pang nagtapos sa law school, ha. Sobrang talino talaga ng anak ko!” malakas na tawa ni Aling Fe.

“Oo naman,mare! Alam lahat ng tao ‘yan dito, huwag kang mag-alala!” pabalang naman na sagot ni Aling Winnie. Tumayo naman kaagad si Joyce upang pumagitna sa dalawa.

“Congrats po sa inyo ngayon pa lang. Alam namin lahat na magiging abogado na si Ilonah. Huwag niyo na lang ho akong asahan,” saad naman ng dalaga.

“Naku sinabi mo pa nga! Siya sige, ako’y mauuna na at naghahanda na rin kami para sa pa-lechon ng anak ko. Baka kasi mag top pa siya sa bar!” paalam naman ni Aling Fe saka ito umalis.

Napapailing na lamang si Aling Winnie habang inaayos ang paninda nila.

“Tangi*a talaga nung si Fe! Napakayabang! Bwisit sa buhay ng mamamayang Pilipino! Masama man ang humiling ng masama sa kapwa pero sana bumagsak ‘yung anak niya ng lamunin siya ng lupa sa kayabangan niya! Salot siya, salot!” inis na wika ni Aling Winnie.

Hindi naman na nagsalita pa ang dalagang si Joyce at tinawanan na lamang ang kaniyang nanay.

“Anak, pasensya ka na ha? Pasensya ka na talaga at ganitong buhay ang nabigay ko sa’yo. Kaming mga magulang ay may kasalanan kung bakit naghihirap kayong mga anak, patawarin mo ako, Joyce,” wika pang muli ni Aling Winnie sa kaniyang anak.

“Si mama nagdrama na naman! Wala ho kayong kasalanan sa nangyari, walang may gusto na bumagsak at umulit-ulit ako sa pag-aaral. Laking pasasalamat ko na lang ho at pinagbigyan niyo pa rin ako sa pangarap ko kahit na mahal. Itinaguyod niyo po ako at sobrang masaya na ako roon. Kaya kung magiging abogado man ako ay nasa kalooban na iyon ng Diyos, ginawa na natin ang lahat ng ating makakaya,” malambing na sagot ng dalaga saka niya niyakap ang kanyang nanay.

Binuhay ni Aling Winnie ang anak niyang si Joyce sa pagtitinda sa palengke ngunit nang magkasakit ang asawa niyang si Mike ay nagkandabaon sila sa utang na siyang naging dahilan sa pagkabagsak ni Joyce sa pag-aaral. Aminado ang dalaga na nabayaan niya ito rahil sa pagtulong niya sa kaniyang magulang at mas pinahirap pa nga ito nang tuluyang mamaalam ang kaniyang tatay. Ngunit hindi siya sumuko, bumangon muli at ipinagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Ngayon ay ilang araw na lang at malalaman na kung pumasa nga ba siya sa pagiging abogado.

“Anak! Magandang umaga! Handa ka na ba sa anunsyo ngayong araw? Basta, kung ano man ang lalabas ay huwag kang panghihinaan ng loob, ha? Lalaban lang tayo ng lalaban!” bati sa kaniya ni Aling Winnie.

“Inaasahan ko na, mama, na babagsak ako pero blessings kapag pumasa ako. Kakain po tayo sa labas, ‘pag nagkataon ay libre ko pa!” sagot naman ni Joyce saka sila umalis na mag-ina upang mag abang ng anunsyon ng mga bagong abogado.

Paglabas pa lamang ng bahay ay maingay na maingay na ang pamilya ni Aling Fe at pinagsisigawan nang abogado na raw ang anak niyang si Ilonah. Hindi na lamang nila ito pinansin.

Tanghali na at hindi pa rin lumalabas ang resulta.

“Ma, uwi na tayo. Abangan ko na lang sa Facebook,” malungkot na wika ni Joyce.

“Itong si Joyce, letter A naman ang apelyido natin kaya mauuna tayo. Kapag wala ay aalis na tayo kaagad, kapit ka lang diyan!” magiliw pa rin na sagot ni Aling Winnie sa kaniya.

Maya-maya pa, habang nakatitig lamang sa kawalan ang dalaga ay naglabas na ng resulta. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib at nanginginig ang kaniyang mga kamay.

“P*tcha! Abogado na ang anak ko!” sigaw ng katabi nilang magulang. Napangiti naman si Joyce sa narinig niya at nagulat na lamang na nagluluhod na ang kaniyang nanay.

“Ma! Anong nangyari? Hindi mo nakita pangalan ko?” tanong kaagad niya.

“Anak, attorney ka na!” umiiyak niyang sambit at mabilis na lumingon si Joyce upang tignan ang kaniyang pangalan. Abogado na nga siya! Halos hindi makasigaw ang dalaga sa pagkakataong iyon at napuno lamang sila ng iyak ni Aling Winnie.

Masaya silang kumain sa labas at tahimik na umuwi. Walang ibang laman ang puso ng mag-ina ngayon kung ‘di ang pasasalamat sa Panginoon.

“O, ba’t malungkot yata kayong magnanay? Hindi rin ba pumasa ‘yang si Joyce? Hayaan mo na! Si Ilonah din naman ay hindi, mahirap at mahigpit daw talaga kasi ngayon ang pagsusulit. Pwede pa naman bumawi!” bati ni Aling Fe sa kanila.

Magyayabang pa sana kaagad si Aling Winnie ngunuit pinigilan siya kaagad ni Joyce at ngumiti na lamang kay Aling Fe saka sila umalis.

“Ikaw naman, anak, ngayon na nga lang ako makakabawi sa bwisit na babaeng ‘yun ay hindi mo ako pinagbigyan!” inis na wika ni Aling Winnie sa anak.

“Hayaan niyo na, ‘ma, kawawa rin naman si Ilonah. Walang may gusto ang bumagsak kaya huwag na lang po natin dagdagan pa ang sakit na nararamdaman nila,” sagot ni Joyce at niyakap muli ang kaniyang anak.

Naintindihan naman kaagad ito ni Aling Winnie at nagpasalamat na lamang sa Diyos dahil napalaki niya ng maayos ang kaniyang anak. Ngayon ay isa na sa pinakamagaling na abogado ang dalagang si Joyce at naiahon na rin niya sa hirap ang kaniyang ina ngunit nanatili silang mapagkumbaba at mabait sa kapwa.

Advertisement